Cebu Mactan Bridge: Tulay ng Kamatayan?

Cebu Mactan Bridge

Cebu Mactan Bridge, isa sa mga pinakakilala na istraktura ng Cebu. Ito ang nagsisilbing tawiran ng mga mamamayang patuloy na naglalakbay sa hamon ng buhay. Ngunit ang masama, nagsisilbi din pala itong sandalan at karamay sa mga nilalang na nawawalan na ng pag-asang mabuhay dito sa mundong ibabaw.

“Tumalon ka na lang sa Mactan Bridge..!”

Ito ang pabirong sabi sa akin noon ng aking pamangkin (sa pinsan) na halos magkasing edad lang kami. Karaniwan na itong binibigkas ng mga tao roon sa amin kung gusto nilang mamatay ang kanilang nakagalitang kaibigan o pabirong sabi sa mga taong nalulungkot at nanghihina.

Ang pamangkin (sa pinsan) ko’ng iyon ay matalik ko ring kaibigan noong aming kabataan. Lagi kaming magkadikit. Kalaro, kakulitan, kabiruan at magkasama rin minsan sa mga kalukuhan. Panganay siya sa anim na magkakapatid. Bata pa lamang ito ay marunong na sa mga gawaing-bahay sapagkat nagtatrabaho ang kanyang mga magulang at siya ang naiiwan. Pagkatapos ng eskwela ay pinupuntahan ko siya sa bahay nila upang maglaro o rumaket ng kung anu-anong pagkakakitaan pagkatapos niya sa mga gawaing -bahay.

Lumalim ang aming samahan, ngunit ni minsan hindi ko narinig sa kanya na may hinaing o reklamo siya sa buhay na mayroon siya noon. Masayahin ito at kaibigan ng lahat.

Lumipas ang mga taon ay hindi na kami gaanong magkalapit. May kanya-kanya na kaming pinagkakaabalahan. Nagsumipag kami pareho sapagkat kami ang inaasahan ng aming kanya-kanyang pamilya.

Bilib na bilib ako sa kanya. Kahit na pagod sa trabaho ay nakikita kong nagbubuhos pa rin ito ng panahon para sa kanyang mga kaibigan. Higit sa lahat, panahon at oras niya para sa Panginoon.   Aktibo ito bilang isang youth leader o coordinator sa aming lugar lalo na sa simbahan. Isa rin itong active Singles for Christ brother.

Nagtrabaho ang kanyang ina sa Qatar kaya mas ramdam niya lalo ang mabigat na responsibilidad sa pamilya. Hindi maiwasan ang mga pagsubok, pero patuloy pa rin itong nagpakatatag at hindi nawalan ng sigla.

Natambay ako ng isang taon sa amin nang matapos ko ang dalawang taong kontrata sa Saudi. Pareho pa rin kaming mga binata ng pinsan ko. Abala pa rin siya sa paghahanap-buhay, pakikisalamuha sa kapwa at paglilingkod sa Diyos.

Hanggang sa bumalik akong muli sa Saudi.

 Isang araw pagkauwi ko galing sa trabaho ay bigla na lang ako sinipag na maglinis ng kuwarto. Pinabugahan ko ng air refreshener ang buong kuwarto at humahalimuyak ang buong paligid. Matapos kong punasan ang cabinet ng kasama ko na hanggang baywang lang ang taas nito ay bigla akong humagulhol ng pabiro na para bang ginawa kong ataol iyon. Doon pa lang ay sinaway na ako ng kasama ko na masamang biro raw iyon.

Hindi pa ako nakontento ay itinali ko sa aking leeg ang isang kable na nakabitin sa pader ng kwarto at kinunan ko pa ng larawan ang aking sarili na kunwari nagpatiwakal. Hindi ko maintindihan ang sarili ko sa mga oras na iyon.

Ang hindi ko alam sa mga sandaling iyon ay may isang nilalang pala na naguguluhan at nangangailangan ng gabay at payo upang maliwanagan kung ano man ang kanyang  pinagdaraanan.

Matapos ang mga dalawang oras sa masama kong biro na iyon at matapos kong ipinamahagi ang kuha kong larawan na nagpatiwakal kunwari ay nakatanggap ako ng isang mensahe galing sa ate ko.

“Dong, patay na si Jed. Tumalon siya sa Mactan Bridge kanina lang..”!

Parang binalewala ko lang ang aking nabasa. Tinignan ko ang cellphone number ng nagsend sa akin ng mensahe. Sa ate ko nga iyon! Nagbukas ako ng Facebook at tumambad sa akin ang mga posts at komento ng mga kaibigan kong taga sa amin.

“R.I.P Jed..”

“Bakit mo nagawa iyon?”

“Akala namin matibay ka, Bro, pero bakit ka sumuko?”

Iilan lang ito sa mga nabasa ko na puro tanong ay,  BAKIT?

Mga tanong na kailanman ay hindi na maaaring sagutin ng aking pamangkin (sa pinsan). Totoo nga ang lahat. Wala na siya. Tinapos niya ang kanyang buhay sa pamamagitan nang pagtalon sa Mactan Bridge.

Ang buong pamilya, mga kaibigan, mga kamag-anakan at ako ay hindi makapaniwala at nagulat sa nangyari. Hindi ko sukat akalain na nagawa niya iyon. Sabi ko sa sarili ko ay baka naalimpungatan lang siya o nanaginip lang sa mga sandaling iyon. Naka-confine siya sa hospital  noon dahil may dengue at lalabas na sana kinabukasan. Mag-aalas dose ng hatinggabi ay tumakas ito at pinagtatanggal ang dextrose at nagtungo doon sa nasabing tulay. Doon ay winakasan niya ang kanyang buhay…

Napakaraming tanong ang naglalaro sa aking isipan. Kung ginusto man niya iyon ay tanging siya lang ang nakaaalam.

Maraming nagsasabi na isang malaking kasalanan sa Diyos ang kanyang ginawa sa pagtapos sa sariling buhay. Gayunpaman, naniniwala ako na napatawad na siya ng ating mahal na Panginoon. Kung napatawad Niya ang pinakamasamang nilalang sa lupa ay alam kong hindi Niya rin ito ipagkakait sa aking pamangkin. Alam ng Diyos na mayroon itong mabuting puso na may malasakit sa kanyang mga mahal sa buhay at sa kanyang kapwa.

Sa ngayon hindi na kailangan ang sisi o pagpapamukha sa kanya na mali ang kanyang ginawa kundi isang panalangin o dasal ang kanyang higit na kailangan ngayon..!

Ngayon, sana ay iyon na ang huling buhay na masasayang. Pinagmamasdan ko ang larawan ng Cebu Mactan Bridge at hindi pa rin nawawala ang pagkamangha ko sa tulay na ito. Kung nalulungkot man tayo at tila nawawalan na ng pag-asang mabuhay ay hindi sulusyon ang pagpapakamatay o pagtalon sa tulay. Bakit hindi natin tanawin ang tulay habang nakaapak ang mga paa natin sa lupa at mag-umpisang mangarap? Mangarap na sabayan ng dasal, sipag at tiyaga tiyak maaabot mo kahit gaano man katayog ang mga ito.

Ang isang matibay at matayog na tulay ay hindi dapat maging sandalan sa gitna ng kawalan ng pag-asa kundi gumawa ka ng sariling hamon na matatawid mo ito hanggang sa dulo at kahit kasing tayog man ito ng mga pangarap mo, magtiwala kang maabot at malalagpasan mo pa ito..!

 Totoo po ang kuwentong ito at ang pangalan na aking nabanggit ay hindi po tunay niyang pangalan. Tumalon po siya noong ika-17 ng Disyembre, 2012 at dead on the spot po ito.

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.