Bersyon ni Nina

Larawan mula sa Nina “Diamond Soul Siren” Girado’s Facebook page

Ilang buwan matapos mo akong iwanan, sinimula kong ulit-ulitin ang pakikinig sa kantang “Can’t Find the Words to Say Goodbye” ni Nina. Oo, iyong bersyon ni Nina.

Nakikinig ako noon sa radyo, humahanap ng musika na gagamot sa sugatan kong puso. Ang laman kasi ng playlist ko ay walang iba kung hindi ang mga awiting sa akin ay minsang inialay mo.

Biglang tinugtog ang kantang “I Can’t Find the Words to Say Goodbye” ng Bread.

Naisip kita.

Noon kaya, bago ka umalis, ay natigilan ka man lang ba at nag-isip? Nahirapan ka rin ba kung anong mga kataga ang gagamitin mo para hindi maging ganoon kasakit sa akin ang paghiwa mo sa aking dibdib? Palagay ko ay hindi, sapagkat bigla mo na lamang itinurok ang punyal habang nakangiti ako at pinagmamasdan ang mga kulay sa iyong mga mata; mga kulay na pala muling magtitingkad para sa akin.

Nakulayan ng itim at puti ang paligid. Parang pelikula o teleserye at ako ang bida – ang nasasaktan, ang lumuluha, ang halos sumuko na.

Habang nilulunod ang sarili sa masasaya nating alaala na iyong tinalikdan, umabot ang kanta sa linyang: “She will have to do with someone else all that we have planned.”

“He will have to do with someone else all that we have planned,” sabi ko sa sarili ko.

Darating ang araw, naisip ko, makikita na lang kita na masaya sa piling ng iba. Alam kong hindi ko iyon maiiwasan sapagkat ilang kalye lamang ang pagitan ng ating mga tirahan. Alam ko rin na hindi ko iyon maiilagan dahil mayroon nang social networking sites kung saan ay sobrang aktibo ka. Alam kong hindi magtatagal ay makikita kitang tinutupad ang mga pangarap nating dalawa kasama ang iba; mababakas ko sa iyo ang kawalan ng pagsisisi na iniwan mo ako nang hindi man lang nililinaw ang dahilan kung bakit mo kailangang umalis.

Sabi ko, marahil sa panahong iyon ay mag-isa pa rin ako at abala pa rin sa paghahanap ng dahilang ipinagkait mo sa akin noon; hinahanap ko pa rin siguro ang nawawalang bahagi ko, ang kakulangan sa akin na naging rason para lumakad ka palayo.

Itinanim ko sa isipan ko na isang araw, kakailanganin mong gawin ang mga plano natin nang hindi ako kasama – na iba ang katulong. Mga pangarap mo rin ang mga iyon, alam ko. Hindi mo naman siguro tatalikdan na lang nang basta-basta dahil magkalayo na kayo ng taong kasama mong umisip at naglista ng mga hakbang na gagawin ninyo para marating ang mga iyon.

Isang araw, iba na ang kasama mong susulat ng mga tula, ng mga nobela, ng kung anu-anong maaaring isulat. Kayo na ang magiging may akda ng aklat na balak nating ilabas. Siya na ang gagawa ng mga kathang isusulat ko sana upang ipares sa iyong mga obra. Siya na ang makakasama mo sa mga lugar na pangarap mong marating. Siya na ang hihintayin mo sa harapan ng altar habang tinutugtog ang pinakamatamis na awiting iyo ‘ka mong narinig.

Sa mga sumunod na araw ay natagpuan ko na lamang ang sarili ko na ninanamnam paulit-ulit ang kapanatagang sa akin ay ihinahatid ng kantang iyon. Isang gabi, humanap ako ng bersyon na babae ang kumanta. Para hindi naman dyahe na ang gamit na pronoun ay “she”!

Natagpuan ko, sa gitna ng paghahanap, ang bersyon ni Nina. “Can’t Find the Words to Say Goodbye” naman ang pamagat.

“He will have to do with someone else all that we have planned,” ang nasa bersyon niya.

Araw-araw, oras-oras, kong pinakinggan iyon hanggang sa ako ay maumay na – maumay sa kanta, sa boses ni Nina, sa sakit, sa paulit-ulit na pag-iyak – sa paghahangad na hindi mo makita ang taong makakasama mong gumawa nang mga bagay na iyon hanggang sa hindi ko pa natututunang magmahal muli.

Ngunit pitong mahahabang taon na ang lumipas. Nalampasan ko na lahat – ang kirot, dusa, luha, pati ang walang humpay na paghahanap ng kasagutan. Hindi na ako umiiyak. Hindi na ako nagdurusa. Hindi ko na hinihiling na wala kang makasama hanggang hindi pa ako nagiging tunay na masaya.

Hindi na kita mahal.

Hindi na, matagal na. At matagal na rin akong masaya.

Pero ikaw, sabi mo noong nagkita tayo sa dati nating paaralan, hindi mo pa rin nahahanap ang taong magpapasaya sa iyo. Hanggang ngayon ay mag-isa ka pa rin. Hanggang ngayon malungkot ka pa rin.

Akala ko noon, isang tagumpay ang maunahang maging maligaya ang taong nagdulot sa iyo ng labis-labis na kalungkutan. Akala ko noon e magiging masaya ako kapag nakita kita sa ganiyang kalagayan.

Subalit pagkatapos kong malinawan – noong nalaman ko ang tunay na dahilan ng iyong paglayo, at hindi lamang pala ako ang nahirapan – ay nasambit ko rin sa wakas na sana ay lumigaya ka na.

Ngayong gabi, pinakinggan kong muli ang “I Can’t Find the Words to Say Goodbye” – ngunit hindi ang bersyon ni Nina.

“She will have to do with someone else all that we have planned.”

Hindi ka lamang nahirapang magpaalam sa akin nang mga sandaling iyon– hanggang ngayon ay naghihirap ka pa rin palang tanggapin kung bakit kinailangan mong magpaalam noon, kung bakit siya na ang kasama kong tumutupad ng mga mga pangarap na pinangarap mong tuparin para sa akin noon.

About Charina Clarisse Echaluce

Charina Clarisse Echaluce is a former Manila Bulletin reporter, a passionate literary writer, and a resource speaker. She had her first novel published at Balita newspaper, from 2013 to 2014. She is the owner of Minsan Okay Lang Ma-traffic Facebook page (http://facebook.com/minsanokaylangmatraffic2016) and the author of Minsan Okay Lang Ma-traffic book. Other pages: http://minsanokaylangmatraffic.wordpress.com/ http://www.wattpad.com/user/CINDErainLLA http://twitter.com/OKLangMatraffic http://instagram.com/trafficinwords2016