Bukas na Liham kay Titser Pacifica D. Calibri

Image by Pixcabay

Mam,

Magtatapos na ako sa Marso, Mam. Salamat pala sa lahat ng naiambag mong dunong at aral sa akin, sa amin.

Bilib ako sa pagtuturo n’yo, biruin n’yo Mam, napupuno n’yo ng sulat na kinopya sa libro ‘yung pisara nang walang paliwanagan kung ano ‘yung naisulat namin. Bahala na kaming umintindi. Natututo kaming mag self-study.

Natatanaw namin sa desk n’yo, Mam, ang tambak na papel. Kung anu-anong klaseng papel. Minsan, dala ng kuryusidad, nabasa namin ang pangalan nina Ser T at Madam B sa papel na may pangalan kayo. Tumataginting na mmmm libong piso ang nakasulat sa papel na iyon. Mayaman pala kayo, Mam, hindi n’yo sinasabi.

Pero salungat naman sa nakikita namin. Bakit panay panay ang punta ng iba’t ibang taong naniningil sa inyo kapag oras ng klase natin? Ay oo pala, Mam, kayo lagi ang tagabili ng walis tambo, sabon, muriatic acid at floor wax sa klase. Gastos n’yo pala iyon. Ayaw mo kaming kunan ng ambag sapagkat nareklamo kayo dati nung magulang ni Romulo. Bawal pala iyon. Litanya mo na lang parati mam, ‘ganyan talaga ang titser.’

Nasabi ko na rin ng bawal, bilib din uli ako sa inyo, Mam, kilo-kilometro ang haba ng pasensya n’yo sa amin. Alam namin na labag sa batas ang manakit ng bata, kaya napakalaking ginhawa sa parte naming mag-aaral. Hindi man lang kayo nagmura sa klase o nanduro sa amin. Natakot din ba kayo nun, Mam, nung isinumbong kayo ni Budoy sa magulang niya nang sabihin mo sa kanya na bobo siya? Hindi na namin ulit narinig ang salitang iyon sa inyo.

Mam Ikang, hindi ka namin makakalimutan. Sa tuwing nasa canteen ka, naririnig lagi namin ang mga hinaing mo at problemang personal. Kibit balikat lang kami ngunit sadyang ganyan ba talaga ang trato sa inyo ng nasa taas sa inyo? Wala bang pakialam ang gobyerno sa mga katulad n’yong Maestra at Maestro?

Sabi nung napanood namin sa isang assignment sa Araling Panlipunan na pinasagutan n’yo, lahat daw ng sakripisyo kakayanin n’yo kasi ‘yan daw ang sinumpaan n’yong tungkulin sa gobyerno. Totoo ba ‘yun, Mam? O sadyang kinahon kayo sa sitwasyong dakilang pagsasakripisyong hindi n’yo mahindian at ang kumahon ang kumakabig ng lahat ng pinaghirapan n’yo? Ow! Mam, dumugo ang ilong ko sa naisip kong iyon. Hehehe!

Hayaan n’yo, Mam, kapag umasenso ako at kaming mga mag-aaral mo, balang araw susuklian namin ang mga naitulay n’yong karunungan at magagandang asal. Tutulungan namin kayong mapasaya ang isang araw n’yo sa araw araw na pagtuturo n’yo.

Paalam, Mam!

Magsasampung taon sa eskwela,

Elemelec B. Cosobme

 

 

e837b80c29f0093ecd0b470de7444e90fe76e6dd1db5174897f0c2_640_teacher

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.