“Bukas”

Bukas, buksan ang isip. Huwag padadala sa mapanlinlang na panaginip. Maging mapagmatyag. Doon sa pinaniniwalaan mo at ipinaglalaban, huwag kang titiwalag.

Ano nga ba ang totoo? Sa puso mo, ano nga ba ang kaya mong isakripisyo? Para sa Bayan mong mahal? O, para sa iisang kamay na bakal?

Bukas, buksan ang puso. Huwag mong hahayaang muli itong maligo sa sariling dug0. Huwag padadala sa bugso ng damdamin. Kinabukasan ng kabataan, ating isipin. Kailangan lang natin ng isang tamang desisyon at pagpapasya.

Ano ba sa ‘yo ang magpapasaya? Ang kahapon o ang ngayon? O ang bukas na paparating? Pero ang aking tanong, ngayon ba ay wala kang mga hinaing? Buhay mo ba ay masasabi mong perpekto? Pero, bakit tila mga mata mo ay mugto?

Bukas, buksan ang mga mata. Huwag magbulag-bulagan. Dahil kahit nakapikit mga mata ko’y kitang-kita ko ang katotohanan. Bayan ko, nasadlak ka sa dusa.

Ano ba ang nagawa naming mali, ito ba ay parusa? Sa sariling bansa, tayo mismo ay isa nang banyaga?

Maraming nangyayari. Mga sinaunang tao, hindi mapakali. Dahil hindi lahat ay may lakas para ipaglaban ang bukas. Hindi lahat may kakayahang ituwid ang isang pagkakamali.

Hindi lahat ay matapang, bagkus mas marami at nakakahigit ang swapang. Mga taong walang ibang ipinaglalaban kundi kapakanan ng kani-kanilang bulsa lamang. Hindi ang kapakanan ng lupang hinirang at ng taumbayan, kung saan tayo, higit kanino man, ang mas may karapatan.

Pero ang katotohanan sa karapatan na ‘yan, diyan tayo salat. Ni hindi ko makuhang maiwagayway ang ating Watawat. Nawawala na ang simbolo nito. Ang pakikibaka para makamit ang tunay na demokrasya, mga buhay na ibinuwis noon para marating natin ang ngayon.

Pero ano nga ba meron tayo ngayon?

Sa halos dalawang Linggo kong pakikibaka sa Social Media, naging Top Fan po ang inyong lingkod sa ABS-CBN News, Yahoo Philippines, Rappler at Pilo Hilbay Page – iisa lang ang masasabi ko. Marami talaga ang nakulto este nauto sa sistemang pinapairal ngayon.

Doon, mga palitan ng komento ay umaatikabo – may mga nakakatawa, mayroon ding nakakapanindig -balahibo. Yung matatanong mo talaga sa sarili mo kung “tama pa ba ang mga ipinaglalaban nila?”

Kaya minsan pag naka-komento na ako, stop na. Wala na akong pakialam sa mga nagko-comment back. Ayaw ko ng argumento, lalo na doon sa mga sarado na ang isip, parang mga asong tatango-tango at sunud-sunuran sa kanilang Amo.

Wala na. Finish na, ‘ika nga. So, why argue?

Pero bukas, ay ang araw na itinakda. Hindi na natin kailangang makipagbangayan. Kailangan lang natin pakinggan ang ating konsensiya. Pero kung hindi mo man marinig, ibubulong ‘to ng iyong puso sa ‘yo.

Bukas, buksan ang isip at puso, bago bomoto.

Para kanino ang boto ko? Doon po ako sa tingin nila ay dehado. Walampera. Mahina ang makinarya, Pero may maipagmamalaking plataporma. Higit sa lahat, makabayan, at ang mamamayang Pilipino ang tunay na pagsisilbihan – hindi ang iisang tinig lamang.

Sabi nga sa tweet ni Sen. Panfilo Lacson:

“To all the decent, well-intentioned, honest, selfless, disciplined, hardworking, capable, humble and perceptive candidates – GOOD LUCK!”

“Sa mga balasubas, abusado, magnanakaw, peke, manl0loko, makasarili at tamad – MATALO SANA KAYO, mga #^•*” ninyo!”

‘Ayan mga ka-DF, may tip na tayo.

At ang bukas ay nandito na.

Panahon na para buksan ang ating kodigo at harapin ang balota. 🙂

Good luck, Mahal kong Pilipinas!

May we have a peaceful and honest Election.

About Nomatterwhat143

Analyst ang aking propesyon. Pag bagot, walang magawa, nagsusulat. Dati nung maliit pa ako, pinapalo. Ngayon pina-follow (hehe!) Kung hindi ako nagsusulat, nakikinig ng musik. Minsan naman wala lang imik. Tahimik. Mata'y ipipikit. Matutulog. Pag gising, magkakape. Pag walang kape, okay lang basta tayo'y mug-KAPEling hehe! Corny? Yun ako. 🙂 Page owner/Admin din ako ng https://www.facebook.com/iloveannemurray/; https://www.facebook.com/nomatterwhat143/. https://www.facebook.com/indayluwag/. IG:nomatterwhat214