Biyaheng Pangarap: May pamasahe ka ba?

(Photo Credit: Thescope.ca)
(Photo Credit:    Thescope.ca)
(Photo Credit: Thescope.ca)

Lulan ako ng isang bus pauwi ng probinsya. Mahaba ang biyahe! Nakangangawit! Nakapapagod! Ngunit higit na nakaoapagod ang magbalik-tanaw.

Isang kahapon na puno ng pag-asa sa pagluwas sa Maynila, ngunit lanta nang magbabalik sa kung saan nagsimula.

Ako’y nangarap, ngunit sa hukay ay unti-unting nababaon. Ngayo’y aking napagtanto na ang pangarap ay madalas na may katumbas na ginto’t pilak. Minsan, ang sipag at tiyaga ay ‘di sumasapat.   Kadalasan, ang mahirap ay nakapako na sa baba.

          Sa paghihintay ko, isang tula ang aking nabuo:

Bawat tao ay puno ng pangarap,

Masaganang buhay nawa’y malasap.

Ngunit paano kung ‘di maiguhit,

Mga talang inaasam na makamit?

Parang biyaheng Maynila lang yan,

May toll fee sa NLEX o sa SCTEX,

Idagdag pa ang tax na pahirap sa biyahe,

At patuloy na pagtaas ng pamasahe.

Ang iba may MB, revo, jeep, o van,

Kahit na kuliglig o kariton man yan,

Masuwerte ka mayroon kang sasakyan,

‘Di mo na kailangang makipagsiksikan.

Kung wala, magcommute ka na lang:

Mag-deluxe kung gustong komportable,

Air-continuous sa kulang sa pamasahe,

Mag-exercise kung tinamaan ng letse.

Ang iba’y nagsusumikap na maglakad,

Sa init ng araw kawawang nabibilad,

Nawa’y sa daan ‘di sila datnan ng gabi,

O makatagpo ng aksidente sa tabi.

Mani’t pugo naman ang sigaw ng ale,

Siya’y makasakay lamang nang libre,

Ngunit hindi Maynila ang pakay,

Kundi maghanap ng ikabubuhay.

May ibang kuntento na sa kawalan,

Naghihintay ng biyaya sa lansangan,

May sumasabit sa kahit anong paraan,

Makarating lamang sa paroroonan.

Ang iba’y mag-i-stop-over sa Jollibee,

Ang iba’y kuntento na sa mani,

Ang iba’y kakain sa tabi-tabi,

Ang iba naman dedma sa pagmamadali.

Ngunit pagdating mo sa Maynila,

Sigurdo bang may daratnan kang biyaya?

Libre nga lang namang mangarap,

Pero ‘di libre ang Biyaheng Pangarap.

Ikaw?  Kumusta ang biyahe mo?

Maraming Pilipino ang nasasalamin sa tula. Magkakaiba tayo ng pamamaraan upang marating natin ang nais nating pastulan, ngunit tandaan mong sadyang mapagbiro ang ating kapalaran. Ganyan kung maglaro ang tadhana, parang may pinapanigan at may daya. Kapag nagawa mo na ang lahat, ang puwede na lang gawin ay manampalataya, at umasa sa milagro ng Poong Lumikha.

Enhanced by Zemanta