Buhay-probinsya, buhay na payapa’t masaya

Imahe mula sa Facebook page na KaProbinsya

Sabi nila, kung gusto mo raw mamuhay nang mas mapayapa, piliin mong lumagay sa tahimik sa probinsya. Malayo sa polusyon, malayo sa ingay ng lungsod.

Matatayog at mayamungmong na puno, malamig at sariwang simoy ng hangin, ingay ng mga hayop na pawang makikita lamang sa bukid, namimintog na mga bunga ng prutas… lahat ng iyan, makikita sa lalawigan.

Para sa isang katulad ko na laking Maynila, malaking palaisipan para sa akin kung paano nga ba mamuhay sa probinsya. Bagama’t ipinanganak ako sa Ilocos Sur, hindi ko naman nasubukang manirahan doon nang matagal.

Marami naman sa mga kaibigan ko ang nagpatunay na talaga namang masarap manirahan sa probinsya. “Less stress” daw at simple lamang ang pamumuhay.

Nakita ko nga sa Facebook page na “KaProbinsya” ang mga larawan sa probinsya. Parang gusto kong magpunta roon kahit saglit lamang at takasan ang aking mga mumunting problema!

Parang kay sarap manirahan sa isang bahay kubo, o maglaro sa putikan at walang pakialamanan kung marumihan, sumakay sa kalabaw, mamitas nang mamitas ng mga prutas, at titigan ang paghimlay ni Haring Araw.

Imahe mula sa Facebook page na KaProbinsya

Binasa ko ang ilang mga komento ng netizens sa naturang mga larawan.

“Ang ganda… tahimik… sariwang hangin… sarap matulog!”

” Iba pa rin talaga kapag nasa probinsya, iba yung saya!”

“Napakasarap naman tumira d’yan, napakapayapa ng pakiramdam, tahimik at wala kang maririnig na ugong ng mga sasakyan…”

Pero ang tanong dito, kakayanin ko bang makatagal nang walang kuryente? Mainit? Malayo sa nakasanayan kong buhay?

Bakit marami namang mga taga-lalawigan ang nagnanais na makarating dito sa Maynila?

Sa isip nila, narito ang mga oportunidad na makapag- aahon at makapagpapabago sa buhay nila ngayon.

Hindi nila alam na ang Maynila ay isang malaking gubat. Punumpuno ng iba’t ibang uri ng hayop. May maaamo, may maiilap, at may mababangis.

Kaya minsan, napapaisip ako. Ang buhay sa probinsya ay buhay na payapa at masaya.

Imahe mula sa Facebook page na KaProbinsya