Bilanggo

Photo Credit: youth-mentoring.com
Photo Credit: youth-mentoring.com
Photo Credit: youth-mentoring.com

Tawagin na lamang po ninyo akong Jaime, bente otso anyos at isa po akong bilanggo. Mabigat din ang aking naging kasalanan, naging sangkot kasi ako sa iba’t-ibang nakawan sa aming lalawigan at mga karatig nito. Pinalaki naman akong mabuting tao ng aking mga magulang, kaya lang ay nagkasakit ng ketong si Tatay at nadala sa Leprosaryo. Si Nanay na halos ang bumuhay sa akin, subalit natuklasan namin na may sakit naman siyang lupus.

Mahirap na sakit ang lupus, tinatawag nga iyang sakit ng mayayaman. Gusto kong maipagamot si Nanay para kahit paano ay humaba ang kaniyang buhay. Minsan, isang kaibigan ang nagsama sa akin sa masamang gawaing iyon. Naging magnanakaw kami ng kalabaw.

Sa Pangasinan kasi ay may mga magsasaka na iniiwan na lamang sa bundok ang kanilang mga kalabaw. Nakita naming oportunidad ito para kumita ng pera. Apat kaming magkakasama sa gawaing iyon. Una ay titiktikan namin ang kalabaw, kapag natiyak namin na iniiwan nga ito ng may-ari sa bukid ay pupuntahin namin ito sa gabi at doon na rin namin kakatayin. Ibebenta na lamang namin sa mga pamilihan ang nakatay na karne nito.

Maganda ang naging kita namin.  Kapag medyo natataranta ang mga Pulis at Baranggay Tanod ay lilipat lamang kami ng probinsiya at doon maghahasik ng lagim. Kapag malamig na ang sitwasyon sa Pangasinan ay babalik na kaming muli at magnanakaw na naman.

Noong una ay nakokonsensya din naman ako. Ngunit malaki ang aking pangangailangan sa pera, para kay Nanay. Kung makikita n’yo lamang ang kaniyang kalagayan, lalo na at namamaga ang kaniyang buong katawan. Ayaw ko nang isipin iyon, subalit iyon ang nagpalakas ng aking loob para magnakaw.

Subalit hindi naglaon at nahuli rin kami. Isang gabi habang kinakatay namin ang baka ay nahuli kami at pinagbubugbog ng mga tao. Halos mata ko lamang ang walang latay. Salamat na rin at hindi kami napatay ng mga tao. Ngunit kami ay nahatulang mabilanggo para pagdusahan ang aming kasalanan. Pinagbayad pa kami ng mga danyos perwisyos. Wala akong maibayad kaya ang dapat na pambayad perwisyos ay idinagdag sa taon ng pagkakakulong ko.

Awang-awa ako kay Nanay. Lalo na siyang nawalan ng pag-asa at namatay siya sa sama ng loob.Sising-sisi ako sa aking ginawa.

Ganito pala sa loob ng kulungan.

Noong una habang dinidinig ang aking kaso ay ikinulong ako sa Provincial Jail. Walang pakain doon, umaasa lamang ako sa magdadala ng pagkain sa akin. Naranasan kong magutom dahil nga wala namang pera si Nanay at may sakit pa. Halos dikit-dikit kami sa loob ng bilangguan, overcrowded ‘ika nga. Kapag nagkakuto ang isa dahil sa init ay kukutuhin na kaming lahat. Kapag nagkapigsa ang isa ay pipigsahin na kaming lahat. May manaka-nakang awayan subalit hindi naman grabe. Hindi maganda ang loob ng bilangguan, nangangamoy pawis namin at napakapanghe ng kubeta.

Matapos akong mabasahan ng hatol ay dinala na ako ng mga pulis sa Bilibid at ipinakilala sa Warden. Ako kasama ang ibang bilanggo na kasabay kong dinala sa Bilibid ay pinaghubad at siniyasat kung may dala kaming mga patalim. Hubo’t-hubad talaga, limang oras din yata kaming ganoon. Nang matapos ang pagsisiyasat ay binigyan na kami ng mga uniporme na kulay dalandan.

Masasabi kong mas maayos naman pala sa bilibid bagamat overcrowded pa rin kung titingnan.Nagpapakain sa bilangguan subalit talagang tila pagkain ng hayop. Minsan, lugaw na kay labnaw. Daing na pagkaalat-alat at kangkong na walang asin. Kaya kung mapili ka ay talagang mamamatay ka sa gutom sa loob. Halos hindi na kami nakatikim ng prutas.

Ganito pala ang buhay sa loob ng bilangguan dapat ay matuto kang makisama. Iyong mga palabas sa TV na sinasabing laging may away at patayan ay masasabi kong eksaherado. Dito kasi bagamat masasama kaming lahat sa paningin ng lipunan ay tao pa rin kami na maaring magbago. Minsan, kapag ninakawan ka ng sabon ay huwag ng magalit at makipag-away, nakukuha naman sa lamig ng ulo ang lahat. Mahalaga rin na matutong makisama, kapag may pagkain ka ay matutong mamigay sa mga kasamahan. Huwag ka na lamang kumain kung alam mo na para sa iyo lang iyon. Hindi naman maganda na habang kumakain ka ay titingin-tingin sa iyo ang mga kasama mo.

Totoo na sa bilangguan ay binubugbog ang mga nakasuhan ng rape. Kapag nabalita na rapist ang pumasok sa Bilibid ay siguradong may pasalubong na gulpi iyon. Ipararanas din sa kaniya kung paanong magahasa. Hindi ako nabugbog dito kasi ay pagnanakaw naman ang kaso ko.

Mayroong kaming Mayor, sila ay iyong mga bilanggo na mga astig. Pinagkakatiwalaan sila ng Warden at masasabing Tagapamayapa siLa sa loob. Iyong mga ibang bilanggo na makikinis at mukhang mayaman, iyong hindi sanay sa mabibigat na trabaho. Nagiging bakla dahil ginagawang kabit ng mga Mayor. Nagtatrabaho din kasi kami dito, gaya ng paghuhukay at pagtitibag ng semento. May mga lalaki na hindi sanay sa ganoong gawain kaya, sasabihin sa kanila ng mayor na magpakababae na lamang para sa kanila. Pribilehiyo iyon para sila ay hindi na pagtrabahuhin ng mabigat at siguradong hindi sila pwedeng salingin ng kahit sino.

Maswerte ang ilang bilanggo na maraming dumadalaw. Kasi naman ay ibinabawas sa araw ng iyong pagkakakulong ang bilang ng tao na dumadalaw sa iyo. Masaya din lalo na at bibigyan ng pasalubong na masasarap na pagkain. Masasabi din na swerte kung napili kang sulatan ng mga babae. Iyon bang pen pal. Salamat sa Diyos at may mga babae na nagbibigay atensyon sa amin; Mama ang tawag namin sa kanila.

Salamat din sa Diyos na may mga Pastor at Pari na bumibisita sa amin at nagbabahagi ng salita ng Diyos. Malaki ang naitulong niyon sa akin.

Nakalaya ako noong 2005, pitong taon lamang akong nakulong dahil nagpakabait ako sa loob. Nabigyan ako ng parol. Habambuhay nang batik sa aking pangalan ang aking pagkakakulong subalit salamat at nakilala ko sa Loob ng kulungan ang Diyos. Ang Panginoon ang nag-ayos ng aking buhay.

Nag-aral ako sa loob ng bilangguan at nakatapos ng kursong BS Management. Natuto rin akong magpinta at gumawa ng sari-saring handcraft.

Ganoon pala, habang buhay ay may pag-asa. Lahat ng nagkakamali ay maaari pa ring bumangon. Lahat ng masasama ay maaaring bumuti sa tulong ng Panginoon. Pinakasalan ako ng isang babaeng naging kapen pal ko habang nasa loob. Isa akong Pastor ngayon ng Born Again Christian at ang aking negosyo na handicraft ay inaangkat sa ibang bansa. Salamat sa Diyos na nagbigay pagkakaton sa isang makasalanang bilanggong gaya ko. To God be the Glory!

About shallom

Simpleng tao,sana magustuhan n'yo at may mapulot kayo sa mga akda ko.Masaya na po ako kapag nakikita ang inyong mga komento. Salamat po.