Confession (OFW Story, Middle East Edition)

(Photo credit: NewScientist,com)
(Photo credit: NewScientist,com)
(Photo credit: NewScientist,com)

Ako si Jean, nurse dito sa Gitnang Silangan. Marami ang nagsasabi na perfectionist daw ako, hindi ko naman iyon itinatanggi; lahat kasi ng bagay gusto ko nasa ayos. Kahit nga ang pakikipag relasyon ay may sapat na dahilan dapat sa akin, maging ang pagpili ng taong mamahalin ko. Kadalasan, ako ang kontrabida sa buhay pag-ibig ng aking mga kaibigan, mas marami pa yata ang negative na sinasabi ko tungkol sa mga boyfriends nila. Ang prinsipyo ko kasi ay PERFECT RELATIONSHIP with the RIGHT ONE.

Napunta ako dito sa Saudi, dalawang taon na ang nakalilipas. Nakita ko rito ang sistema ng ilan sa ating mga kababayan. Malala palang talaga, akala ko noon napakahigpit ng bansang ito; nagkamali pala ako. Marami ang nakapagsasama dito sa iisang bahay kahit na pekeng marriage contract ang hawak nila, may mga magkasintahan ngang puwedeng magkita at magkasama tuwing araw ng day off basta may kasama silang mag-asawa sa tutuluyan nilang bahay. Bulok din ang sistema kumbaga dahil nakalulusot ang karamihan, nakalulungkot lang din isipin na may mga kababayan tayong gumagawa ng labag sa kautusan hindi lamang ng batas dito ngunit higit sa lahat sa batas ng Maylikha.

Oo, isa ako sa mga taong galit sa mga kababayan natin na gumagawa ng kalokohan, nakaiinis lalo na ang karamihan sa kanila’y may kanya kanyang pamilyang iniwan sa Pilipinas. Hindi ko maintindihan bakit kailangan pumasok sa magulo at komplikadong sitwasyon? “Hindi ba nila kayang umiwas? Hindi na ba nila pinapagana ang mga utak nila, at tanging ang tawag ng laman na lamang ang pinakikinggan nila?” tanong ko na lang sa aking sarili.

Ngunit minsan sa buhay pala ng tao, may mga bagay na hindi mo magagamitan ng utak. Ang pagiging perfectionist ko ay nawala noong nakilala ko Renz, nagtatrabaho sa isang kilalang kompanya dito bilang enhinyero. Gwapo, matalino at higit sa lahat makapagbibigay siya ng maayos na future sa akin. Nagpakilalang binata at may matinong pananaw sa buhay, ako naman bilang isang babae naghahanap din ako ng taong magmamahal at mag-aalaga sa akin kaya sinagot ko si Renz, kahit na maraming negative comments ang naririnig ko about him. Basta ang alam ko, mahal ko siya at mahal niya ako. Madalas akong pagsabihan ng mga kaibigan at kasamahan ko sa trabaho na layuan ko raw si Renz dahil ito ay pamilyadong tao na, ngunit naging bulag ako sa lahat ng sinasabi nila. Naging isa ako sa mga kababayan nating dati rati’y kinukwestyon ko ang mga maling gawa, naging isa ako sa kanilang nagpakatanga sa larangan ng lintek na pag-ibig. Nawala na ang prinsipyong matagal kong inalagaan dahil pumasok ako sa maling relasyon at hindi karapatdapat na lalaki. Nawala na ang totoong katauhan ko, si Jean na perfectionist, yoong gusto ay nasa ayos ang lahat; binago na ako ng maling pag-ibig na ito.

Hindi ko alam saan ako magsisimulang muli, aminado akong mas mahal ko si Renz kaysa ang mahal ko ang sarili ko. Huwag sana akong husgahan ng lipunan katulad ng pang huhusga ko noon sa mga taong nalilihis ng landas. Nais kong mabago ang sitwasyon, nais kong bumalik si Jean. Sana sa pababahagi ko ng aking kwento ay matulungan ninyo ako.

Ako si Jean, at ito ang aking kwento.

“Tayo ay tao lamang nagkakamali, nadadapa, nasasaktan at makasasakit minsan, matuto tayong tumayo at ipagpatuloy ang buhay sa kabila ng lahat ng ating pinagdaraanan. Tandaan na ang buhay ay puno ng sorpresa, sa bawat pagkakamali sana’y magsilbing aral sa atin.”

Author’s note: Ang kwentong ito ay kathang-isip lamang, anumang pangyayari o pangalan ng tauhan na may kahintulad sa totoong buhay ay nagkataon lamang.

About kambal

Simple lang ako. At naniniwala sa kasabihang " Ang pagiging masaya ay hindi ang pagkakaroon ng mga bagay na gusto mo, kundi pagiging kuntento sa kung anong pinag kaloob sa iyo."