Buhay Sa Isla (Unang Bahagi)

Photo credit: the happy trip

Ano ba ang iyong naiisip kapag naririnig ang salitang ISLA?

Mailalarawan mo ba ang pamumuhay rito?

Iniisip mo bang mas masaya mamuhay sa isla kesa sa siyudad?

Lumaki ako sa ISLA ng SAMAL na matatagpuan sa timog-silangang bahagi ng Pilipinas. Ito ay karatig-isla lamang ng siyudad ng Davao at kilala rin sa pinahaba nitong pangalan na Island Garden City of Samal (IGaCoS).

 

Sa loob ng dalawampung taon kong paninirahan sa isla kinagisnan ko ang payak at payapang buhay. Sariwang hangin ang hatid sa akin ng isla araw-araw. Nagkalat ang puno ng niyog sa paligid, maging mga punong mangga at mga hayop na alaga ng mga mamamayan.

Ngayon ay naglipana na rin ang mga beach resorts na siyang naging pangunahing dahilan ng pagbisita ng mga turista sa isla. Nakakatuwang isipin na unti-unti nang napapansin ang kagandahan ng islang aking kinagisnan, tila sumasabay sa pag-unlad na nararanasan ng makabagong panahon. Ngunit hindi pa rin mawawaglit sa aking isipan ang pangamba na dulot ng kaunlarang natatamasa nito ngayon, sapagkat alam kong kaakibat ng kaunlaran ang kapabayaan. Ayokong matulad ang isla ng Samal sa ibang mauunlad na islang tila napabayaan ang kalikasan at hindi napangalagaan.

Kung tutuusin ay ngayon ko lamang talaga napansin at nabigyang-halaga ang kagandahang taglay ng isla.

Simula nang magtapos ako ng kolehiyo noong Hunyo 2018 ay nasimulan namin ng aking mga kaibigan na puntahan at tuklasin ang iba’t ibang parte ng islang aming naging tirahan sa loob ng maraming taon. Sakay ng motorsiklong pagmamay-aari ng aking kaibigang lalake, kasama ang pinakamatalik kong kaibigang babae ay sinimulan namin ang aming paglalakbay. Lubos akong namangha sa tanawing aking nakikita habang sakay ng motorsiklo, totoo talagang mas mapapansin mo ang kagandahan ng isang lugar o bagay kapag pinagtuunan mo ito ng pansin. Marahil sa tagal ng aming paninirahan sa isla ay tila nasanay na kami sa lahat ng aming nakikita at hindi na namin nabigyan pa ng halaga ang tinatagong yaman nito.

photo taken by my bestfriend

Isa sa mga hindi ko makakalimutang lugar na talagang sinadya naming puntahan ay ang paraiso sa pinakatuktok ng isla na tinatawag na ISLA FARM. Talaga namang nakakabighani ang tanawin na makikita mo sa lugar na ito. Mahirap at matarik man ang daan patungo rito ngunit sigurado akong mawawala ang iyong pagod sa iyong makikita. Kapayapaan, iyan ang salitang mailalarawan sa lugar na ito. Ang sariwang simoy ng hangin at magandang tanawin ay maghahatid ng kakaibang kapayapaan sa iyong puso’t isipan.

photo taken by my bestfriend

Tunay ngang kay ganda ng isla ng Samal. Hindi lamang masusukat ang kagandahan nito sa dami ng mga beach resorts na iyong makikita rito ngunit pati na rin sa mga nakatago pa nitong paraiso.

Itutuloy……

About lakambinijei

isang di kilalang makata