Bestida

(Image Credit: www.modcloth.com)
(Image Credit: www.modcloth.com)

“Inang, kumusta po kayo?” nakangiti kong bati nang bumungad si Inang sa pintuan. Agad Kong kinuha ang kamay niya at dali-daling nagmano.

Bahagya pa akong inaninaw nito, kapagdaka’y lumuwang ang mga labi nito sa isang ngiti.

“Ikaw lamang ba Anak?”

“Hindi mo ba kasama ang mga Apo ko?” tanong nito

“Hindi ko na po naisama Inang, dahil abala sila sa kanilang pag-aaral. Bayaan niñyo at sa susunod na dalaw ko ay kasama ko na sila” pang-aalo ko kay Inang.

Tuwing ikalawang Linggo ko binibisita si Inang.Ang totoo ay matagal ko na siyang kinukuha para makipisan sa amin, subalit ayaw raw niyang iwanan ang bahay nila ng nasira naming Tatang. Naroon daw ang mga masasayang ala-ala. Kapag hindi panahon ng aking pagbisita ay ang kapatid kong si Mariella ang dumadalaw sa kaniya. Nakababata siya sa akin ng dalawang taon.Mayroon na rin siyang sariling pamilya at dalawa na rin ang kaniyang mga anak.

“Sandali! Anak at ako ay gumawa ng halayang ube, magugustuhan mo ito” sabi ni Inang at nagmamadali na nga siyang nagtungo sa kusina. Bahagya kong nilinga ang buong bahay. Napangiti ako ng madaanan ng aking paningin ang lumang makinang de-sikad ni Inang. Antigo talaga he he, sabi ko sa aking sarili.

Dating modista si Inang at isa sa pinakamagaling noong nananahi pa siya. Dagsa ang mga parokyano niya dahil sa taglay niyang kabantugan. Tuwing magkakaroon ng bagong uniporme ang mga guro ay siguradong siya ang kokontratahin. Ang mga mayayamang estudyante ay kay Inang din nagpapasukat, pati ang ina ng aming mayor ay si inay din ang personal na modista. Nakatulong nang malaki sa amin ang kasanayan ni Nanay lalo na sa aming pag-aaral. Kapuwa kami nakatapos ng karera ng aking kapatid dahil sa kaniya.

Nilapitan ko ang makina at nakita Kong may telang nakahugpong dito. Nabigla ako. Bakit nananahi pa si Inang? Sa pagkakaalam ko ay tumigil na siya sa pananahi dahil malabo na ang kaniyang mga mata, halos hindi na nga makakita kapag gabi na. Sumasakit na rin dahil sa rayuma ang mga daliri nito at namimintig ang mga binti lalo na at napagod sa pagsikad sa makina.

“O heto anak ang halaya, sana ay magustuhan mo” Anyaya ni Inang sa akin at ibinigay ang isang platitong ube. Ang bango nito at tila kay sarap.

“Inang, bakit tila kayo ay nananahi pa, ano ang inyong hinahabi, hindi ba’t nahihirapan na kayong manahi” medyo mataas ang tinig na sabi ko

“Ho eh, tinatahian ko ng bestida si Mariella” pahayag nito

Tila nagpuntang lahat sa aking ulo ang lahat ng aking dugo.

“Ano Inay, bakit hindi ba makabili ng damit si Mariella at kailangang kayo pa ang manahi. Hindi ba niya alam na nahihirapan kayo?”

“Anak, ako naman ang may gusto eh kaya nga pinabili ko siya ng tela sa Divisoria, hilig ko naman ito ah” malumanay na sagot nito

“Inay itigil ninyo ang pananahi niyan, ayaw kong nananahi pa kayo” medyo may katigasang sabi ko, natigilan ako dahil nakita kong bahagyang namasa ang mga mata ni Inay. Pamaya-maya ay pumasok na ito sa kaniyang silid at hindi na lumabas pa. Alam kong sumama ang loob nito.

Makalipas ang ilang sandali ay umalis na ako, ipininid ko na lamang ang pinto. Mabigat ang aking dibdib at nagpupuyos ang galit ko sa aking kapatid. Hindi ko napigilan ang aking sarili at tinawagan ko ito at pinagalitan nang sagad sa buto.

“Bakit naman nagpapatahi ka pa kay Inang, alam mo naman na nahihirapan. Nagtitipid ka ba at hindi ka makabayad ng ibang modista?” galit na sambit ko rito

“E bakit, hindi ko naman pinilit si Inay ah. Mabuti nga at nalilibang ang matanda sa pananahi” may himig galit na sagot na rin nito.

Nagkainitan kami hanggang sa pinagbabaan ako ng telepono.

Mahirap palang mag-away ang mga ma-eedad na. Simula noon ay hindi na kami nag-usap ni Mariella. Hindi ko na rin dinadalaw ang Inang. Nagpapadala na lamang ako ng pera at mga groserya.

Hanggang sa isang araw ay dinalaw ako ni Inang kasama si Mariella. Nabigla ako dahil nahihirapan na siyang magbiyahe subalit pumunta pa sa bahay. Napansin kong suot ni Mariella ang damit na tinatahi ni Inay noon. Napakaganda nito halatang tinahi ng de-kalidad na mananahi.Natunaw ang aking puso at nawala ang anumang sama -nang -loob ko. Napahiya rin ako sa aking inasal.

Masinsinan akong kinausap ni Inang at ni Mariella.

“Anak, alam kong nag-aalala ka dahil sa aking kalagayan. Hindi ako pinilit ni Mariellang manahi, ako pa nga ang namilit sa kaniya. Hindi ko kasi nagugustuhan ang labas nang mga makabagong damit ngayon. Hindi gayon kapulido at walang kakali-kalidad.

Anak, matanda na ako at mahina na ngunit, nais ko pa ring ialay sa inyo ang natitira kong kasanayan at galing. Nakatutulong din sa akin na may ginagawa dahil mas lalo kong nararamdaman ang silbi ko sa mundong ito,” mahabang paliwanag ni Inay

Nabaghan ang aking loob. Naunawaan ko ang kaniyang nasasaloob. Niyakap ko si Inang at si Mariella. Pamaya-maya ay may iniabot na supot sa akin si Inay, naroon ang isang bestida na kakulay ng damit ni Mariella bagama’t iba ang istilo nito. Nag-uunahang tumulo ang gabutil na luha sa aking mga mata.

About shallom

Simpleng tao,sana magustuhan n'yo at may mapulot kayo sa mga akda ko.Masaya na po ako kapag nakikita ang inyong mga komento. Salamat po.