Buhay at Pag ibig ng Isang OFW (Norma) Part 5

(Photo Credit: Karenswhimsy)
(Photo Credit:    Karenswhimsy)
(Photo Credit: Karenswhimsy)

HALOS hindi magkasya sa aking tainga ang sermon ng aking pamilya, lalo na si inay. Kulang na lang ay kurutin ako sa singit.

“Ayan, ayan na nga ba ang sinasabi ko. Ke aga mong kumerengkeng, hindi mo pala kaya ang obligasyon ng isang ina. Tama na yang apat mong anak, may libreng pills sa center. Kumuha ka bago pa dumami yang anak mo,” talak ni inay. Nakapameywang na pabalik -balik sa aking harapan.

Ginawa ko naman; siguradong pag nadagdag pa ang anak ko ay dadami lang ang magugutom.

Si Homer, ayun!   Napahiya yata kasi lahat ng ginastos kay Noel ay galing sa magulang ko. Ilang buwan ding nagtino, halos sa bundok na tumira. Palibhasa’y ‘di pa naman anihan, ang bigas namin ay supply ni inay. Pero pag umuwi ng bahay ay ‘di pa rin malimutan ang mga lintik na sunog-baga niyang mga kaibigan. Ayon, inatake na naman ng katamaran.

“Nanay, masakit pa rin ang ulo ko,” abiso sa akin ni Bessy. Ilang araw na ring may lagnat. Pero wala namang makita ang doktor, baka daw dala lang ng panahon.

Dahil nadala ako sa nangyari kay Noel, kaunting daing lang ng mga anak ko ay dinadala ko agad sa center. Libreng check up naman pala, may libre pang gamot at vitamins.

“Masakit na masakit ba, anak?”

“Nanay, parang may sumusundot dito,” sabay turo sa sentido.

Awang-awa ako sa anak ko, kaya dinala ko siya sa albularyo. Pinatawas ko siya, nakatuwaan daw ng nuno sa punso na malapit sa pinaglalaruan nila. Tatlong hapon kailangan tawasin para daw tuluyang gumaling.

“Inay, dito po muna sa Mina at Noel, ipagagamot ko lang si Bessy.”

“Nasaan ba si Homer at ikaw ang sasama sa bata?”

“Ewan ko ho, baka nasa sugalan na naman.”

“Sunduin mo at ‘di yang pati itong dalawang bata ay mahahamugan sa pagdadala at pagkuha mo dito.”

“Mag-aaway na naman po kami.”

“Kita mo ang magaling mong asawa. Nakuha mo, ‘yan ang sinasabi ko. Akala mo nakakita ka ng ginto, hindi ka maawat sa kanya noong pinagsasabihan ka namin. O ngayon, tingnan mo ang buhay mo, ang buhay ng mga apo ko. Di ba’y natanso ka? Akala mo puro sarap ang buhay may asawa.” Wala akong magawa kundi umiyak nang rumatrat ang bibig ni inay.

“Sulong, puntahan mo ang iyong asawa at ipagawa mo ang obligasyon niya. Noong araw, ang lolo mo’y ‘di ako hinahayaang lumakad pagdating sa mga ganyang bagay. Blah, blah, blah…” Segunda pa ni lola.

Ang dami nilang sinabi, pero sa bandang huli, tinanggap din ang dalawang bata.

Ganoon ang laging nangyayari. Halos ayaw ko nang magpakita kay inay at lola. Pag nakikita nila ang mapapayat kong anak, talak sila nang talak. Alam kong naaawa sila sa aming mag-iina.

“Norma, kumusta? Ilan na ang anak mo?” Bati ni Irene, classmate ko noong high school. Nagkasalubong kami sa palengke.

“Eto, okey lang, apat na ang anak ko.”

“Ha? Ang bilis naman, kaya pala ang payat mo. ‘Di nga kita nakilala agad.”

“Namayat sa problema.”

“Lahat tayo may problema.” Nakangiti niyang sagot sa akin. Tapos inaya niya akong kumain sa isang karinderya. Naupo kami sa pinakasulok.

Pinagmasdan ko si Irene, sosyal na sosyal ang dating. Dati na itong maporma noong araw, mas nadagdagan pa ngayon.

Sa aming pagkukuwentuhan, nasabi niya ang kanyang problema. Kabit pala siya ng kanyang amo. May isang anak na itinatago sa kanyang mga magulang dito sa probinsya. Ibinabahay silang mag-ina sa Maynila.

“Hindi ka ba natatakot?” tanong ko.

“Nakatatakot, syempre. ‘Di ka makatulog nang matiwasay, nandoon yong alalahanin na malaman ng tunay niyang pamilya. Baka sugurin ako ng asawa niya at iskandaluhin.”

Naisip ko, may kanya-kanya talagang problema. Si Irene walang problema sa pera, pero walang kapanatagan ang loob. Ako, may iresponsableng asawa at may apat na anak na walang katiyakan ang magiging buhay.

“Ilan taon na ang bunso mo?

“H-ha, ah eh magdadalawa na.”

“Gusto mong magtrabaho sa akin?”

“Ha?” Nakanganga kong tanong.

“Norma, kilala kita. Alam mo na ang sikreto ko at may tiwala akong ‘di yan lalabas.”

“Anong ibig mong sabihin?”

“Kailangan ko ng tagapag-alaga ng anak namin. Ayaw kong kumuha ng ‘di ko kilala. Baka kung anong gawin sa anak ko pag wala kami.”

“Ay oo nga, baka kurutin o ‘di kaya’y paluin.”

“Kaya nga, sana pumayag ka.”

BINIGYAN ako ni Irene ng dalawang araw para pag-isipan ang alok niya sa akin. Dumalaw lang siya sa pamilya at isasabay na ako paalis kung sakaling pumayag ako.

1,200 daw ang ipasusuweldo sa akin (1970’s), libre daw sa lahat. Buong-buo kong maiuuwi ang aking suweldo at may bakasyon akong tatlong araw kada buwan para dalawin ang mga anak ko.

“Hoy, Norma, ano ka sinusuwerte? Gagawin mo akong yaya ng mga anak mo?” Tikwas kilay ni kuya Zaldy nang kausapin kong bantayan ang aking mga anak.

“Kuya, sige na naman oh. Ikaw lang ang maaasahan ko.”

“At bakit? Nasaan naman ang asawa mo?”

“Hindi ko puwedeng ipagkatiwala sa kanya ang mga bata. Baka lalong mapahamak. Pag napaupo yon sa sugalan at inuman, wala na yong pakialam.”

“Ay naku, Norma, pag-iisipan ko. Parang pag-alagain mo na ako ng sampung toro na nanunuwag, pero apat na bata? Diyos ko, baka matuyuan ako ng dugo. Ang kukulit pa naman niyang mga anak mo. Manang-mana sa katigasan ng iyong ulo.”

Maraming pakiusapan at litanya ang namagitan sa amin ni kuya Zaldy. Sa kanya ako lumapit dahil alam kong hindi niya ako matatanggihan.

“NANAY, saan ka pupunta?” tanong ng mga anak ko. Nakahilera sa aking harap, nakatingin sa dala kong bag.

“Sa Maynila, mga anak.”

“Iiwan mo po kami? Sino’ng mag-aalaga sa amin?”

“Magtatrabaho si nanay, mga anak. Si tiyo Zaldy ang mag-aalaga sa inyo kaya magpakabait kayo ha.” Nangingilid ang aking luha.

“Eh nanay, sasama ako.”

“Ako din, nanay, huwag mo kaming iiwan,”

Di ko na mapigil ang aking luha. Nagsiyakap sa magkabila kong hita ang mga anak ko. Nag-iiyakan.

“Mga anak, makinig kayo. Magtatrabaho ako para makabili tayo ng masarap na ulam, saka magandang damit.”

“Nanay, dito ka na lang, kakain na ako kahit walang ulam,” pagsusumamo ni Bessy.

“Saka, nanay, ayoko kay tiyo Zaldy. Namamalo yan eh,” reklamo ni Troy.

Si Mina at Noel, naghalo na sa mukha ang sipon at luha sa pag iyak. Gusto ko nang umatras, nagtatalo ang aking loob. ‘Di ko yata kayang iwan ang aking mga anak. Pero tinibayan ko ang aking loob. Para sa kanila ang gagawin ko. Wala kaming magiging kinabukasan kung si Homer ang aasahan.

“Inay, Lola, bahala na po kayo sa mga bata. Pakitulungan n’yo na lang si kuya Zaldy.”

Umiiyak ding yumakap sa akin sina inay at lola, habang nkayakap pa rin ang aking mga anak.

“Sige na, mga anak, aalis na si nanay.”

Lalong lumakas ang iyakan ng mga bata. Pinagtig-iisahan ng mga kapatid ko ang paghawak para hindi makahabol. Hinatid ako nina inay hanggang sa tabi ng kalsada kung saan naghihintay si Irene.

“Anak, mag-iingat ka doon, huwag kang mag-alala sa mga bata.”

“Opo, Nay, salamat. Lola, aalis na po ako.”

“Pagpalain ka ng Diyos, apo.” Umiiyak na bendisyon ni lola sa akin.

“Irene, bahala ka na kay Norma,” bilin pa ni inay.

Mahigpit akong niyakap ni Irene, hindi rin niya mapigil ang pagdaloy ng luha.

Nasa Maynila na kami ay hindi pa rin maawat ang pag-ulan ng aking mata. Sadyang napakasakit sa aking dibdib. Ngayon lang ako matutulog nang hindi ko katabi ang mga anak ko.

Mabait na amo si Irene, hindi niya ako tinuring na katulong. Hindi ako hirap sa pag-aalaga, hindi naman iyakin si Aaron.

Unti-unti akong nasasanay. Pero may mga gabi pa rin na ‘di ko mapigilan ang aking pagluha. Alam kong nasa maayos na kalagayan ang mga bata. Binigyan ako ni Irene ng isang buwan na paunang bayad.

“Norma, kuha ka lang ng gusto mo.” Utos ni irene habang naglilibot kami sa grocery.

“H’wag na, nakakahiya.”

“Ano ka ba? Sige na, hindi ko naman kakaltasin sa suweldo mo.” Biro pa niya. Kumuha ako ng ilang pack ng biscuit. Plano kong dalhin sa aking mga anak pag uwi ko.

Dumating ang aking day off. Nagulat ako nang isang malaking plastic bag ng grocery ang binigay ni Irene sa akin. Para daw sa mga bata.

“Irene, ang dami nito. Nakakahiya talaga.”

“Ayaw mo n’yan, kahit paano makatitikim ng iba ang mga anak mo.”

“Pero….”

“Wala nang pero, pero pa. Lumakad ka na, tatanghaliin ka pa.” Taboy niya sa akin.

“Salamat, Irene, hulog ka ng langit sa akin.”

“Hindi tinatanggap sa langit ang mga kabit,”

“Kaya nga nahulog ka eh, suwerte na sa amin ka bumagsak.”

“Luka-luka.”

Kahit kabit lang si Irene ay  ‘di ko siya mahusgahan dahil sa may mabuti siyang kalooban. Tinuring niya akong kapatid.

 (Itutuloy)

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.