Dagdag na isang bituin sa watawat ng Pilipinas, iminungkahi ni Senator-Elect Tolentino

Image from Freepik

Mayaman ang kasaysayan sa likod ng pagkabuo ng watawat ng Pilipinas.

Ang kauna-unahang watawat ay ginawa noong panahon ng digmaan ng mga katipunero laban sa mga kastila.

Nagsimula ang Philippine Revolution sa pagbuo ng Kataastaasang Kagalanggalang Katipunan ng mga Anak ng Bayan noong 1896.

Image from Wikimedia Commons

Iba-iba ang mga naging bersyon ng watawat ng Katipunan. Ngunit wala ni isa sa mga ito ang naging opisyal na watawat ng Pilipinas.

Sa dami ng pinagdaanan ng ating bansa sa kamay ng mga mananakop, ang ating kasaysayan ang mismong naging inspirasyon ng pagkakabuo ng opisyal na watawat ng Pilipinas.

Sa kaniyang pagkakabilanggo sa Hong Kong, si Heneral Emilio Aguinaldo ang nagdisenyo ng watawat na ating nakikita hanggang ngayon.

Ang walong sinag ng araw ay sumisimbolo sa walong probinsya na unang umaklas laban sa mga kastila at ang tatlong mga bituin naman ay kumakatawan sa Luzon, Visayas, at Mindanao.

Ginawa ang watawat sa Hong Kong at dinala sa Pilipinas ni Heneral Aguinaldo. Ito ang iwinagayway sa Kawit, Cavite noong June 12, 1898 na siyang opisyal na deklarasyon ng pagiging malaya ng ating bansa sa pananakop ng mga kastila.

Ngayong taon, ginugunita ng Pilipinas ang ika-121 Araw ng Kalayaan. Ipinagdiwang ang anibersaryo sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Sa Davao City, habang ibinibigay ang kaniyang mensahe sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan ay iminungkahi ni senator-elect Franciso Tolentino ang karagdagang isa pang bituin sa watawat ng Pilipinas.

Image from Freepik

I propose a fourth star to the Philippine flag. A fourth star to reflect the Benham Rise, the future Philippines, the future land of the next generation of Filipinos,” ani Tolentino.

Dagdag pa niya, bukod sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan, nais din umano niyang ipagdiwang ang ang bagong kalayaan sa Pilipinas.

Ang kalayaang kaniyang nabanggit ay ang kalayaan laban sa banta sa ilegal na dr0ga, kahirapan, korapsyon, krimen at ang kalayaan sa pangangalaga sa kalikasan.

Hindi lang si Tolentino ang nagmungkahi na magdagdag sa disenyo ng ating watawat.

Noong nakaraang taon lang, iminungkahi rin sa senado na gawing siyam ang sinag ng araw sa watawat bilang pagkilala sa kabayanihan ng ating mga kapatid na Muslim.

Ngunit hindi basta-basta ang pagpapalit sa disenyo ng ating watawat. Marami ang dapat isaalang-alang dahil nakakonekta ito sa ating kasaysayan.

Ayon sa eksperto, magugulo umano ang konteksto ng ating kasaysayan na siyang sinisimbolo ng ating watawat kapag may mga idinagdag na simbolo.

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.