Dear Gloc 9 (Isang Bukas na Liham)

Source: http://entertainment.inquirer.net/192986/gloc-9-presence-at-campaign-sortie-not-an-endorsement
Source: http://entertainment.inquirer.net/192986/gloc-9-presence-at-campaign-sortie-not-an-endorsement
Source: entertainment.inquirer.net

Dear Gloc 9,

Kung may isang tao akong hinahangaan sa pagiging musikero at makata ay ikaw ‘yun. Simula nung nilabas mo ang kanta mong “Upuan”, muli akong nakinig ng rap. Nabago ang pananaw ko sa Pinoy Rap. Iba ka eh. May angkin ka talagang puso sa musika. Hindi ka lang basta gumagawa ng kanta para sa tenga – tumatagos ang bawat nota at letra hanggang kaluluwa.

Maliban sa pagiging musikero mo ay bilib ako sa pagkatao mo. Ang kanta mo ay hindi para sa mga mabababaw, sa mga mahilig sa flicks at mainstream. Lagi kang may mensahe, may patutungkulan ang bawat bagsak ng kanta. Matalinghaga. Matalino. Dapat irespeto.

Kung susuriin natin ang mga awit mo, masasabi ko na is aka sa mga taong pagod na sa mabuwayang sistema, galit sa korapsiyon, sa kahirapan, sa kagutuman, gusto mo ng pagbabago. Gusto mo ng pantay pantay na pakikitungo sa lahat ng tao maski ano pa ang paniniwala at kasarian. Ang mga bagay na ito ang higit na hinangaan ko sa’yo. Ito ang dahilan kung bakit tagos sa puso ang mga kanta mo. Isa ka sa masa. Isa ka sa amin-parehas tayo ng pinanggagalingan. Biktima ng mga gahamang nakaluklok sa pwesto.

Ngunit kamakailan ay nabalitaan ko na kumanta ka sa stage ni Binay. Aaminin kong labis akong nagulat at nadismaya. ‘Yung tipong mapapatanong ka ng “AKALA KO BA….?!”. Ngunit bago ako magtanong nang magtanong ay nagsaliksik ako. Totoo nga ang balita. Ang tanong ko ngayon ay BAKIT? Sa totoo lang, labis akong nasaktan. Para bang sinaksak ako sa likod tumagos hanggang sa kalamnan hanggang puso. Para akong trinaydor.

May kanya-kanya tayong paniniwala at paninindigan. Si Binay ay ‘di pa napapatunayang may sala sa korte suprema. Ngunit alam nating lahat na siya ay may maruming pamamahala, mayabang at corrupt. Kaya delayed ang hearing ay dahil ayaw niyang humarap sa Senado para sagutin ang mga alegasyon niya.

Hindi tayo parehas ng manok sa eleksiyon, pero bakit si Binay? Nasaan na ang mga letra, musika at mapusong rap para sa mga kababayan mo? Akala ko ba pagod ka na? Akala ko ba parehas tayo ng pinagdadaanan? Pero bakit siya? Sa tingin mo ba siya ang buhay na ehemplo ng politikang “hindi lang nakaupo?” Siya ba sa tingin mo ang kasalungat ng buwaya sa cover ng CD mo? Siya ba ang ehemplo mo ng malinis, marangal at tamang pamamalakad?

Napakalaki ng impluwensiya mo sa masa, hindi mo maaaring sabihin na may panangutan ka lamang sa anak mo. May pananagutan ka sa lahat ng makaririnig ng musika mo, sa mga fans mo – DAHIL MAY IMPLUWENSIYA KA. Kailangan ay maingat ka dahil may mga buhay at desisyon kang maaaring maapektuhan. Kailangan mong maging mapanuri at maingat dahil marami ang tumitingala sa ‘yo.

Alam natin na ang impluwensiya ay malaking bagay lalo na sa mga taong umiidolo sa ‘yo. Huwag tayong magpaka-naïve, kaya kumukuha ang mga politicians ng mga artista at musikero ay dahil sa impluwensiya. Malamang, may iba pang kandidato na nanligaw sa ’yo. Maaari nga na “kumanta ka lang” sa entablado, hindi mo nga siguro siya iniindorso, pero alam naman natin na ‘yun na ‘yun, ‘di ba?

Hindi na kwestiyon dito kung hindi man tayo parehas ng panig. Ang nakababahala lang ay taliwas sa mga kanta mo at paninindigan mo (base sa musika mo) ang iniendorso mo. Hindi ka maaaring manahimik, may panangutan ka sa amin. Sa masa. Dahil ikaw na may impluwensiya – kapag naakay mo sa mali ang mga taong naniniwala at tumitingala sa ’yo, anim na taong paghihirap na naman ang mararanasan naming lahat.

Nais kong balikan ang tanong ko kanina. Bakit? Bakit siya? Bakit ka pumayag? Anong nakita mong maganda kay Binay para mapapayag ka niyang kumanta sa kampanya niya? Ano ang nagpapayag sa ’yo na magtanghal sa entablado?

Kaya nagre-react kaming mga fans mo ay dahil nais pa rin naming makita kung ano ang nakikita mo. Nagagalit ang iba dahil para bang nawalan ka ng kredibilidad sa prinsipyo mo, sa ipinaglalaban mo. Upuan, tapos si Binay? Tinawag at inakay mo kaming lahat sa musika mo para maging maalam at makialam sa kalagayan ng bansa, … pagkatapos si Binay?

Pera-pera na nga lang ba?

Muli, bakit? Ano ang dahilan mo?

At muli, hindi ka lang sa anak mo may pananagutan. Sa aming lahat na nakikinig ng musika mo. Sa aming lahat na kinumbinsi mong may boses tayo. Na maaaring magtulungan para sa pagbabago. Sa tingin mo ba, si Binay ang magdadala ng pagbabago?

PS: Nirerespeto ko rin naman ang desisyon mo, pero nagdududa na tuloy ako sa mga lyrics ng kanta mo. Sana lang…mabura na rin ang pagdududang ito. Goodluck pa rin ang wish ko para sa iyo, idol!

About PirmaAtPluma

Mahilig Sa Yellow, pero hindi kay Pnoy|| Madaldal|| A Fan of MSK, RAGubalane, Mike Portes, Kara David and akoposijayson || Fan ni Bob-Ong|| Proud Pinay|| Adik sa Clash of Clans