Botante at kaniyang mga anak, nangolekta ng plastic bottles sa presinto upang may pangkain

Image from GMA News

Ngayong eleksyon 2019, marami sa ating mga Pilipino ang nagbigay ng boto at umaasang maihalal ang mga karapat-dapat na tao sa puwesto sa gobyerno.

Ngunit para kay Emily Bulabol, ang eleksyon ay nagbigay-daan rin upang makakain ang kaniyang pamilya.

Nitong lunes, namataan si Bulabol at ang kaniyang mga anak na namumulot ng mga plastic bottles sa paligid ng presinto ng President Corazon Aquino Elementary School sa Quezon City habang nagaganap ang botohan.

Ayon sa interview ng GMA News kay Bulabol, siya at ang kaniyang mga anak ay nakakolekta ng mahigit sa walong kilo ng mga basurang plastic bottles na kaniyang ibebenta.

Image from GMA News

Ang isang kilo umano ng mga plastic bottles ay nagkakahalagang P10.

“Marami na rin po ‘yun, sobra sobra na ‘yun. Tapos may benta rin po kasi kami kanina na mineral [water], at saka candy, biscuit,” ayon kay Bulabol.

Nagkalat ang mga basura na plastic bottles dahil na rin sa init ng panahon, pagkat marami sa mga botante ang nais mapawi ang kanilang mga uhaw at upang maiwasan na rin ang dehydration.

Ayon pa kay Bulabol, umaasa siya at ang kaniyang mga anak na makakolekta ng mahigit P100 na halaga ng mga plastic bottles. Ang P100 na ito ay kaniya umanong ipangbibili ng kanilang pang hapunan.

Ala-sais pa lamang ng umaga ay nasa presinto na umano si Bulabol at ang kaniyang mga anak upang magbenta at makakolekta ng basura. Sa kalagitnaan ng kanilang pangongolekta ng plastic bottles ay tumigil daw muna sila upang pumila at bumoto.

Image from GMA News

Para sa nakararami sa atin, ang eleksyon ay ang araw upang gampanan ang karapatang bumoto at maghalal ng mga lider na sa tingin natin ay nararapat na magpatakbo ng ating bansa.

Ngunit para sa iba na katulad ni Bulabol, ito rin ay pagkakataon nila upang kumita ng kaunting pera at makapaglaan ng pagkain sa kanilang mesa.

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.