Bukas Na Liham Para Kay Gat Jose Rizal

jose rizalMahal kong Dr. Jose Rizal,

Disyembre 30 na naman.

Holiday dahil araw ng iyong kadakilaan. Nagpapasalamat ang mga Pilipino sa’yo kasi dahil sa pagkamatay mo mahaba ang kanilang bakasyon, sumabay kasi ito sa selebrasyon ng Bagong Taon. Nakakatawa dahil tila limot na ng karamihan ang mga dahilan kung ano ang iyong ipinaglaban. Mas nae-excite sila sa pagpapaputok ng fireworks sa gabi ng Disyembre 31 kaysa pag-aralan, ipagdiwang o isapuso ang kasarinlang aming nakamtan dahil sa iyo at iba pang mga bayani ng bayan.

Kung nabubuhay ka kaya sa panahong kasalukuyan, ano kaya ang masasabi mo sa kalagayan ng ating lipunan?

Matuwa ka kaya dahil nagtatamasa ang lahat ng “Kalayaan”?
Hindi ka kaya nagsisisi dahil naging mapagmalabis ang maraming pilipinong dapat sana’y nag-aaruga sa ating Inang Bayan?
Masasabi mo kayang sulit ang pagbuwis ng iyong buhay para sa kapakanan ng mga Pilipino ng sumunod na henerasyon?

 

Marami pa rin naman ang nakakakilala sa’yo bilang aming pambansang bayani, marapat lang. Ngunit marami rin kaya ang nakakaalam sa mga sakripisyo at ginawa mo sa bayan sa panahong kasalukuyan? Ewan. Dahil sa dami ng mga nagsasamantala sa bayang iyong ipinaglaban sa kalayaan higit sa isandaang taon na ang nakararaan, hindi ko na mawari kung tuluyan na nga nilang kinalimutan ang pagmamahal at pagmamalasakit mo sa bayan, naibaon na rin marahil ang istorya sa likod ng katapangang ipinakita mo laban sa mapanupil at mananakop na mga kastila.

Halaw sa isang sinulat mo dati; “Aanhin mo ang kalayaan ng mga tinapakan kung bukas sila naman ang maghahari-harian.” pagkalipas ng mahigit isang siglong kasarinlan tila ganoon na nga rin ang nangyayari, ang salinglahi ng mga tinapakan, niyurakan at ipinaglaban mo noon ay sila ngayon ang hari at naghaharian sa ating bansa. Sila mismo ang dumudungis at hindi nagmamahal sa bayang iyong sinilangan.  Nawala na nga ang monarykiya ng Bansang Espanya ngunit nanatili naman ang mga hari sa iba’t ibang anyo at iba’t ibang kapuluan. Nakakalungkot. Sa halip na magtulungan ang lahat upang magpaunlad ang bansa, sa halip na maglingkod para sa bayan – ang mga makapangyarihan ay  kadalasang mas masahol pa sa hari, mas sakim pa sa ganid, mas malupit pa sa berdugo.

Nasaan na kaya ang iyong tinuran at nagmarka sa isip ng karamihan na: “Ang kabataan ang pag-asa ng bayan.” Tunay ngang kabataan sana ang pag-asa at mag-aahon sa nakasadlak na inang-bayan, ngunit taliwas at tila iba ang nangyayari sa kasalukuyan. Marami sa kabataan ang napapariwara at nalululong sa iba’tibang bisyo, marami ang bukas ang pag-iisip sa usaping seksuwal na nagreresulta sa maagang pag-aasawa, maraming palaboy at kapos sa edukasyon, marami ang katulad ng iba pang desperado at patungo sa kawalan ng pag-asa.

Ngunit batid kong mayroon pa ring kabataan ang mabubuti at matitino, sila na huhubog at papanday para sa magandang kinabukasan ng bansang Pilipinas.

Kahit kapiraso na lang, gusto ko pa ring mangarap na hindi pa lubusang huli ang lahat para magbago, may  pag-asa pang sisilay sa bansa mo katulad ng pag-asang iyong tangan-tangan noong ikaw ay nabubuhay pa at nangangarap na makaalpas sa mapaniil na kamay ng mga Kastila. Sana gaya mo, ang buhay namin ay magkaroon ng saysay at maging makahulugan.

Sana matularan namin ang kahit ilan lamang sa iyong kabayanihan.
Sana’y mabuhay ang kabayanihan sa aming mga puso at isip; ang adhikain at adbokasiya na iyong tinaglay noong ikaw’y nabubuhay ay hindi sana humilay; ang pagiging makabayan, matapang, dakila at handang magbuwis ng buhay para sa kapakanan ng bayan ay ‘di sana tumigil sa iyong panahon.

About ragubalane

Walang pormal na edukasyon sa pagsusulat pero hindi ito naging handlang upang huminto sa pagsusulat ng kanyang mga saloobin. Nagbuhat sa isang tipikal na pamilya, nag-aral sa pampublikong paaralan mula elementarya hanggang sekondarya. Iginapang ng magulang ang kolehiyo at pinagtibay ito ng diploma at lisensya na iginawad halos dalawampung taon na ang nakararaan. Nag-aral, nagsikap hanggang marating ang destinasyong kanyang nilakbay. Umasam, umasa hanggang matupad ang ilang kanyang inaasam sa buhay. Sumubok, sumulong hanggang makamit ang ilang minimithing tagumpay. Nangangarap ng mabuti at magandang Pilipinas sa kabila ng kawalan ng pag-asa ng iilan. Katulad ng karaniwang tao pilit na binubuhay ang pag-asa kahit habol-hininga na lang ito, hindi bibitiw at susuko kahit batid na ang resulta ng pagkabigo. Hindi matalino pero naipasa ang anumang pagsusulit, hindi matino pero nagpupumilit na gumawa ng katinuan. Madalas na napuputikan dahil sa daigdig na kanyang kinabibilangan ngunit agad na naglilinis at naghuhugas gamit ang inuusal na dasal.