Dangal For Sale

(Photo Credit: wisegeek.org)
(Photo Credit:  wisegeek.org)
(Photo Credit: wisegeek.org)

‘ Gandang bulas sana ang batang ito, sayang lang.”

Iyan ang lagi kong naririnig sa mga tambay sa aming kanto. Marami pa silang sinasabi; kesyo anak ako sa kawayan kasi nga hindi ko nasilayan kailan man ang aking amang amerikano raw..

Maaaring hindi Pinoy ang aking ama, ako lang kasi ang naiiba sa aming limang magkakapatid, kulay ko’y mamula-mula lalo na kapag nasisinagan ng araw.  Ang buhok ko’y kulay ginto na hanggang balikat, tila ito’y alitaptap sa gabing madilim; ito ay nakikita agad kahit pa walang kuryente. Mata ko’y bughaw na kasing-linaw ng dagat, at ang ga labi ko ay para lang iginuhit sa papel ng isang magaling na manlililok sa nipis at ganda ng pagkakaporma.. Para daw akong isang diwata…

Diwata sa kabaret ni Aling Bene, bentang-benta ang aking ganda dito sa lugar namin, gandang pagod na pagod na sa dami ng aking parokyanong nasamahan, kay luwang ng ngiti ni Aling Bene sa tuwing ako ay may duty, tiyak hindi mase-zero.ang kanyang gabi..

Opo, mababa ang aking lipad, tila ako isang inakay na bali ang pakpak na nalulugmok na lamang sa kanyang pugad..

Hindi ako pinag-aral ng aking ina dahil gastos lang daw iyon, makahahanap rin daw ako ng pera dahil maganda naman daw ako, maraming magkakagusto sa akin. Namatay si inay sa sakit na kanser sa bahay-bata. Iniwan sa akin ang apat ko pang kapatid sa iba’tibang tatay,

Dati ay naglalaba ako sa aming kapitbahay na mayaman, aba! Tinikman ni kuya ang aking walang muwang na kagandahan nang minsang maglaba ako sa kanila..

Maliit na ang kinikita, grabe pa ang sakit ng aking likod sa paglalabada. Bigas lang at bagoong o ‘di kaya’y tuyo ang nabibili ng aking pera.

Ok lang naman sana iyon, nairaraos ko rin naman ang aming maghapon, kaya lang nang magkasakit ng tipos si bunso, doon na ako nabaon sa utang. Kung kani-kanino lang basta may maipambili ng gamot ang aming kapatid. Ang masaklap pa, hindi na niya nakayanan; namatay itong dilat ang mata.

Hinikayat ako ni Aling Bene na pumasok sa munti niyang bar, halos langaw at lamok lang ang kustomer dito kasi walang pumapasok. Nang ako’y maupo sa harapan ng kanyang tindahan, mga parokyano ay nagsidatingan kaya ang may-aring si aling Bene ay ginanahan, at ginawa na akong regular worker doon.

Malaki ang aking kinikita mula sa suweldo hanggang sa mga bigay-bigay pa ng mga parokyano tuwing ako’y inilalabas.. nakapagdadala pa ako minsan ng masasarap na pagkain para sa mga kapatid kong sikmura’y walang laman..

Kay sarap sa pakiramdam na nabubusog ko sila at napapangiti kahit ang kanilang kinain ay galing sa aking pinagputahan, pikit-matang nilulunok ko ang hiya para sikmura ay magkalaman.

Minsan, isang kapitbahay ang sa aki ay nang-insulto.

“Naku! Margarette, sayang ang dangal mo, malalaos ka rin.”

Sinagot ko ng;

“Ate, aanhin mo ang iyong dangal kung pamilya mo ay nagdidildil ng asin, nakaharap sa bintana at lumalanghap lang ng hangin para dumighay, damit ay gula-gulanit dahil kahit ukay-ukay ay walang nagbibigay?”

Nakakain ba ang dangal? Nalalamanan ba ang sikmura niyan?
Wala akong pakialam sa sasabihin ng mga tao dahil hindi naman nila alam ang pinagdadaanan ko.

Bakit? Sila ba ang hinihingan ng aking mga kapatid ng pagkain? Basta nagpapagod din ako, hindi ako nagnanakaw para may ipakain sa kanila.

Ang tanong ng iba: Ang tulad ko ba raw ay makahahanap pa ba ng totoong ligaya? Noon, hindi ko rin ito masagot, kasi kahit ako ay hindi ko rin alam.

Ngunit napadaan si Ariel sa tindahan; isang Arkitekto sa isang ginagawang gusali sa kabilang bayan, at naging regular customer ko na siya, nagti-tip na rin siya lagi, pati bigas na paluwal ng kompanya ay kanyang dinadala.

Lumipas ang mga buwang pag-inom-inom ng serbesa; si Ariel ay nagpahayag na sa kanyang niloloob, mahal niya raw ako. Sabi ko, hindi nakabubusog ang pagmamahal.

Aba! Nachallenged ito at hinamon ako.

Bakit? Magkano ba ang dangal mo?”

“Kung bubuhayin mo ako pati ang mga kapatid ko, ako’y iyong-iyo, ngunit may sasabihin ako sa ‘yo..”

“Pag-ibig na walang dangal ang iaalay ko sa ‘yo, matatanggap mo ba ito? Kapag nalaman mo ang mga naging kahapon ko, mahalin mo pa kaya ako?”

Tumutulo ang aking luha habang kinakanta ang sikat na awitin ng beteranang singer..

Niyakap ako ni Ariel nang buong puso.

“Margarette, nang ikaw ay aking mahalin, hindi ko na nakita ang iyong nakaraan.  Bagkus ako ay tumatanaw sa ating magiging kinabukasan..”

Ipinagpaalam ako kay Aling Bene na may titingnan lang kami…

Ako’y nasorpresa nang sa munisipyo niya ako dalhin, lalong napamulagat ang aking mga mata nang makita ko ang aking mga nakababatang kapatid at bihis na bihis pa talaga sila.

Mga kasamahan ni Ariel sa trabaho ay nandoon din bilang witness sa aming pag-iisang dibdib…

Tunay nga palang wagas ang pag-ibig… walang kinukuwentang nakaraan, ibinabaon sa limot ang mga pangit na pinagdaanan at hindi na muling ibabalik kailanman..

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.