Danak: Dalawang Kuwento ng Buhay

http://sa.kapamilya.com/absnews/abscbnnews/media/news-special1/nation/07/31/073116_pusher1.jpg

“Dilig”

Makulimlim na ang langit, nagbabadya ang isang biyaya matapos ang ilang araw na tuyong panahon. Naghahanap na ng masisilungan ang mga ibon. Dumadagundong na ang kulog na animo’y nagmumula sa isang malaking tambol, hudyat na paparating na ang inaabangan ng magsasakang namamahinga sa kaniyang dampa sa gitna ng palayan. May katarata man, may galak sa mga mata ng matandang magsasaka habang nakamasid sa papaiyak na kalangitan.

“Salamat po,” bulong niya. Isa itong nasagot na panalangin para sa kaniya. Ilang araw na nila itong hinihingi para sa mga uhaw nilang tanim. Ang ulan, ang isa sa mga paborito niyang biyaya.

Nagbitaw na ang langit, ang mga unang patak sa lupa ay parang musika sa tenga ng matanda. Napapikit siya at muling nagpasalamat. Ngunit nakaramdam siya ng init sa kaniyang tagiliran. Nang minulat ang medyo nanlalabong mga mata’y naaninag ang dugong umaagos. Humalik ang dalawang tuhod ng matanda sa lupa, at lumusot ang isa pang ligaw na bala sa kaniyang leeg.

Sunod-sunod ang mga putok ng malalakas na baril at patak ng ulan. Sumasabay ang mga pagtambol ng kulog sa mga granadang sumasabog. Mga sigaw na may magkaibang pinaglalaban. Ito ang biglaang bangungot sa gitna ng dati’y payapang palayan, bunga ng bakbakan ng militar at mga rebeldeng kalaban.

Halos dalawang oras ang itinagal ng malakas na ulan, at pag-ulan ng bala. Sinagot ang simpleng dasal ng matanda, kahit papaano. Nadiligan ang nauuhaw na lupa, tubig mula sa kalangitan, at… dugo mula sa mga gusto ng ‘kapayapaan’, ‘kasarinlan’, at mga wala namang kasalanan.

“Pietà”

Mabibilis ang mga lundag ni Bernardo sa mga nitso. Hubad ang kamiseta, at tagaktak ang pawis dahil sa makatunaw-bakal na init ng araw. Bitbit ang dalawang tsinelas, para mas mabilis ang karipas. Umiikot ang mga mata, naghahanap ng puwedeng suotang butas. Hingal-kabayo na siya pero hindi maaaring tumigil sa pagtakbo. Hindi siya puwedeng mataya. Ibibigay na niya ang lahat ng lakas. Ang pagtakbo ay para sa gatas ng isang supling, at para may ulam na maiuwi na pagsasaluhan nila ng kaniyang kabiyak na naghihintay sa maliit na barungbarong. Mahal niya ang mga ito, nakaburda ito sa kaniyang puso’t braso. Kaya hindi puwedeng mataya. Hindi puwede.

Hinahabol niya ang buhay, at hinahabol siya ng kamatayan.

Ngunit, mas mabilis tumakbo si Kamatayan.

Isang bala ang humalik sa likod, parang angkla ang paglaglag ni Bernardo — sakto sa nitso ng kaniyang ina. Gusto niya pang lumaban upang isalba ang natitirang pag-asa na hindi tuluyang mataya, pero hindi na kakayanin ng payat na katawan. Nabahidan ng pula ang nitsong may kulay kupas na puti. Umuubong tumihaya sa nitso ng kaniyang ina, para siyang batang nagsusumbong sa pamamagitan ng iyak na puno ng pagsisisi at awa sa sarili dahil sa sinapit. Ang kaninang hingal-kabayo ngayon ay naghihingalo — nais pang tumakbo ngunit hindi na makatayo. Malalim ang paghinga. Naalala niya ang kaniyang walong buwan na anak at ang kaniyang asawa; ito ang huling rehistro sa isip ni Bernardo bago siya taniman ng bala sa ulo.

Tapos na ang habulan. Sa gatilyo na nakasulat ang batas. At isa lamang si Bernardo sa mga hindi nakatakas.

“Lagyan n’yo ng karatula ‘yang tulak na ‘yan bago itapon.”

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.