Dear Filipino Voters (Isang Bukas na Liham)

Source: bobotantekaba.blogspot.com
Source: bobotantekaba.blogspot.com
Source: bobotantekaba.blogspot.com

Para sa mga kapwa ko botante,

Hindi lingid sa kaalaman natin na nitong mga nakaraang buwan nga ay naibalita ang pork barrel kings and queen na kinabibilangan nina Jinggoy Estrada, Bong Revilla at Juan Ponce Enrile kasama si Janet Napoles. Sa halaga ng pera na di umano ay nakulimbat nila, maaaring napamura kayo kagaya ko at ilan pang mga Pinoy sa iba’t ibang panig ng mundo. Napakalaking halaga na napunta sana sa budget para sa ikabubuti at ikauunlad nating lahat–nailagay sana ito sa mga proyektong makapagpapaunlad ng kaisipan at kabutihan ng ating pamumuhay.

Kawawa na ang bansa natin, hindi lang sa panghahamak ng mga racist sa ibang bansa, sa mga kalamidad at sa pang-aabuso ng ibang mas malalaki at mas makapangyarihang bansa. Ngunit ang masaklap at pinakamasakit sa lahat ay kawawa tayo sa kamay ng mga kapwa nating Pilipino na niluklok natin sa pwesto. Kawawa ang mga Pinoy sa pang-aabuso ng mga politikong nag-aanyong anghel sa harap ng camera at telebisyon ngunit sa totoo lang ay umaabuso at nabubuhay sa katangahan at kamangmangan nating mga Pilipino.

Nariyan sila hindi lang sa kagustuhan nila kung hindi dahil pinapayagan natin na manatili sila. Maaring isipin natin na “Kaya naman nilang dayain ‘yang resulta sa taas.” Pero hindi lang ‘yun ang dapat nating tignan. Kailangan nating tingnan ang mga sarili natin at ang talino natin sa pagboto.

Unang punto, naniniwala kasi tayo na tutulungan talaga nila tayo sa pamamagitan ng mga commercials nila at mga posters. Hindi ba ironic o nakapagtataka na ang Poster ng pagmumukha nila ay nasa bangketa at tarapal ng mga bahay sa mga barong-barong? Dun pa lang magtaka ka na. Pang ilang termino na ng politikong ‘yan; yumaman na siya at politiko na rin ang anak niya pero ikaw, ni hollow blocks di mo pa nadadagdagan ang bahay mo.

Pangalawa, parati nilang sinasabi na edukasyon at kalusugan ang priority nila, pero tingnan mo ang sistema ng edukasyon at kalusugan ngayon. Kailangan ko pa bang ipaliwanag ang obvious na? Isipin mong mabuti, kung talagang gusto mong umangat sa buhay at edukasyon ang susi dito, isipin mo ang anak mong tutuntong sa institusyon upang mag-aral. Buksan mo ang kaisipan na kapag isa kang dukha kagaya ko, bibihira ang mga ospital na bibigyan ka ng atensiyon. Tapos mababasa at mapapanood mo sa balita na may special treatment ang mga Porkies sa selda dahil daw sa sensitibong lagay ng kalusugan nila. $^%*#%*&^(&(+&()&(@!*&()*_})_!!!!!!!

Pangatlo, naniniwala ka na ang iaabot nilang Php500-1000 pesos ay grasya o form of generosity. (NAKAKASUKA) Sa lahat ng rason, ito ang nagpapa-init ng ulo ko. May mga kababayan kasi tayo na nagbebenta o nabibili ang boto. Hindi mo ba naisip na yan lang ang halaga ng buhay mo sa loob ng tatlong taon o isang termino ng politiko? Php500 sa loob ng tatlong taon. Pagkapanalo ng mga yan, nakalimutan ka na din nila at hindi ka na nila obligasyon na tulungan dahil nabili ka na nila. Kapag kailangan mo na sila, ngangawa ka na lang ng ngangawa kasi wala ka ng maasahan sakanila. At kapag botohan ulit, ibebenta mo nanaman ang buhay mo sakanila. Repeat until fade. Repeat hanggang sa anak naman niya ang tatakbo dahil tapos na ang termino niya.

Pang-apat, binabase natin ang boto natin sa kung gaano kagaling gumiling ang mga back up dancers nila, ang kasikatan ng mga artistang dala nila at kung gaano sila kagaling sumayaw ng Totoy Bibo kapag Meeting de Avance. Maaari nang i-predict ang mananalo sa dami ng palakpak at lakas ng sigaw ng mga tao. Napakababaw na basis.

Panglima, hindi tayo tumitingin sa mga nagawa o accomplishments ng isang tao bago tayo bumoto. Iniisip natin ang perang kaya nilang iabot para sa ‘yung precious vote. Ni hindi natin sinusuri kung satisfied ba tayo sa nakaraang serbisyo nila.

Pang-anim, masyado tayong mahilig sa mga artista kaya kahit sa Senado nagmumuka ng pelikula. Kaya napapanday ang mga pitaka natin, kaya sumesexy pati mga budget natin dahil sa kahiligan nating bumoto ng mga hindi naman kwalipikado. Hindi natin malagyan ng barrier ang “acting” sa “actual”.

Kadalasang tumatakbo ang mga artista at kamag-anak ng mga politiko dahil nakikita nila itong venture for more money at hindi serbisyo. Sa una, sasabihin nila na gusto din nilang ibalik sa mga tao ang biyaya na natanggap nila sa pamamagitan ng public service, pero kalaunan ang mga taong yan ang naakusahan ng korapsiyon at pagnanakaw. Tumatakbo sila dahil alam nilang mananalo sila. Alam nilang mahilig ang mga Pinoy sa mga artista at yun ang kanilang sinasamantala. At aminin natin na hindi natin pwedeng isisi sa kanilang lahat ang problema. Gaya nga ng kasabihan, “We deserve a government we permit.”

Huwag tayong pasisilaw sa mga pangako at perang kanilang iniaabot dahil isa lamang ‘yung patibong para makuha ang loob natin. Minsan naiisip ko na hindi nila binibigyan ng solusyon ang kahirapan at edukasyon sa Pilipinas dahil nais nilang manatiling tanga at mahirap ang karamihan sa atin. Nais nilang manatiling uto-uto ang mga botante para mapaikot nila ang mga Pilipino-para makuha nila ang kanilang gusto.

Dalawang taon na lang at eleksiyon na ulit. Nagsisimula ng magpasikat ang mga aspiring candidates. Nariyan ang mga Pariseo na kunyare ay humahawak ng martilyo ngunit wala namang pakong pinupukpok. Napakaraming gimik. Napakaraming drama.

Sana lang, this time huwag na tayong magpadala kung hindi ay tayo nanaman ang kawawa.

Gising Juan Dela Cruz. Huwag kang pumayag maging BOBOTANTE.

Source: cheezburger.com
Source: cheezburger.com

Related Links:

Dear Bong Revilla (An Open Letter)

Oy oy oy, Jinggoy! (An Open Letter)

Dear Senator Juan Ponce Enrile (An Open Letter)

About PirmaAtPluma

Mahilig Sa Yellow, pero hindi kay Pnoy|| Madaldal|| A Fan of MSK, RAGubalane, Mike Portes, Kara David and akoposijayson || Fan ni Bob-Ong|| Proud Pinay|| Adik sa Clash of Clans