Bisita

Mining Surigao (Photo Credit: SunStar)

Minsa’y may isang payapang gabi.
Pumalahaw sa loob ng isang dampa
Ang sanggol na iniluwal.
Napatahan siya ng isang halik,
at binigyan ng pangalan: Reman.

Sa kanyang kamusmusan ay kapiling niya
Ang malalabay na mga sanga.
Mga dahon at bulaklak ang kanyang kalaro.
Walang sementadong daang nilalakaran,
Sapagkat ang syudad niya ay kagubatan.

Isang bahag ang itinapis nang matukyang mangatuwiran,
At ang bilin ng kanyang ina ay ganito:
ito ang tanda ng iyong pagkatao.
At ngumiti si Reman.
Niyakap ang sariling pagkakakilanlan.

Nagbinata ang batang taglay ang kahusayan
Sa pag-akyat ng puno,
Pagbungkal ng lupa,
At pagsisid ng isda,
Sapagkat ang mga ito ang kanilang buhay.

Maaga siyang nagbanat ng buto,
Subalit mapalad ang batang ito.
Ipinasok siya sa paaralan, doon sa paanan ng bundok.
Aho’t lusong ng anim na kilometro,
At nang minsang umuwi siya’y nadatnan niya ang mga dayo.

Inihain ng kanyang mga magulang
Ang pinakamasasarap na ani ng kanilang angkan
Bilang pagbibigay-galang sa mga dayuhan.
Mga lutong doon lang matitikman,
At pagkatapos ay pinagkapuri-puring parang walang hanggan.

Subalit pagkapananghalian
Ay sila naman ang hinainan:
ng malalapad na papel na hindi nakakain,
Pero ito raw magwawakas ng kagutuman.
Kaya inilatag sa mesa ang planong sila’y damitan.

Bigyan ng hanapbuhay sa kapatagan.
Pangakuan ng mas magaang buhay.
At regaluhan ng mga ginto.
Karapatan daw nilang matapakan
Ang kalsadang pagawa ng kanilang mga pinuno.

Makailang ulit silang inalok ng kurbata at opisina.
Subalit bahag ang kanilang kultura.
Kaya nabuo ang himagsikan.
Tumilamsik ang mga dugo sa mga dahon at damo.
Naging sapilitan ang pagpapalayas sa kanilang lupa.

Pumalag sila pero may mga putok
na nagpaligsahan sa buong kabundukan.
Nagliparan ang mga ibon mula sa mga pugad.
Nag-ingay ang mga unggoy.
Natutong magmura ang mga katutubo.

Inagusan ng dugo si Reman sa noo.
Umalingawngaw ang mga mura.
Nagmura si Reman, at agad na tinutukan
Ng bakal sa ulo bilang babala na bawal lumaban.
Kaya inimpit na lang sa puso ang galit.

Umalis din ang mga bisita.
Nag-iwan ng mga luhaan,
Nag-iwan ng mga duguan,
Nag-iwan ng mga bangkay,
Ng pangako ng ginto at magaang buhay.

Pero makailang ulit pang bumalik ang mga bisita,
Ang hintuturo’y laging nakaakma sa gatilyo
Kaya napilitang bumaba ng kagubatan ang mga katutubo.
Napilitang magtanggal ng bahag at magsuot ng salawal.
Kung saan-saan sila lumaboy hanggang sa magkahiwa-hiwalay.

Natupad ang pangarap ng ibang makasakay ng dyip:
kandong ang pinasususong sanggol
Ay naglakas-loob na manlimos ng barya.
Kumanta sa saliw ng tambol at palakpak.
Mga palakpak na hindi para sa masasaya.

Dahil nagutom ang mga dating busog.
Natutong magnakaw, mandukot,
At gumawa ng masama para mabuhay.
Ang ila’y humawak na rin ng armas na bakal.
Nasaan na ang mga gintong ipinangako?

Si Reman, hindi nagtanggal ng bahag.
Ang taong nakapag-aral kailanma’y hindi nababahag.
Kaya bumisita siya sa syudad
Upang buong tapang na ipagtanggol ang kanyang lahi.
Doo’y, mag-isa niyang iniangat ang karatola.

Ang boses ng kanyang katahimikan
Ay pumalaot sa buong bansa.
Binasa ang kanyang mga hinaing.
Dininig ang patak ng luhang
Lumikha ng reklamo na nagsusulong ng pagbabago.

Umuwi siyang hawak ang kapirasong papel
Na maghahain ng kanyang lutong karapatan.
Inakyat ng bayani ang kanilang bundok.
Subalit naligaw.
Nakarating siya, subalit naligaw.

Nasaan na ang alaala ng kanyang kabataan?
Ang kabuhayang ipinamamana ng panahon?
Ang kulturang kumikilala sa kanilang lipi?
Sapagkat ang tangi lamang matatanaw roon
ay isang hinubarang kabundukan na ginagahasa ng mga bakal.

Tanaw sa kanyang kinatatayuan
Ang mga bisitang isa-isang pumapailalim
Sa kanilang lunggang binutas at hinukay,
Upang humithit ng mineral,
At magmina ng kayamanan.

Habang ang buong katubigan
ay pumasan ng lupang duguan.
Muling pumalahaw si Reman na parang bagong silang,
Bisita ng sariling tahanan.
Simula noon ay naglakbay siyang muli.

Binalak niyang hanapin ang kanyang buong lahi,
At doon sa syudad ay natagpuan niya ang nagbagong-bihis
Na katutubo; alipin ng mga kayumanggi,
Palaboy ng bayan,
Kaaway ng lipunan.

At nang alukin niya ng pag-uwi, ng bagong pagsisimula,
Ang pamilyang luntian nang sumibol sa lupa
Na kalauna’y nagputik nang makatapak sa semento,
ay sinundong hindi sumama sa pagbabalik.
Ayaw na nilang umuwi.

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.