Cha-Cha-Cha

Nitong mga nakaraang linggo ay muli na namang napag-uusapan at matunog na matunog ang Cha-Cha, hindi ang sayaw, kundi ang “Charter Change” o pagbabago ng nilalaman ng Saligang Batas nang Pilipinas, o yun tinatawag natin na Constitutional Amendment / Ratification. Mabusising usapan kasi ang CHACHA dahil sa hindi isang simpleng batas ang dapat baguhin, kundi ang ating Saligang Batas.

Ang Saligang Batas ng Pilipinas kasi ay ang pinakamataas na batas ng ating bansa kung saan lahat ng mga batas na gagawin ng kongreso ay dapat naaayon dito, at kung mayroon mang batas na sasalungat ay madedeklarang unconstitutional, ibig sabihin, walang bisa o hindi na maaaring maipatupad.

Halimbawa, ayon sa ating Saligang Batas, pinoprotektahan nng bansa ang buhay, pati na ang sanggol na nasa sinapupunan pa lang. Kung kaya’t kapag gumawa ng batas ang kongreso na pinapayagan na ang abortion sa Pilipinas, ang nasabing batas para sa abortion ay mapapawalang bisa dahil sa ito ay salungat sa Saligang Batas.

Pero,dahil nga sa noon 1987 pa ang Saligang Batas ay maaari nga na may mga nilalaman ito na hindi na naaangkop sa panahon at dapat nang baguhin. Halimbawa na lang natin yun tungkol sa pag-aari ng lupa sa Pilipinas, kung saan, Filipino lang ang maaaring maging may-ari ng lupa sa Pilipinas, at dahil nga sa globalisasyon, ay dapat na din bigyan daw ng pagkakataon ang dayuhan na magmay-ari ng lupa para naman mahikayat sila na magnegosyo sa bansa. Kung nais ng gobyerno na magbenta ng lupa sa dayuhan ay hindi nila maaaring gawin sa pamamagitan lang ng isang batas na gawa ng kongreso, kundi, dapat ay baguhin ng gobyerno ang probisyon ng Saligang Batas, at payagan na ang dayuhan ay maging may-ari ng lupa sa Pilipinas.

Yun nga lang, hindi ganun ka-simple ang pagbabago ng nilalaman ng ating Saligang Batas. May tatlong mahahabang proseso na dapat pagdaan, at hindi lang ang kongreso o pangulo ng bansa ang magbabago nito, bagkus ay halos lahat ng botante ng ating bansa ay obligadong sumali sa proseso ng pagbabago ng nilalaman ng ating Saligang Batas.

Una, ang pagbuo ng grupo na magbabalangkas at magrerekomenda ng dapat baguhin sa Saligang Batas; Pangalawa, ang aktawal na pagbalangkas at pagrerekomenda ng pagbabago; at Pangatlo, ang pag-aproba o ratipikasyon ng rekomendasyon ng grupong nagbalangkas ng pagbabago sa Saligang Batas.

Sa unang proseso pa lang ay hindi na ganun kadaling pumili o bumuo ng grupo na babalangkas ng pagbabago sa Saligang Batas. Ayon mismo sa saligang batas ay ang mga sumusunod lamang ang paraan ng pagbuo nang grupo na babalangkas ng pagbabago:

a. Sa vote na 3/4 ng lahat ng miyembro ng kongreso ng Pilipinas, ay maaaring italaga ng Kongreso ang kanilang sarili bilang myembro ng tinatawag na Constitutional Assembly (ConAs). Ang ConAs pala ay kinabibilangan mismo ng mga kongresista na nagtalaga sa kanilang sarili upang magbabalangkas ng mga pagbabago sa Saligang Batas.

b. Sa vote na 2/3 ng lahat ng miyembro ng kongreso, ay maaari naman bumuo sila ng isang Constitutional Convention (ConCon), kung saan ang myembro nito ay iboboto ng mga Filipino, kumbaga, magkakaroon ng eleksyon para sa delegado ng ConCon, parang pagboto lang din ng Congressman, ‘yun nga lang, delegate ang tawag, at pagbalangkas lang ng pagbabago sa Saligang Batas ang kanilang gagawin. Muli, hindi ang mga congressman natin ang miyembro ng ConCon, kundi panibagong representative natin.

c. Sa boto naman ng majority ng miyembro kongreso ay magpapatawag ng eleksyon, kung nais natin mga Filipino na bumuo ng ConCon. Sa makatuwid, tayo mismo ang bubuo nang ConCon, at pagnakabuo na tayo ng ConCon, ay magkakaroon ulit ng panibagong eleksyon para sa delegado na magiging myembro ng binuo natin na ConCon.

d. Meron naman ding tinatawag na People’s Initiative, na hindi na kailangan ng utos ng kongreso, kundi tayo mismo mga pilipino ang magrerekomenda ng pagbabago sa Saligang Batas. Hindi na kailangan ng ConAs, o ConCon, kundi, ang rekomendadong pagbabago sa Saligang Batas lang ang kailangan, pipirma lang ang 12% ng mga botante sa nais irekomendang pagbabago. Yun nga lang, hanggang sa ngayon, wala pang batas para sa proseso na dapat sundi sa People’s Initiative, ibig sabihin, hindi pa natin puwedeng magamit ang People’s Initiative.

Para naman sa pangalawang proseso, dito mismo ginagawa ang aktwal na pagbalagkas ng mga nais ipabago sa nilalaman ng Saligang Batas, nagkakaroon dito ng pag-aaaral sa mga nais baguhin, pagsasaliksik, at debate ng mga magkakasalungat nang rekomendasyon. At ang mga myembro ng ConAss o ConCon ay magbobotohan para sa Final Recommendation ng pagbabago sa nilalaman ng Saligang Batas. Kapag nagkaroon na ng Final Draft of Recommendation sa proposed Amendment to the Constitution ay ipapadala na ito para sa ratipikasyon ng Sambayanan.

Ang Ikatlo o Huling proseso ay ang plebisito (plebiscite), ito ay ang pag-aproba o ratipikasyon ng mamamayang Pilipino sa rekomendadong pagbabago sa nilalaman ng Saligang Batas. Ang paraan ng plebisito ay para din eleksyon, nagkakaroon ng pangangampanya sa mga tao na aprobahan ang rekomendasyon, at nagkakaroon ng botohan. “Yes” or “No” lang ang pagpipilian ng mga botante, at para ma-aprobahan ang pagbabago sa Saligang Batas ay dapat majority ng lahat nang bomoto ay “Yes” ang kanilang napili.

Ito ang proseso ng pagbabago ng ating Saligang Batas, mahaba, magastos, mabusisi at komplekado. Hindi madali ang CHACHA, at hindi lang kongreso ang makikisali sa pagbalangkas ng CHACHA, tayong mga Filipino mismo ay siyang mag-aaproba kung nais ba natin ng CHACHA, sa makatuwid,  malaki ang papel na gagampanan natin sa proseso ng CHACHA.

Para sa ibang mga legal tidbits, paki-bisita lang ang aking Facebook Page, Mga Payong Legal ni TiagoMontiero, Salamat po.