Camera? Action! (Nang Magka-Camera Ang Celfone )

Deals-I-Love-Smartphone-Camera-Remote-featureSa panahon ngayon, sino ba sa atin ang hindi mahilig mag picture? Sino ba ang hindi nag se-selfie? Picture dito, picture doon.

Halos lahat kahit na nga mga bata ay may cellphone nang high tech na may camera. Mas high-tech na gadget, mas magarang cellphone, mas malinaw na camera ay mas astig sa tingin ng iba.

Mas suwerte ang henerasyon ngayon at may camera na ang cellphone. Hindi lang picture ang kayang gawin, pwede ka pang magp-video. Astig, ‘di ba?

Hindi katulad noong araw, kailangan mo pang bumili ng film para sa camera mo na kung hindi Canon ay Nikon. Sila yong sikat na camera noong araw na tinatawag ding snapshot.

Naalala ko noon, ingat na ingat pa akong mag-picture, baka kasi ma expose.

Kapag pina-develop mo na, maghihintay ka pa ng ilang oras o ‘yung iba sasabihin sa ‘yo balikan mo na lang bukas.

Excited na akong makita ang itsura ko sa picture at nananalangin na sana walang ma-expose, sana lahat ay maganda ang pagkakakuha ko.

Pero sa panahon ngayon masyado nang high-tech, n isang click mo lang makikita mo na agad ang itsura mo. Hindi ka na magkakagastos sa film kapag hindi maganda ang kuha. I-delete mo lang at picture ulit. Dati, kailangan mo pang pumunta ng studio at doon magpa-picture para maganda ang kuha.

Pero ngayon kaunting edit lang o gamitan ng application na camera 360 maganda ka na. Puwede mong paputiin ang sarili mo kahit maitim ka o kung ano mang klaseng edit ang gagawin mo.

Naalala ko noon, mahilig akong kumuha ng mga tanawin kung saan man ako magpunta, at kapag may mga okasyon kagaya ng birthday o graduation, makalimutan na ang lahat huwag lang ang snapshot o camera.

Ang camera nilikha upang ma-capture ang masasayang kaganapan sa buhay natin. Ginawa upang makunan ng litrato ang magagandang tanawin.

Pero sa panahon ngayon tila yata naabuso na pati camera ng cellphone.

Bakit ko nasabing naabuso?

Kasi hindi lang masasayang kaganapan o magagandang tanawin ang kinukunan. Ang iba ay kinukunan ang hubo’t hubad nilang katawan at vinivideo pa ang malalaswang kaganapan kagaya ng pakikipagtalik.

Well, wala akong magagawa kung itinuturing nilang isang magandang tanawin ang hubad nilang katawan o nais nilang maisa-dukomento ang masayang kaganapan sa buhay nila gaya ng pagtatalik.

Ang sa akin lang sana man lang, maging maingat sila sa kung ano mang high-tech gadget na may camera na meron sila.

Manatili sanang pribado ang hubo’t hubad nilang katawan. Kaya nga tinawag na private part, ‘di ba?

Kaso bakit may mga babae o lalake na mahilig maglantad ng hubo’t hubad nilang katawan? Picture dito, video doon tapos upload pa sa kung saang group.

Tapos kapag kumalat ang malaswa nilang picture o video, gawa din ng sira-ulong nilalang, anong nangyayari? Damay sa kahihiyan ang buong angkan.

‘Yung iba namang nag-picture ng hubo’t hubad sa cellphone tapos kapag nawala ang cellphone nila, ikakalat din ng kung sino mang nakapulot ng cellphone ang nakapaloob na malalaswang picture o video.

Ang sa akin lang bakit kailangan pang mag-picture ng sarili na nakahubad kung pwede namang hindi na lang.

Anong meron sa hubad na katawan? Bakit kailangan pang kunan ang sarili?

Ang nangyayari sa panahon ngayon ay maliban sa ‘capture the moment’; pati capture the movement ay tinatangkilik na ng malilibog at malalaswa.

Oo, walang malaswa sa taong open-minded, pero iilan lang ba ang openminded na tao?

Hindi lahat magugustuhan ang paghuhubad mo!

Hindi lahat tatangkilikin ang paggiling o pagkalembang mo sa video.

Huwag mo namang abusuhin ang lente ng camera mo. Maawa ka, pati ba naman camera idadamay mo sa kalaswaan na trip mo!?

Nang magka-camera ang cellphone, marami ang natuwa at marami din ang napahiya. Marami ang kumalat na malalaswang picture at video dahil resulta ito ng sarili nilang kagagawan.

Para siguradong walang kakalat na malalaswang video o picture, ugaliing mag-picture na lang ng mga pagkain na nakatatakam. ‘Yun na lang ang i-upload sa Facebook ninyo at tiyak na ikakatuwa pa ng makakita.

O click na ng inyong inulam ngayon! ^_^

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.