Captain America

CAPTAIN

Animo’y mga estatwa nang makarinig sila ng boses.

“Tomas! Tomas! Asan ka bang bata ka?”

Walang kumikibo. Walang humihinga. Tahimik ang lahat sa silong ng bahay nila Bobot. Natatakpan sila ng mga pinagtagpi-tagping lumang plywood kayat di sila makita. Maya maya’y nawala na rin ang boses na naghahanap kay Tomas. Tuloy ang laro. Ayaw pang umayaw ni Tomas dahil sya’y nananalo. Mas lalong ayaw siyang paayawin ng tropa dahil gustong makabawi. Tuloy tuloy ang paghamig ni Tomas.

“Ang daya kasi eh. Sa susunod bawal na ‘yang Marca Piña ha?” ang sabi ni Bobot na nayayamot.

Kinalog ni Tomas ang tatlong tansan at pagbitaw ay pamato na naman niya ang lumabas. Hinamig ni Tomas ang mga taya kasama pati alikabok sa lupa. Ayawan na. Panalo si Tomas. Ala una na ng tanghali nang maghiwa-hiwalay ang tropa. Kanya kanyang uwi. Inihanda naman ni Tomas ang sarili dahil siguradong may palo siya sa nanay niya. Mabagal ang lakad nito dahil mabigat ang dala dalang lumang bag na namumutok sa kaha ng sigarilyo.

Kinabukasan, hinahanap nila Bobot si Jerry dahil isasama nila ito upang dumayo ng teks sa kabilang kalsada. Nakita nila si Jerry na nakikipaglaro ng holen sa isang bata.

“Tara, sama ka,” yaya ni Atan. “Dayo tayo ng teks.”

Maraming teks si Atan. Sari-sari. Sa kanya kasi naipon ang lahat ng teks ng tropa.

“Sandali lang, tapusin ko lang ‘to,” sabi ni Jerry.

“Wag na,” sabi ni Bobot.

“Mabilis lang ‘to, manood kayo,” pagyayabang ni Jerry.

“Tamaan third beck!”

Nasapul ni Jerry ang holen ng kalaban at tyempong na-shoot naman ang holen niya sa pangatlong butas. Gustong magpasikat ni Jerry sa tropa. Dalawang butas pa dadaanan niya.

“Jols,” bulong ni Jerry.

Isang butas na lang ay panalo na siya. Inasintang mabuti ni Jerry ang butas. Ito na yata ang pinakamalupit na crovalin na binitawan nya. Nagpaikot-ikot pa ang holen sa gilid ng butas bago tuluyang ma-shoot.

“Jols!” sigaw ni Jerry.

Panalo siya at napasakanya ang holen ng kalaban. Umalis na sila at narating ang kabilang kalsada. Nakahanap agad sila ng makakalaban.

“Galingan mo ha,” paalala ni Tomas kay Atan.

Sari sari ang laban. Magkakahalo ang uso at laos na teks. Si Atan ang unang tumira.

“T’ya, t’yob, aken!” sigaw ni Atan.

Hindi siya nagkamali. Malabas si Captain America. Panay ang hamig niya sa taya ng kalaban. Akala niya’y dere derecho na, ngunit hindi pala. Dahil pagkatira niya’y… dalawang nakataob at lumayo ang isa. Sinundan nila ito at bumagsak sa may damuhan. Pag silip nila’y.. kak! Laking tuwa ni Atan. Naghinayang naman ang kalaban nang makita niyang pato niya iyon. Agad kinuha ito ni Atan upang tumira uli. Tumikom naman ang mga dahon ng makahiya nang masagi niya ito. Mukhang naputol ang swerte ni Atan dahil pagkatira niya’y lumabas ang pamato ng kalaban. Tuwang tuwa ang kalaban ni Atan at binilang agad ang kanyang taya.

“I-sa, dalawa,” … marami rami din ang taya nito. Nagbilang naman si Atan upang bayaran ang kalaban.

“Sa-i, walada,”…

Dumami pa ang mga batang nanonood sa kanila. Nagpatuloy ang laban ng dalawa at mukhang na kay Atan ang swerte, kung magkakataon, huling tira. Tinodo na ng kalaban ang mga teks niya – pati pato’t panabla. Tumira si Atan. Dalawang nakatihaya at isang nakataob na walang dudang si Captain America. Kinuha agad ni Atan ang pato niya at dumakot ng teks na nakalagay sa malaking plastic bag at ipinaagaw ito. Nagmamadali silang tumakbo pauwi upang iwasan ang mga hihingi ng balato.

Biyernes, tanghaling tapat. Ramon Zamora ang palabas sa TV kayat ang daming tsinelas sa hagdan nila Bobot. Kunwari’y makikipanood si Jerry ngunit si Bobot ang pakay nito. Nakita siya ng nanay ni Bobot.

“O ano? ang init init!” pasungit na sabi ni Aling Mila kay Jerry.

Umalis si Jerry at nagtungo sa may likuran ng bahay. Sumipol ito.

“Bakit?” tanong ni Bobot na nakadungaw sa bintana.

“Kuha tayong aratilis,” sabi ni Jerry na medyo hininaan ang boses.

Hindi nagdalawang isip si Bobot. Sasama ito at sa bintana na siya dadaan. Maingat niyang piniling apakan ang mga pamakuan. Dahan-dahang naglakad upang ‘di tumunog ang yero. Tumalon si Bobot sabay tumakbo na ang dalawa patungo sa Ilaya.

“Kala ko ba magpapalipad tayong saranggola?” tanong ni Bobot habang tumatakbo.

“Bukas na lang,” ang humihingal na sagot ni Jerry.

Dinatnan na nila sila Tomas at Atan na nangunguha na ng aratilis. Umakyat agad ng puno si Jerry at Bobot. Nanguha din sila ng gagamba at pinaglaban nila. Pagkatapos ay naligo sila sa ilog. Hindi bihasa si Tomas at Bobot na lumangoy kayat doon lamang sila sa mababaw. Pagkaahon sa ilog ay umarkila sila ng dalawang bike. Angkas ni Jerry si Bobot. Angkas naman ni Atan si Tomas. Nagpaikot-ikot sila sa buong baryo. Sinuyod ang bawat kalye. Binagalan sandali ni Jerry ang patakbo nang may madaanan silang naglalaro ng Chinese Garter. Napansin kasi nilang magaganda ang mga naglalarong babae. Naiwan tuloy sila kayat todo padyak si Jerry upang habulin sila Atan. Makalipas ang isang oras ay umuwi na ang tropa. Eksakto namang tuyo na ang kanilang mga damit.

Isang hapon, sa ilalim ng punong mangga. Nakaupo si Tomas. Malamig ang simoy ng hangin. Hudyat ito na malapit na ang pasukan at nalalapit na rin ang tag-ulan. Laro pa rin ang nasa isip ni Tomas. Kapag umulan na kasi ay magsisimula nang mauso ang salagubang. Pagkakataon na rin nilang maligo sa ulan at maglaro ng bangkang papel kapag may baha. Naisipan ni Tomas na magtungo sa Aplaya kung saan doon nakatira si Maritess.

Nakita niya ang kakilalang si Maritess at iba pang kasama nito na naglalaro ng luksong tinik. Matanda ng isang taon si Maritess kay Tomas ngunit magkasundo sila sa maraming bagay. Naupo muna sa gutter si Tomas. Naramdaman niya ang ispalto sa kanyang talampakan. Mukhang naghahanap na ng kapalit ang kanyang tsinelas. Umupo si Maritess sa tabi ni Tomas upang magpahinga. Nag-usap sandali ang dalawa. Maya maya ay napansin ni Tomas ang mga lumilipad na ibon sa di kalayuan.

“Anong ibon ‘yon?” tanong ni Tomas.

“Mga langay-langayan yan,” sagot ni Maritess. “Madalas ko sila panoorin kapag ganitong oras.”

May lihim na paghanga si Tomas kay Maritess at di niya ito pinapahalata. Tumayo si Maritess at niyaya si Tomas na sumali sa kanila upang magpatintero. Gumuhit sila sa kalsada gamit ang ilang pirasong basag na paso. Masayang naglaro si Tomas dahil kakampi niya si Maritess. Malapit nang dumilim nang magpaalam si Tomas upang umuwi.

Samantala sa bahay nila Bobot. Di pa rin makalimutan ni Aling Mila na tinakasan siya ng anak at sumama kay Jerry kaya mainit ang ulo nito. Lalo itong magagalit kapag nalamang naligo sila sa ilog dahil may mga nalunod na doon.

“Wag mong sayangin ang papel! Magagamit mo pa yan sa pasukan,” sabi ng ina ni Bobot.

Aminado si Bobot na may kasalanan siya. Hindi na lang siya umimik. Pumasok na lang ito sa kuwarto at iniwan ang dino-drawing. Hindi tuloy natapos ang bibig ni Koji Kabuto.

Pasukan na. Magkakaklase ang buong tropa sa Practical Arts. Tuwing Sabado ay nagkikita-kita sila sa silong nila Bobot upang sabay sabay nilang gawin ang kanilang mga project. Artwork na gawa sa bao, coin purse, metal tapping project at letter holder ay ilan lamang sa mga ito.

Abril, tag-araw. Mabilis na lumipas ang isang taon at bakasyon na naman muli. Gradweyt na ang tropa sa elementarya. Halos sabay sabay din silang nagpatuli. Excited ang lahat sa pagpasok sa high school dahil matutupad na ang kanilang inaasam-asam na gumamit ng Cattleya.

Bakasyon ngunit parang di na iyon tulad ng dati. Hindi na nagtitipon-tipon ang tropa at may sari-sarili na silang kinahihiligan.

Si Jerry ay abala na sa gitara na regalo sa kanya ng tatay niya noong siya’y nagdaos ng kaarawan. Ito ang hiling niya dahil may nakapagsabi sa kanya na mas madali siyang magugustuhan ng babae kapag magaling siya maggitara. Kayat sobrang saya ni Jerry noong yayain siya ng tatay niya na magtungo sa Raon.

Si Bobot naman ay laging kasama ng kanyang ama sa kanilang bagong tayong grocery at tinuturuan na siyang humawak ng pera. Panganay si Bobot sa apat na magkakapatid. May mga paupahan din silang kuwarto at si Bobot na rin ang katu-katulong ng kanyang ama sa pagkukumpuni nito.

Si Atan naman ay nais magpakadalubhasa sa chess. Nais niyang maging chess player pagtuntong niya ng high school. Kaya naman puspusan ang ginagawang pag-aaral niya ng libro. The King Hunt, ito ang kanyang kauna-unahang chess book. Sa kalagitnaan nito ay naroon at nakaipit si Captain America na nagsisilbing bookmark.

Isang hapon, sa ilalim ng punong mangga nagpapahinga si Tomas. Pagod ito dahil katatapos lamang mag try out para sa isang basketball team. Naisipan niyang dumalaw sa lugar nila Maritess. Nais niya kasing makita ang babae.

“Nagbago na nga ang panahon,” ang sabi ni Tomas sa sarili habang naglalakad.

Nakita niya si Maritess at binati niya ito. Kumaway naman ito sa kanya ngunit di na ito lumabas ng bakuran. Iba na rin kumilos at manamit si Maritess. Parang dalagita na ito. Nagpatuloy na lang sa paglalakad si Tomas. Tumigil siya sandali upang tanawin ang kahabaan ng Aplaya. Wala na ang mga dating kalaro niya ng luksong baka at tumbang preso. Tumingin siya sa kalangitan. Nagdadamot na ng liwanang ang araw. Wala na ang dating Maritess na kausap niyang nakaupo sa gutter noon ngunit naroon at wala pa ring tigil sa paglipad ang mga langay-langayan.

WAKAS

bo gonzales 2015

About bo gonzales