Dear Graduates

Congrats! Congrats dahil sa wakas, ikaw ay nasa dulo na. Makalipas ang labinlima, labing anim, o baka higit pa, sa wakas ay tapos na.

Tapos na ang mga araw na nagsisimula sa kunsomidong boses ni Mama habang sinasabing mali-late ka na naman kahit alas singko pa lang ng umaga. Tapos na ang mga pagligong “ulo ulo lang, hindi kasama katawan” dahil mag-aalas siyete na pala sa orasan. Tapos na rin ang maya’t mayang pagtingin-tingin sa group chat para malaman kung dumating na ba si Ma’am.

Congrats! Congrats at ngayon ay malaya ka na.

Malaya ka na mula sa mga surprise quiz ni Sir. Na siyang tanging lalakeng nagbibigay ng sorpresa sa iyo. Malaya ka na rin sa pag-aalala kung may binigay bang homework kahapon si Teacher. At malaya ka na mula sa mga groupmate mong walang naiambag kundi ang kamustahin kung tapos na ba ang inyong final paper.

Congrats! Congrats dahil wala ka nang babayarang handouts na ni-reproduce yata sa papel na presyong ginto. Wala nang sisingilin si Class Treasurer na pambayad sa ganito, ganyan. Hindi na naubusan ng pagkakagastusan! Wala nang pila dito, pila doon, makabayad ka lamang sa matrikulang masakit sa bulsa. Wala na rin ang mga biglaang bayarin na akala ni Papa ay gawa-gawa lang dahil halos araw-araw ay nanghihingi ka.

Congrats! Sa wakas ay makapagpapahinga na rin ang iyong tigyawat na tinubuan ng mukha este ang iyong mukha na tinubuan ng tigyawat. Sa wakas ay mapagtititirik mo na ng kandila este masusuklay na nang maayos ang mga namatay mong buhok. Sa wakas ay masisimulan mo na ang Oplan Balik-Alindog program—iyon ay kung may babalikan nga ba talagang alindog.

Congrats! Hindi ka na magtiya-tiyaga sa Pancit Canton, lugaw, at fishball para mairaos lamang ang pananghalian. Hindi ka na maglalakad ng ilang kilometro kapag nalaglagan ka ng piso. Hindi ka na matutulog ng alas kuwatro para magising ng alas sais, maipasa lang ang project mo sa tamang oras.

Congrats! Wala nang test. Wala nang performance task. Wala nang tres. Wala nang numerong magsasabi kung may natutunan ka ba sa klase o wala.

Dahil ang susunod mong hamon ay mas mahirap na.

Kaya mas maging matatag ka pa sana dahil sa pagkuha mo ng iyong diploma, mas dadami ang iyong problema. May mga panahong gugustuhin mong sumuko na.

Madadagdagan ang pimples mo ng eyebags sa stress. At least, may pambili ka na ng makeup at pampakinis. May pampakulay at pampa-rebond ka na rin ng iyong buhok na siguradong mas mamumuti ang tuktok. May budget ka na rin pang-gym. Pero syempre, mas tataba ka dahil mas masarap kumain.
Mas tumibay pa sana ang mga tuhod mo dahil marami ka pa ring tatayuang mga pila. Marami ka pa ring gastusin na babayaran mo na sa sarili mong bulsa. Marami ka pang makikilala na mas magaling pa sa mga kaklase mo pagdating sa pagtanga.

May mga panahon pang mapapatanong ka ng “Bakit sila…? Bakit ikaw…?”Mapapagod ka sa pagkukumpara ng naabot mo at narating nila. Mapapaisip ka kung nasaan ka na simula nang makapagtapos ka.

May mga taong magpapahina ng iyong loob. Mayroon ding sisira ng iyong umaga sa tuwing ikaw ay papasok. Mayroon din diyang ngingiti sa iyong harap at pagtalikod, ang ilong ay umuusok sa galit.

Sakit, lungkot, at pait ang mararanasan mo sa bagong mundo. Darating ang panahong magdududa ka sa mga tagumpay na iyong nakuha. O kung may tagumpay ka nga ba talaga

At kung dumating ang panahong iyon, maalala mo sana sila—ang iyong pamilya—na simula umpisa ay nandiyan na. Ang iyong mga magulang na kaunting tagumpay lang, masayang masaya na… Continue reading here.

About Eurmajesty Roque

Hi! My name is Eurmajesty Roque and I am as eccentric as my name. I wear mismatched shoes. I'm too shy to say "Hi" to people but I talk to myself out loud in public. I love ampalaya and okra which almost everyone hates. If these weird things are okay with you, then welcome to my blog. See other sides of my peculiarity at: Website: www.eurmajestyroque.com Facebook Page: web.facebook.com/EurmajestyRoque/ Twitter: https://twitter.com/majestydqueenph