Bokasyon

Firefighter (Photo Credit: www.strangedangers.com)
Firefighter (Photo Credit: www.strangedangers.com)
Firefighter (Photo Credit: www.strangedangers.com)

“Ano mang pangarap, kahit pa mababa sa tingin ng iba, ay nagiging napakataas kung ito’y iniaalay sa kapwa nang buo, tapat at totoo.”

Hangos si Sam sa pagtakbo. Nakatingin sa kanya ang mga tao. Papasok siya sa simbahan, nakikiraan pero nakabubunggo pa rin. May ilang umiilag sa kanya, naaasiwa, at nagagalit, pero wala siyang pakialam. Nagmadali siya sa pag-akyat sa choir loft ng simbahan, at pagkasampa ay nagulat ang kanyang mga kakoro nang makita siya. Punong-puno siya ng putik sa katawan, sa mukha, pati sa buhok. Habang kumakanta ng ‘Papuri sa Diyos’ ay nakapagkit ang lahat ng mata sa kanya, may nagtataka, may natatawa, pero kung pagmamasdan ang mukha niya ay ligayang-ligaya. Nakatitig siya sa kasintahang soprano na si Camille, may hawak siyang papel na nakabalot sa plastik. Iyon ang papel na nagbibigay-pahintuloy na maaari na siyang maging boluntaryong bumbero.

Pagkatapos na ng misa siya napagbiro ng kanyang mga kaibigan at kapamilya sa pananampalataya, tuwang-tuwa ang mga ito sa kanya dahil para siyang batang tumakas sa bahay at nagtampisaw sa ulan. Bilang pagdiriwang ay nagpakain si Sam noong gabi, may kaunting inuman din para sa mga kalalakihan. Siya naman ay hindi umiinom, pero dahil sa hirit ng iba, napilitan siyang magpabili para sa kaligayahan ng mga ito.

Pagkalipas ng dalawang linggo siya unang nabigyan ng sabak sa pagboboluntaryo, at ganito ang nangyari:

“Sige na, pasukin mo na!” nag-alangan si Sam sa utos na iyon kaya napapikit muna, lumunok, at huminga nang malalim, saka niya pinasok ang bahay na nasusunog sa mando ni Mang Kardo.

“Tubig, tutukan si Sam ng tubig!” ang sigaw ng boss nilang si Martin. “Proteksyunan ng tubig!” ang ulit nito.

Madilim ang loob, halos walang makita si Sam sa una, ngunit nang patuloy sa pag-alalay ng tubig sa kanyang katawan ang kanyang mga kasamahan, gayundin sa gilid-gilid na kanyang nilalakaran, unti-unting napapawi ang apoy at ang nililikha nitong makapal na usok. Nakita niya ang palidig, ang iba’t ibang pintuan ng kuwarto, at ang kasabay niyon ay narinig niya ang umiiyak na bata sa loob ng isang silid na nakasarado. Nagmadali siya, sinipa ang pintong nakasara, ngunit sa pagbagsak nito ay biglang bumulaga at umatake sa kanya ang malaking apoy na may ilang minuto nang nakakulong sa kuwarto, kaya pala nang una niyang titigan ang pinto ay parang may maninipis na apoy na nanunuot sa mga siwang nito.

Bahagya siyang nahagip nito kaya napayuko siya’t napakrus ng braso sa tapat ng mukha. Kinabahan si Sam. Gumapang sa sahig at sa dingding ang kumawalang apoy. Muli siyang napalunok, mga tatlo, at para bang may umigkas sa kanyang leeg na tila hindi maganda sa pakiramdam. Bumaling siya sa pinanggalingan niya, sa labas.

“Tubig pa, masyado pang malakas ang apoy dito sa dulo!” ang sigaw niya.

Hindi niya tiyak kung narinig ba siya ng kanyang mga kasamahan, pero walang minuto ang lumipas ay agad na nakarating sa kanya ang tubig. Muntik pa siyang matumba nang tumama sa kanyang dibdib ang malakas na bugso nito.

Hinarap niya muli ang kuwartong papasukin. Lumakas ang iyak ng bata, siguro’y dahil bukas na ang pinto. Humakbang siya, at natanaw ang batang babaeng nagsisimula nang maglingas ang laylayan ng suot nitong bistida. Nagtatatalon ang bata, gustong tumakas sa apoy pero walang daraanan, gustong alisin ang apoy pero hindi mapagpag.

Papasok na sana si Sam nang biglang makaramdam ng pagbilis ng tibok ng puso, nahihirapan na rin siyang huminga kaya tinanggal niya ang maskarang panlaban sana sa usok, kaya ayun nga’t lalo lang nahirapang sumagap ng hangin. Natanaw niya ang bata na umaabot sa kanya, pero nag-iiba ang kanyang pakiramdam, nanginginig na rin, bumubuhos ang pawis, nabablangko, nagpuputi ang paningin, at bumibilis ang paghinga.

Umatras siya. May pagsisising naramdaman pero kailangan niyang iligtas ang kanyang sarili sa kung ano mang kanyang nararamdamang kakaiba. Hindi niya napansin kung paano nanlumo ang bata nang iwan niya.

Nagulat ang mga kasamahan niya nang lumabas siyang walang kasamang bata.

“Nasaan ang bata?” ang gulat na tanong ni Martin.

Hindi nakasagot si Sam, bagkus ay itinuro niya lamang ang kanyang pinanggalingan bilang tugon na naroon pa’t hindi niya pa ito naililigtas. Napaupo siya, mayamaya’y piniling ilatag ang katawan sa lupa. Habol ang hininga. Inhale. Exhale.

“Kalma lang. Relax!” ang sabi sa kanya ni Mang Kardo. “Eto ang tsokolate,” sabay abot.

“Baka bumagsak ang sugar ko? O panic?” siya na rin mismo ang nagkumpirma.

“Mag-relax ka lang d’yan, si Boss na ang sumugod sa loob.”

At ilang sandali lang ay lumitaw na nga si Martin mula sa naglalagablab na bahay na karga ang isang batang babaeng walang malay. Agad itong isinakay sa ambulansya at nilapatan ng unang lunas. Ligtas ang bata.

“Okey na! Wala nang tao sa loob, iwasan na lang nating kulamat ang apoy sa mga kalapit na bahay,” ang sabi ni Martin. “Pokus na lang, mukhang hindi na lalaki, tatlong bahay lang ang inabot, diba?” ilang segundo matapos banggitin ang unang pahayag, sabay angat ng dalawang kilay kay Sam bilang pagtatanong kung ari nga ba ang kanyang sinabi, kahit na batid nito sa sarili. Ginawa niya lamang iyon para kumustahin din ang lagay na baguhan, at hindi para pahiyain at ibaba ang pagtingin sa pag-urong nito sa laban.

Gumanti si Sam ng pag-aangat ng nanginginig na kamay. Parang kaway, pero hindi. Parang pagsaludo, pero hindi. Ang totoo’y para tumugon lang ng kahit na ano nang hindi nagsasalita, bilang respeto at pagpapasensiya.

Tuluyang naapula ang apoy makalipas ang kalahating oras, at saka lang dumating ang ina ng bata na nakauniporme pa ng pinagtatrabahuhang call center. Hinagap nito ang anak, at nang matutok ng tingin na maayos na ang lagay nito ay agad niya itong niyakap at lumuha habang nakayakap. Natapos ang tagpo sa pagsusuri ng ina sa mga sugat at paso ng anak sa noo, sa braso, at sa binti.

Lupaypay si Sam nang makauwi sa kanilang bahay, hindi dahil sa nangyaring iyon sa kanya; hindi niya nailigtas ang bata, at sa loob-loob niya’y bigo ang unang sabak niya sa pagboboluntaryo. Hindi naman niya masyadong dinibdib ang nangyari.

“Ganoon lang yata talaga sa una, minsan hindi laging successful, baka sa susunod, okey na?” Ipinagpalagay na lamang niya.

“Babe, simba tayo mamaya?” magiliw na imbita ni Camille nang dumating ito sa bahay ni Sam.

“Talagang sisimba ako, choir ako roon, e!” pabiro niyang sabi.

Kung kanina’y para siyang lantang gulay, ngayo’y biglang nabuhayan nang makita ang kanyang pinakamamahal, bigla-bigla’y nawala ang kanyang pangamba, takot, at lalong ang pag-iisip sa kabiguang naranasan.

“Alam ko, para kasing ang lalim lang ng iniisip mo?” tanong ni Camille.

“A, oo, naiisip ko lang ‘yong responde namin noong isang araw.”

“Oo nga pala, hindi mo pa ako nakukuwentuhan, naghihintay kaya ako.”

“Hindi maganda ang nangyari!”

“Bakit?”

“Nakakahiya!” sabay kamot sa likod na bahagi ng kanyang ulo. “Palpak!”

“Bakit nga?” pilit ni Camille.

“Ewan ko, baka natakot ako. Nasa harap ko na ‘yong bata, hahablutin ko na lang, iniwan ko siya.”

“Bakit?”

“Na-suffocate yata ako? Basta, kakaiba ang pakiramdam, parang mamamatay din ako!”

“Tapos?” umabre-siyete si Camille sa kanya’t inilapit ang mukha sa leeg, parang naglalambing na nag-aalo ng minamahal.

“Lumabas ako, hindi na ako makahinga, e. At saka nanginginig ako, parang mawawalan na ako ng malay. Kaya ayun, si Boss Martin ang pumasok. Nahiya nga ako, baka isipin niya duwag ako o kaya tanggalin niya ako. E, pangarap ko pa namang maging superhero, diba nga? Lagi kong sinasabi sa iyo ito.”

“Hayaan mo na iyon, may pangalawa pa. Actually, natatakot ako para sa iyo, kung ako lang ang masusunod, ayaw kong magbumbero ka, pero sabi mo nga, gusto mong makatulong kaya kahit wala ka namang sinusuweldo rito, e ginagawa mo pa rin. Bilib nga ako sa iyo. Kaya huwag mo nang isipin iyon, bawi ka na lang sa susunod, ha?”

Malambing si Camille, pero madalas ding mang-away nang walang dahilan. Siguro dahil gusto niya ring lambingin? Mag-aanim na taon na silang magkasintahan, pero wala pang balak magpakasal kahit na edad 30 na sila pareho. Nagtatapos pa ng pag-aaral si Camille, si Sam naman ay kulang din ang sinasahod sa pagsesekretarya sa isang kaibigang pari.

Panay ang tunog ng radyo ni Sam na nakapatong lang sa gilid nila habang sila’y nag-uusap, sanay na si Camille doon, madalas tumunog, minu-minuto, pero hindi naman laging may tawag para sa pagresponde. Mag-aalas sais ng hapon nang ang tawag ay general alarm. Sa Tondo Maynila ang sunog, at dahil daang-daang bahay na ang natutupok, kailangan na rin ng tulong nilang mga nasa probinsya.

“Aalis ako, Babe,” nakatayo siya. Humarap nang matagal kay Camille.

Nagsungit ang mukha ni Camille, kahit hindi magsalita’y alam ni Sam na pumipigil siya.

“Kailangan ko ito, sana maintindihan mo ako,” pakiusap niya sa kasintahan.

“Okey!”

Alam ni Sam na biglang nagbago ang mood nito, at hindi na niya kailangan pang makipagtalo para lang payagan siya; aalis siya dahil kailangan siya ng ibang tao, at hahalik siya kay Camille kahit na nagtatampo ito. Na ginawa nga niya.

Pumasok siya ng bahay at nag-impake ng mga gamit. Paglabas niya ay wala na sa beranda ang kasintahan. Nanlupaypay siya.

“Hindi bale na, pag-uwi ko na lang aayusin ang lahat.” At saka siya lumarga.

Tumakbo siya agad sa kanilang istasyon, at doon ay nagkatipon na ang kanilang grupo. Isa na lang ang hinihintay na nagpasabing sasama, at mayamaya nga’y naroon na agad. Paspas ang drayber ng trak na puno ng tubig para sumalba ng bahay at buhay. Nakararanas ng trapiko pero nakalulusot dahil sa wangwang.

Laking gulat ni Sam nang marating ang kanilang destinasyon, parang may impyernong pumaibabaw sa lupa, napakalaki ng apoy, at para bang nawala silang lahat sa sarili. Hindi malaman ang gagawin, kung paano magsisimula, at kung kakayanin ba nilang lahat na apulahin ang apoy at iligtas ang mga nangangailangan?

“Ready!” ang malakas na sigaw ni Martin ang gumising sa kanilang lahat.

Takbuhan sila, nagtulong-tulong sa paglalatag na hose na malaki, yakap ang hose dahil malakas na pressure ng tubig ang pakakawalan.

“Ready… set go!” ang pabiro pang tirada ni Martin bago tuluyang nagpalabas ng tubig.

Bumulwak ang tubig, tumilapon ang malakas nitong bugso sa nasusunog na kabahayan. Tatlong trak silang galing sa Rosario, Cavite, at ang bawat hose ay may tatlong taong pumapasan para lang maitutok nang tama sa kanilang target. May nagsisigawan sa kabilang kanto, mga bumbero rin.

“Naubusan ng tubig!” nadinig ni Sam.

“Takbo sa dagat!” at umandar nga ang isang trak ng bombero paalis ng lugar.

“Sandali!” natahimik ang grupo nina Sam. “Pakinggan n’yo!”

“May bata?”

“Umiiyak na bata?”

At naisigaw na nga ni Martin: “may batang umiiyak!”

Agad itong bumaling kay Sam, na para bang sinasabing: alam mo na ang gagawin. Tukoy na rin ni Sam ang ibig sabihin ng titig na iyon, at sa isip niya’y alam na rin niya ang gagawin, sa pangalawang pagkakataong ito ay babawi siya. Pinasok niya ang isang bahay, nakaalalay sa kanya ang mga kasamahan niya, sige ang buhos ng tubig sa kanya at sa kanyang daraanan. Ilang segundo lang ang lumipas ay lumabas siya, sumenyas na wala roong tao kahit isa.

“Doon!” turo ni Martin sa katabing bahay na nasusunog din.

“Tubig! Unahan n’yo ng tubig ang daraanan ni Sam!” sigaw ni Martin.

At para bang nagkaroon ng ekstrang lakas at tapang si Sam dahil nabatid niyang kahit pumalpak siya sa una ay buo pa rin ang tiwala sa kanya ng kanilang leader at mga kasama. Agad niyang pinasok ang bahay na bahagyang natupok ang apoy sa bukana. Lumabas din siyang walang dala maski isa, maski ano.

“Wala rin!” ang sigaw niya sa mga kasama.

“Tahimik ulit!” utos ni Martin.

Muli nilang pinakinggan ang umiiyak. Matagal-tagal, pinagnilayan.

“Alam ko na!” ang sigaw ni Sam.

At dali-dali’y iniutos niya sa mga kasama na buhusan ng tubig ang isang eskinita sa gilid ng natutupok na bahay sa bandang harapan. Walang ano-ano’y pinasok niya ito nang mahawi ang apoy. Sa dulo, sa likod, ay may dalawang palapag na bahay. At simula nang mapasok niya ang eskinita ay hindi na siya nakita ng kanyang mga kasama.

Pinasok ni Sam ang pinaghihinalaan niyang bahay kung saan naroon ang bata. At tama siya, naririnig ang iyak nitong palakas nang palakas. Subalit malakas ang apoy, naghintay pa siya ng ilang sandali na matilamsikan kahit konti ng tubig ang apoy, at nang bahagyang bumaba ang apoy ay agad siyang pumasok sa bahay, walang ibang proteksiyon maliban sa uniporme ng mga bumbero, sombrero at face mask.

“Nasaan ka, Totoy?” alam niyang lalaki ang bata.

“Uy! Nasaan ka?” walang sumasagot.

Nagmadali siya. Inakyat niya ang pangalawang palapag. May tatlong kuwarto roon, wala ang bata sa una, wala rin sa pangalawa, at wala rin sa pangatlo. Nahagip ng apoy ang kanyang balikat, hindi niya namalayan na nasusunog na ang suot niyang damit. Binalikan niya ang pangalawa, wala pa rin, binalikan niya ang una, sinuyod nang maigi, at napansin niya na may banyo pa pala sa loob ng unang silid. Sinuong niya ang apoy.

“Panginoon, mailigtas ko lang ang bata, kayo na ang bahala sa akin. Kalooban n’yo na ho ang masunod!” naidasal niya.

At doon nga sa loob ng banyo, ay nadatnan niya ang isang batang nasusunog, na kung tatantyahin ay edad sampu. Agad niya itong binuhusan ng tubig na mula sa timbang patuloy na pinupuno ng gripong siguro’y sinadyang buksan ng bata para isalba ang sarili, ngunit dahil mahina ang tulo ay hindi na umabot para sa kanya.

Nang mawala ang apoy sa bata ay saka niya napansin na halos butas na pala ang damit niya sa balikat dahil sa apoy, at ang natitira pang tubig sa timba ay ibinuhos naman niya sa kanyang sarili. Kinarga niya ang batang nag-aamoy inihaw na baboy.

“Huwag naman sana!” sa isip-isip niya. “Huwag po!”

Itinakbo niya ang bata, sa eskinita ay sinalubong siya ng malakas na buhos ng tubig, binasa siya ng kanyang mga kasamang nag-aabang sa kanyang paglabas para hindi na muli pang kapitan ng apoy.

“Nand’yan na siya!” sigawan sa labas.

“Nailigtas niya ang bata!” sigawan!

May palakpakan pa siyang narinig sa isang gilid na puno ng mga nakikiusyoso. Hangos siya nang huminto, nakikipag-unahan ang pawis niya sa pagbalong sa tubig sa katawan. Inilayo niya sa dibdib ang bata para usisain, saka niya lang napansin na sunog na sunog na pala ang kanyang karga-karga. Hindi siya nakapagsalita, gayundin ang kanyang mga kasamahan na inakala ring buhay ang bata. Inilapag niya ito sa semento’t umiiyak na tinakpan ng kumot na ibinigay ng isang nakaligtas na kapitbahay; mapapansin pa sa kanyang pinagmulang kanto ang mga tv, sofa, ref, at mga kahong-kahong damit.

Nagpatuloy ang grupo nila sa pag-apula ng apoy, maliban sa kanya na natulala na lang at hindi na nakakilos pa. Lalo na nang bigla na lang may humampas sa kanyang dibdib, isang ginang na umaangkin sa batang nasunog.

“Hayop ka! Bakit hindi mo iniligtas ang anak ko? Ang bagal-bagal mo! Nakita kita, ang tagal mo nang pumasok sa loob, pero hindi ka kaagad lumabas, bakit ang tagal-tagal mo!?” patuloy ito sa paghampas at pagsuntok sa kanya, hindi naman makapagsalita si Sam, naiiyak siya, gusto niyang humingi ng tawad pero sa isip niya: “ginawa ko ang lahat, inalay ko ang buhay ko para sa kanya, pero putang-ina, bakit kasalanan ko?”

Tinanggap niya lang ang lahat ng sakit sa katawan at sa damdamin, gusto niyang unawain ang inang nawalan ng anak, pero sinisiguro niyang hindi niya iyon kasalanan. Inilayo sa kanya ang babae, ang isa sa mga kasamahan nila na ang nagpaliwanag sa ale, at mayamaya nga’y hindi na narinig ang boses nitong nakaiinsulto, kahit pa ang hikbing nag-aalburuto.

Bumaling kay Sam si Mang Kardo. Umiling: “mahina ang loob, Pare, maawain,” ang bulong nito sa katabing kasamahan na narinig din naman ni Sam pero hindi na pinansin.

Pasado alas dose na ng hating gabi naapula ang sunog sa Tondo. Ayon sa report: electrical wiring ang pinagmulan ng sunog.

Alas dos ng madaling araw na silang lahat nakakain ng hapunan. At habang kumakain, naaamoy niya sa letsong kawaling ulam nila ang batang natupok ng apoy kanina. Napaluha siya. Awang-awang siya sa bata. Bukod doon ay bumaba na naman ang tingin niya sa kanyang sarili, sapagkat sa pangalawang pagkakataon ay hindi pa rin siya nakapagligtas ng buhay.

“Huwag ka nang mag-alala, hindi mo kasalanan,” si Martin. “Naroon ka sa loob, napuntahan mo siya, naabutan mo siya, at nadala mo siya rito sa labas. Nagkataon lang na huli na, nasunog na siya, at patay na,” isang tapik sa balikat ang nagpaunawa sa kanya na ganoon talaga ang buhay nilang mga bumbero. “Masakit para sa atin ang nangyari, pero kahit tagapagligtas tayo, hindi pa rin tayo Diyos, siya pa rin ang may hawak ng buhay natin dito sa lupa. Pasalamat ka na lang dahil hindi ikaw ang nasunog, ang ibig sabihin: gusto niyang makapagligtas ka ng maraming buhay.”

“At bahay, Pare!” singit ng isa na gusto lang mapatawa si Sam, na ikinatagumpay nga nito.

Umaga na nang makauwi si Sam ng bahay, naroroong nag-aabang si Camille sa kanya, ni hindi niya iyon inakala. Para itong inang nag-aalala sa anak na hindi umuwi magdamag, ay maaari na palang sabihing asawang naghihintay sa kanya buhat sa trabaho.

“Ano’ng nangyari, Babe?” sa kanyang panimula.

“As usual!” mababakas ang panlulumo sa kanyang mukha, bagsak ang mga kamay at parang gusto na lang humilata.

“Tama na iyan, Babe, baka hindi para sa iyo ang gusto mo. Ako, may kakilala ako, pangarap niyang maging pintor, kaso nabulag siya sa isang aksidente, hindi na niya makita ang pinipinta niya, kahit ang pensil at papel, hindi niya mahawakan dahil hindi mahanap.”

Hindi nagsalita si Sam.

“Kung ako naman talaga ang tatanungin mo, ayaw ko na nasa rescue ka, mahirap, baka isang araw sa responde n’yo, ikaw na ang mapahamak, paano na ako?”

Hindi pa rin kumibo si Sam, sumandal lang ito sa balikat ng kasintahan.

“Tama na, magpakasal na lang tayo!” pagpapalit ni Camille ng usapan; mas kapana-panabik, subalit hindi iyon nasagot ni Sam kaya bahagyang nakaramdam ng pagkapahiya ang dalaga.

“Babe, isa pa, hindi ako susuko. Alam mong pangarap ko ito, gaya mo at ng pangarap mong maging nurse. Nurse ka naman, e. Kung mapahamak man ako, nariyan ka naman, aalagaan mo ako. At hindi ang kabiguan ang magpapahinto sa tao para mangarap, ito ang lalong magpapalakas na huwag tumigil, huwag sumuko, at magpatuloy sa pangarap,” at ngumiti nang hindi inilalabas ang ngipin. At parang pusang iginalaw-galaw ang ulo sa leeg ni Camille; nagsusumiksik. Naglalambing. Nagpaparamdam ng pag-ibig.

Nang nasa magandang timpla na ay saka nagkuwento si Sam ng tungkol sa kanyang mga karanasan kanina sa sunog.

“Kakaiba kanina, babe, ang laki ng apoy, ang sikip ng daan. Pero nakakaawa ‘yong bata: sa banyo ko siya natagpuan, nag-aapoy na siya noon, bagsak sa sahig, tapos tuloy lang sa pagtulo ang tubig sa timba mula sa gripo. Ang hula ko talaga: gusto niyang isalba ang sarili kaya binuksan ang gripo, baka magbubuhos? Kaso malakas talaga ang apoy. Tsk! Tsk!” at iiling-iling.

“Ipagdasal na lang natin siya,” umakbay si Camille sa kanya at naghawak-kamay silang dalawa. Matagal na tagpong kay gandang pagmasdan sa dalawang taong tunay na nagmamahalan.

Noong araw ding iyon, Linggo, pagkatapos makapagpahinga ni Sam na katabi’t kayakap si Camille sa higaan, alas kuwatro ng hapon ay nagtungo sila sa simbahan para sumamba. Sila ang koro sa oras na iyon, masaya ang grupo sa simula ng pag-awit hanggang sa matapos ang banal na Misa, kaya naman nagkaroon ng sama-samang kainan sa labas ang magkakaibigan. Naikuwento ni Sam ang naging karanasan niya sa pagre-rescue, at iba sa inaasahan niya ang sinabi ng mga ito. Bumilib pa nga sa kanya.

“Puwede ka nang mag-asawa, Bro!” ang sabi ng matalik niyang kaibigan na si Jarren na sasailalim pa lang sa training para makasunod sa kanyang yapak.

Todo kantyaw ang lahat, may tumutulak pa sa kanya kay Camille na katabi niya.

“Para kayong mga bata,” ang wika niya. “Trenta na kami, hindi na patok ang ganyang tulak-tulak, kaya naming maghawak-kamay nang kusa. Kaya naming magyakapan, mag-akbayan, at maghalik nang walang nangangantyaw,” sabi niya pa.

“Alam namin, inaasar ka lang namin, Bro, alam mo namang minsan ka na lang namin makasama, puro ka training, rescue. Pero bilib kami sa’yo, Bro. Proud friend here,” at nagtawan ang lahat. “Bayani ka ng grupo,” pagpapatuloy ni Jarren. At isa-isang kumamay sa kanya ang tropa.

“Kasunod ka nang magiging bayani, Jarren,” ganti niya sa kaibigan.

Hindi na nakapagsalita si Sam, lihim niyang naisip habang nagkakatuwaan ang lahat na: masarap naman pala sa pakiramdam na may mga ganitong uri ng kaibigan na laging bilib sa iyo kahit na maraming palpak o hindi nasunod na plano o nangyaring hindi mo gusto.

Kinabukasan, maaga siyang nagtungo sa fire station, wala namang sunog pero doon niya piniling mamalagi. Iniikutan niya ang trak, minsa’y sumasakay, hinahawakan ang hose, at ang mismong katawan ng sasakyang bakal. Umakyat siya sa itaas ng istasyon matapos magmasid, naroon ang ilan niyang mga kasama na nagpapalakas ng katawan. Simpleng dumbbell lang ang kanyang binuhat, nag-push up na lang siya pagkatapos nang diretsong limampu.

“Bata, may sunog sa Caloocan, a,” si Mang Kardo na kararating lang.

Bandang alas onse na iyon ng umaga, apat na oras nang dumating si Sam sa istasyon.

“Oo nga ho, kanina pa tunog nang tunog ang radyo, wala pa namang tawag, hindi pa general alarm,” sagot ni Sam.

“Ready lang tayo!” pasok ni Martin.

Nakaabang ang lahat sa balita habang patuloy sa pag-eehersisyo, may ilang kalahating oras ang lumipas nang banggitin na general alarm na. Nagmadali ang lahat, iniwan ang mga dumbbell sa lapag para ihanda ang sarili. Pagkabihis ay isa-isa nang nagpadausdos ang grupo pababa. Mabilis ang pangyayari, nasa trak na agad sila’t wumawangwang na sa kalsada.

“Woooh!” sigawan sila sa itaas na parang mga bata.

“Tabi! Tabi!” kapag ayaw makinig sa wangwang ng ilang mga sasakyan.

Kung minsan, binabato nila ng mga bottled water ang mga sasakyan na nakikipagkarera’t gitgitan pa sa kanila. Nang hindi makapagpigil si Mang Kardo na nagmamaneho ay sinadya niyang sagiin ang motorsiklo na humaharang sa kanilang daan, ngunit bago pa man magtama ang mga unahan ng dalawang sasakyan ay tumalon ang drayber ng motorsiklo.

The Land Transportation and Traffic Code (Republic Act No. 4136) explicitly provides that upon the approach of any police or fire department vehicle, or of an ambulance giving audible signal, the driver of every other vehicle shall immediately drive the same to a position as near as possible and parallel to the right-hand edge or curb of the highway, clear of any intersection of highways, and shall stop and remain in such position, unless otherwise directed by a peace officer, until such vehicle shall have passed. A violation of this provision, which is subject to the chapter on penal provisions, is punishable with a fine not exceeding Fifty Pesos,” sabay-sabay nilang bigkas habang nagtatawanan sa ibabaw ng trak.

Para kay Sam, iyon na ang pinakamasayang biyahe nila, iyon din naman ang laging turo ni Mang Kardo, libangin ang sarili kapag nasa biyahe, dahil kung iisipin nila ang mangyayari sa kanila mamaya, e baka hindi lang sila makapagpokus at maunahan pa ng takot, gaya ng nangyari sa kanya sa una. At saka matanda na si Mang Kardo, bihasa na ito sa rescue, higit ay sa buhay.

Malayo-layo ang naging biyahe nila, sa Bagong Silang ang sunog, at marami nang bumbero nang datnan nila ang lugar. Sa tantya ni Sam, mas malaki pa rin ang naging sunog noon sa Tondo, pero mahangin ang hapon, halos lumilipad ang apoy kaya mabilis ding kumalat. Maliwanag ang paligid kahit nagbabadya ang ulan, sabi nga ni Sam: “mukhang mabilis maaapula ang apoy.”

“Huwag kayong pakakasiguro,” sabad ni Martin. “Maghanda na kayo!” utos niya pa.

Maingat nilang naihanda ang hose, nailapit sa bahay na nasusunog, at naitutok. Dahil maliwanag, hindi masyadong halata ang lakas ng apoy, pero may usok, iyon ang kanilang basehan.

Marahan nilang tinapunan ang isang bahay. Ang iba pang kasamahan nila ay sa katabi naman tumutok. Kalmado ang grupo, tiwala sa kanilang kakayahan, nang biglang nagsigawan sa di kalayuan. Lingunan ang marami roon, dagsa ang nakikiusyoso.

“Ano ‘yon?” usisa ni Mang kardo.

“’Yong babae! ‘Yong babae!” ang naririnig nila.

Naglakas-loob palang pumasok ang ginang para puntahan ang mga anak niyang iniwan sa bahay dahil kailangan niyang magtrabaho sa katabing bayan.

“’Yong babae! ‘Yong babae!” paulit-ulit iyong nagpaparindi sa tainga nila – mas maingay pa sa nagkakalampagang yero, nanlalaglagang kahoy, at naglalagablab na apoy – lalo na kay Sam na sa pagkataranta ay nailihis bigla ang tutok sa pinupuntiryang bahay.

“Sayang ang tubig!” galit na naisigaw tuloy ni Martin.

“Pasensya na Boss!” sagot niya.

“Presence of mind, Focus!” paalala ni Martin.

Tumitig nang matagal si Mang Kardo kay Sam, pagkuwa’y nagtanong: “Gusto mo ba roon?” ang ibig sabihin nito ay kung may balak ba siyang iligtas ang babae gayong wala rin namang naglalakas ng loob sa mga nasa dakong iyon.

Mabilis na tumango si Sam, ipinasa ang mahigpit na pagkakahawak sa hose sa isang kasama, at mabilis na nagtungo sa lugar kung saan hindi pa rin magkamayaw ang sigawan.

“Saan siya pumasok? Aling bahay?” ang tanong niya agad sa mga nakapalibot pagkadating-dating.

“D’yan ho!” ang turo ng isa.

Bago pa siya makapasok ay may sigawan na namang narinig, sa di kalayuang bahay ay may babaeng buntis na akmang lumalabas sa bintana sa pangalawang palapag, balak yata nitong tumalon.

“Tulungan n’yo ako! Tulungan n’yo ako!” ang sigaw ng buntis.

Nataranta ang mga tao, bahagyang lumapit para kung sakaling mahulog ay masalo nila, pero mainit na mainit ang paligid kahit malayo sa kanila ang apoy kaya walang nangahas ni isa.

Nalito si Sam, nabago-bago ang kanyang desisyon, lalo na nang may sunod-sunod pang sigawang nangyari:

“Tulungan n’yo ako!” tinig ng isang lalaki.

“Tulong!” sigaw ng isang babae.

“Nanay! Tatay!” boses naman iyon ng isang bata.

“Mga anak ko, nasaan kayo!” habang humahagulgol. Hawak siya ng ibang bumbero’t pinipigilang suungin ang apoy. Sa ganoong tagpo ay kay sakit-sakit para sa isang ina na alam niyang naroon sa loob ng nasusunog nilang bahay ang kanyang mga anak pero wala siyang magawa sapagkat hawak siya. At hindi talaga maaari.

May naririnig pa silang nagkakalembang sa isang kapilyang inaabot na rin ng apoy, may nag-iingay gamit ang kaldero, may pumipito, at marami pang ibang nagpapabatid na kailangan nila ng agarang tulong sa pamamagitan ng pag-iingay. Lahat ng iyon ay naglabo-labo na sa isip ni Sam. Pinagpawisan tuloy siya’t hindi na makahakbang.

“Bakit ganito?” ang nasa isip niya.

Mayamaya’y tila may nag-unahang umakbay at kumapit sa kanyang balikat, nagising siya sa katotohanan, mga kaparis niyang bumbero ang mga iyon, pero hindi niya kakilala.

“Marami ho sila,” iyon na lang ang kanyang nasabi.

“E, ano pang ginagawa mo?” ang huling sinabi ng kapwa niya bumbero bago nag-unahan ang mga ito sa paglusob sa apoy.

Humakbang na rin siya, puntirya niya ang bahay kung saan may ginang na pumasok, dahil may ililigtas ang ina, at kailangan niya ring mailigtas ito sa pagliligtas.

May mga malalakas na pagsabog sa paligid, hindi batid ni Sam na ang dinatnan nilang sunog kanina ay ganoon na kalaki, wala! Nasa iisang puwesto lamang sila at ang pakay niya pa’y sumalba ng buhay sa pamamagitan ng pag-aalay naman nito. Ngunit kung pagmamasdan sa itaas ang sunog, para na itong katapusan ng mundo.

Nasa loob na siya ng bahay. Nakita niya agad ang babaeng naglakas-loob kaninang sumugod dahil nakapalibot sa kanya ang dalawang batang umiiyak. Nagmadali siya, may nakadagang kahoy sa katawan nito, may sugat sa noo at walang malay. Takot na takot ang dalawang bata, iyak lang nang iyak.

“Mama! Mama! Mama! Mama!” ang lagi lang nilang sambit.

“Halikayo!” ang sabi ni Sam sa mga bata.

Ipinuwesto niya sa isang bahaging ligtas ang dalawa, saka niya buong puwersang iniangat ang kahoy na nakadagan sa katawan ng ina, tsinek niya ang pulso nito kung tumitibok pa, maayos pa, buhay pa. Binuhat niya rin ito, at pinakapit sa kanya ang dalawang bata hanggang sa tuluyan na silang nakalabas.

Pero ewan niya kung bakit panay ang hatak ng isang babaeng bata sa laylayan ng kanyang suot.

Tinanong na lang niya ito: “Bakit, Iha, nagugutom ka na ba? Huwag kang matakot, ligtas ka na!” pagpapakalma niya.

Umiling-iling ang batang siguro’y aapat na taon pa lamang. Nang titigan niya ang kapatid nito’y parang tatatlong taon naman.

Sa mga nauulinigan niya, nailabas na rin ang mga humihingi ng saklolo kanina: may buhay, may patay; ang buntis ay naisakay na rin sa ambulansya’t manganganak na rin yata?

Nagmasid siya. Saka niya napansin ang kaguluhan sa paligid, nagdidilim na rin kaya tumatapang ang kulay ng apoy. “Impyerno na ba ito?” ang tanong niya sa sarili.

Muli niyang naramdaman ang paghatak ng bata sa kanyang suot, mahinahon itong nagsalita kahit nahihiya: Si Baby po, nasa loob pa.”

Natigilan si Sam, may kasamang sanggol ang mga bata sa loob. Tumakbo siyang muli.

“Baby? Baby?” wala siyang naririnig na iyak.

“Baby? Baby?” at bakit niya ba ito tinatawag, hindi pa naman marunong sumagot ang sanggol?

Natataranra siya. Nauubo-ubo na rin kahit may takip na mask ang bibig at ilong. Lumalakas ang usok dahil naapula na ang apoy sa bahay na iyon.

Kumidlat. Kitang-kita niya iyon dahil butas na ang bubong.

“Sige na, paulianin n’yo na po, dasal niya.

Panay ang ubo niya, panay ang takip ng bibig, hindi na malaman kung sa ilong ba hihinga o sa bibig, hanggang sa naghahabol na rin siya ng hininga. Natanaw niya ang sanggol sa duyan, walang kibo, walang iyak. Tulog o patay? Hindi niya sigurado, pero ang lagi niyang dalangin ay huwag naman sana.

Tinakbo niya ang puwesto nito kahit na madulas ang semento dahil sa tubig, at kailangang gawin ang pagtakbo dahil kinakapos na siya ng hininga, kailangan niya ring makalabas agad, pero dapat sa pagkakataong iyon ay kasama niya ang bata.

Mabilis niya itong nakarga’t hindi na nagdalawang-isip na lisanin ang lugar. Pagkalabas ay naghagilap siya agad ng ambulansya, ni hindi niya napansin na tuluyan nang gumuho ang pinanggalingan niyang bahay.

“Kaaalis lang, Sir,” ang sagot ng isang nakatambay roon na naghihintay na lang na maapula ang apoy sa bahay niyang nasusunog.

“Naku! Ang bunso ni Mareng Tess!” ang sambit ng isang ginang.

“Si Baby James nga!” kumpirma ng isa pa.

Bigla’y nagising ang ina nitong nasa gilid na pinapaypayan at pinaaamoy ng amonya ng kung sino-sino.

“Nasaan ang mga anak ko?” agad nitong sambit pagkabangon. Bigla pa ngang tutungo ulit sa apoy pero napigilan nang sumambit ng ‘mama’ ang mga anak nitong nasa likod niya lang pala.

“Mga anak ko!” sabay yakap.

“Sandali, nasaan si Baby James?” usisa ng ginang.

Sabay na naglingunan ang dalawa nitong anak para ituro kung nasaan ito.

Nasa mga kamay ni Sam ang bata, pinakikinggan ang paghinga at ang pagtibok ng puso nito. Wala alinman sa dalawa, lalong walang malay. Kinabahan siya. “Cardiac Arrest?” tanong niya sa sarili. Pero batid niya iyon, tama siya ng hinala.

CPR, kailangan niya ngayong isagawa ang inaral niya noon sa kanilang training. Pero takot siya lagi sa unang sabak, nag-aalangan siya lalo’t buhay ang nakasalalay. Kung gagawin niya ito’y maaari siyang makapagligtas ng buhay, pero sa kabaliktaran ay maaari ring makapatay. Kung hindi naman niya susubukan, siguradong mamamatay ang bata. Luminga siya sa paligid, nakatayong nakamasid na pala sa kanya ang ina nitong hindi na ininda ang putok sa noo at galos sa katawan, bagama’t naluluha ay mahinahon namang naghihintay sa kanyang gagawin. Kaya wala siyang pagpipilian kundi subukan.

“Kaya ko ‘to! Kayo na po ang bahala,” tumingala siya sa langit bago sinimulan.

Nagkakagulo pa rin sa paligid, pero wala pa rin ang ulan na kanyang hinihintay.

Ipinatong niya ang dalawang daliri sa dibdib ng sanggol, ang kabilang kamay naman ay sa noo nito para mapanatili sa maayos na posisyon, at saka isinagawa ang CPR: “1, 2, 3, 4, 5, 6, 7, 8, 9, 10, 11, 12, 13, 14, 15, 16, 17, 18, 19, 20, 21, 22, 23, 24, 25, 26, 27, 28, 29, 30. Off!”

Muli niyang pinakinggan ang hinga nito at ang tibok ng puso, wala pa rin. “Tumawag na kayo ng ambulansya, baka meron dito sa malapit?” natataranta niyang pakiusap sa mga nakatutok sa kanyang ginagawa.

“Ambulansya raw!” ulit ng mga taong nagpapakiramdaman kung sino sa mga ito ang tatakbo para humingi ng tulong.

“Ako na!” boluntaryo ng isang lalaki.

Itinuloy ni Sam ang kanyang ginagawa, tinakpan niya ang ilong ng sanggol para bigyan ng dalawang hiningang pang-rescue ang bibig nito. Nang wala pa ring pagpapakita ng anumang kaligtasan ang sanggol ay inulit niya ang sinimulan.

“1, 2, 3, 4, 5, 6, 7, 8, 9, 10, 11, 12, 13, 14, 15, 16, 17, 18, 19, 20, 21, 22, 23, 24, 25, 26, 27, 28, 29, 30. Off!”

Muli niyang pinakinggan ang hininga at ang tibok ng puso.

“Wala pa ba?” usisa niya sa mga naroon.

“Wala pa ho!” sagot nila.

Nawawalan na siya ng pag-asa, hindi okey ang lagay ng bata. Inulit niya ang pangalawang pamamaraan.

“Wala na yata?” nasambit niya.

Tuluyan nang humagulgol ang ina nitong nakamasid sa kanya. Tumayo siya. Saka niya lang napansin na ang grupo nilang mga fire fighters ay nasa paligid niya rin pala. Muli niyang binalingan ang bata, at laking gulat niya nang bigla itong umiyak.

“Nariyan na ang ambulansya!” nang marinig nga ang wangwang nito. At saka umalingawngaw ang malakas na palakpakan sa paligid. Natatawa siya na nahihiya.

Patuloy sa pag-iyak ang bata, mabilis itong naisakay sa sasakyan, kasama ang dalawa pang kapatid nito at ang inang nakangiting-nakangiti sa kanya.

“Sumama ka!” ang senyas sa kanya ni Mang Kardo.

Hindi siya nagdalawang-isip na sundin ang winika nito. At doon sa loob ay nahihiya siyang humarap sa ina nitong todo ang pasasalamat.

Walong oras bago naapula ang apoy. Sa labas ng pinakamalapit na ospital na pinagdalhan sa mag-iina ay naroroon si Sam, nakatayo sa isang bahaging mataas, at mula roon ay tanaw niya kung paanong tinulungan ng langit na maapula ng mga bumbero ang malaking sunog na iyon sa pamamagitan ng pagbuhos ng napakalakas na ulan.

Napayapa ang paligid, naglaho na rin ang mga pangamba, maririnig sa balita sa tv ang tungkol sa nangyari, pinasalamatan ang isang ahensya ng gobyerno kung saan pinangunahan ang pagtupok sa apoy. Naiiling-iling siya, kawawa ang mag tulad niyang boluntaryong bayani, hindi nabibigyan ng pasasalamat. Okey na iyon sa kanya, ang pinakamahalaga naman ay nakapagligtas siya, at ang pinakamasarap na pasasalamat ay yaong mula mismo sa mga taong naisalba niya.

“Salamat pong muli!” ang ina ng bata na nagpakilalang Tess.

Hindi niya napansin ang pagdating nito, parang ang mga mata niya na may luha na pala. Dali-dali siyang nagpunas at humarap sa nagsalita.

“Kayo po pala!” sambit niya.

“Ligtas na po si James, at dahil po iyon sa inyo.”

“Welcome ho, trabaho ko po iyon at masaya ako sa nagawa ko.”

“May isa lamang sana akong hiling sa iyo, Sir Sam.”

“Ano po iyon?”

“Maaari ko ho ba kayong kuning ninong sa binyag ni James?”

Malaki ang inginiti ni Sam, “Aba, oo naman po, natutuwa po ako.”

“Kung gayon ay aasahan ko po kayong makararating sa pasko.”

At isang mahabang ngitian ang nangyari: bilang pagpapabatid na sa buhay, kahit gaano pa kahirap ang mga pinagdaraanan, kahit buhay pa minsan ang naitataya, ay handa muling magsimula ng panibagong buhay ang nabigo lalo’t may pinag-aalayan. At manunumbalik ang ngiti sa huli lalo’t pag-ibig ang umiiral.

Nagpaalaman na ang dalawa.

Nagulat siya nang biglang natanaw niya sa parking lot ng ospital ang kanilang fire truck, at naroon ang kanyang mga kasamahan na kumakain ng hapunan sa dis oras ng gabi: sabihin nang mag-aalas dose.

Natatawa-tawa siya habang lumalapit sa mga ito, para siyang batang nahihiya. Sa edad niyang iyon, hindi na dapat siya umaasta nang ganoon, pero ewan niya, baka ganoon lang talaga ang kanyang personalidad?

“Magandang gabi, Dr. Jose Rizal!” bati ni Martin.

Natuloy na ang pagtawa niya, na sinabayan ng buong grupo. Nangyari ang isang malakas na sigawan, kasunod ng mahihigpit na yakapan, at papuri sa bagong bayaning si Sam.

“Isang pamilya ang nailigtas mo, Bata!” banggit ni Mang Kardo bago sila tuluyang umarangkada pauwi.

Pagkauwi ay nagmadali naman siya para tunguhin ang kasintahan para magbalita ng magandang balita.  Nang pagbuksan siya nito ng pinto ay hindi siya kumibo. Ngumiti lang siya buhat sa malayo, guwapo kahit na tadtad ng uling, paso, at gasgas sa katawan. Napakunot ng noo si Camille, gustong maawa, gustong magalit sa kanyang nakikita; ayaw niyang nasasaktan si Sam pero wala siyang maiaangal sa pinili nitong bokasyon sa buhay, ito ang tawag ng Diyos sa kasintahan kaya dapat niya itong tanggapin sapagkat mahal niya.

Ang ngiti ni Sam ay naging tawa, hanggang sa naging iyak na. Dahan-dahang lumapit sa kanya si Camille na lalong nangunot ang noo, humakbang din siya nang marahan papalapit, at nang halos magdidikit na ang mga noo ay bigla ang pagyayakap. Ang isang buong gabi’y parang dalawang taong pangingibang-bansa, bagama’t hindi matagal sa katotohanan ay kasabikan naman ang ibiniyaya.

“Nagtagumpay ako, Babe, simula na ito ng mga pangarap ko, at kasama ka roon. Mas marami pa tayong maililigtas na buhay! Ako bilang bumbero at ikaw bilang nurse. Diba?” pagmamalaki niya.

At saka lang pumantay ang noo ni Camille, lumapad ang ngiti saka bumigkas ng natatangi: “Talaga?” At muling nagyakap.

Tumunog ang kanyang cellphone, si Jarren iyon na nagbabalita na bukas ay tuloy na ang unang training nito. Napangiti siya.

Nag-usisa tuloy si Camille, “Ano ‘yon?”

Pakasal na tayo!” ang sorpresa ni Sam pagkatapos-tapos.

Wakas!

About sherald salamat