“Bitawan Mo Na”

Bakit ang mga bata, bigyan mo lang ng kendi, masaya na? ‘Yung mga sanggol, padedehin mo lang, titigil na sa pag-iyak? Ang babaw lang ng kaligayahan nila ‘no?

Nakakainggit.

Sana ganun din tayo, bigyan lang ng kendi, ngingiti na. Tapos “hansakan lang ng beberon ang bunganga”, titigil na sa kakaatungal sa pag-iyak! Haha.

‘Eto naman po tayo. Parang sirang plaka na paulit-ulit na naman sa drama! K’se ang totoo, nakakapagod na ‘yung ikaw palagi ang mauunang babasag sa katahimikan ng walang hanggang ‘walang imikan’ sa inyong pagitan.

Nakakapagod na ‘yung paghihintayin ka nang ilang oras sa inyong tagpuan, pero ni anino niya hindi dumating. Pero naghintay ka pa rin hanggang sa kumalam na ang iyong sikmura, at sa gutom ikaw ay nagkandaduling-duling.

Ganun mo siya kamahal.                                                       

Nakakapagod na ‘yung lagi mo na lang siyang iniintindi, pero hindi naman ikaw ang kanyang priority. Mas inuuna pa niya ang kanyang mga kabarkada kesa tuparin ang pangako niya sa ‘yo. Nakalulungkot, pero ‘yan ang totoo.

Nakakapagod na rin ‘yung  araw-araw niyong bangayan –  nawala na ang dating lambingan. Pag nagkakaasaran na, hudyat na naman ng panibagong “drama”. Buti sana kung mga artista, may pagkukunan  ng delihensiya, kaso malala pa ‘to sa “Ompong” – ‘di pa pinag-“ompong” mga ulo nang matauhan kamo. Haha.

Seriously (naks!), simula pa  sa umpisa, nakakasawa na, ‘di ba? Kung tutuusin, hindi mo na mabilang ilang bagyo na rin ang dumaan at tiniis mo sa inyong relasyon. Hindi mo na rin mabilang kung ilang beses kang umiyak at bumaha ng luha sa kuwarto mo dahil na-realize mong ikaw lang naman ang nagmamahal, ‘di ba? Kung walang ‘ikaw’ na laging umiintindi sa sitwasyon, kahit na nga bugbog sarado ka na sa kunsumisyon, tingin mo matagal na sana kayong tapos? 

                                  

Masyado ka k’sing pokus. Kaya tuloy ikaw ay na hokus-pokus. Masyado kang subsob, hindi mo na namamalayan, ikaw na pala ay lublob. Akala mo k’se mahal ka niiya, pero hindi ka naman masaya? Halos araw-araw ang ipinadadama sa ‘yo ay either kalbaryo o katapusan na ng mundo? Masyado mong iningatan ang lahat na parang pinggang babasagin, pero ikaw? Iniingatan ka ba niya na masaktan o hindi man lang masaling?

Nakikita mo ba ang sinasabi ko sa sarili mo? ‘Yung parang kamay na ipinampahid mo sa’yong mga luha? Ganun pala, pag sobrang lapit, wala kang makita. Nakabubulag. Dapat pala ang relasyon, binibigyan mo ng espasyo, kahit konti. Doon makikita mo ang iyong halaga – na hindi naman pala niya pinapahalagahan.

Panahon na para isipin mo naman ikaw. Kung sa Bisaya pa – “Kung bug-at na, ibutang.” Dahil pag sobrang bigat, mahirap pasanin. Mahirap dalhin. Whether you like it or not, maa-out of balance ka. Bibigay  ang katawan mo, kahit pa sabihin nating gusto pang lumaban ng puso mo hanggang sa kahuli-hulihang hininga nito. Pero sa “drama” lang ‘to madalas nangyayari. Sa mga “teleserye.” Mga tipong “heroic love” – waiting for your love to die a martyr death. Pero sa totoong buhay, inaanay na mga ganitong linya. Wala nang bibili dito kahit pa e-buy one take all mo pa. Kahit pa nga siguro libre, ‘di na ‘to papatusin. Dahil ang buhay, laging may “twist”.  Walang permanente sa naratamdaman. Lalo na kung ang halaga ng pagkatao mo ang nasisira dahil dito.

Pinalaki tayong tama. Pinag-aral hanggang makatapos sa Kolehiyo at magkaroon ng maganda at stable na trabaho. Pero pagdating sa buhay pag-ibig, daig mo pa ang kargador ng sako-sakong bigas na may kasamang bukbok. Doble ang bigat!  Pero meron pa bang mas bibigat pa sa ‘yong dinadala? Sa tone-toneladang sama ng loob at hinanakit na iyong nararamdaman? 

Hanggang kailan mo kakayanin? Dalhin lahat ng pasanin?

Malayo pa ang bukas. Mahaba-haba pa ang iyong lalakarin.

At sa  bawat hakbang, dinadala’y pabigat nang pabigat.

Hindi  ka pa ba bibitaw?

About Nomatterwhat143

Analyst ang aking propesyon. Pag bagot, walang magawa, nagsusulat. Dati nung maliit pa ako, pinapalo. Ngayon pina-follow (hehe!) Kung hindi ako nagsusulat, nakikinig ng musik. Minsan naman wala lang imik. Tahimik. Mata'y ipipikit. Matutulog. Pag gising, magkakape. Pag walang kape, okay lang basta tayo'y mug-KAPEling hehe! Corny? Yun ako. 🙂 Page owner/Admin din ako ng https://www.facebook.com/iloveannemurray/; https://www.facebook.com/nomatterwhat143/. https://www.facebook.com/indayluwag/. IG:indayluwag420