Benta (Part 1)

Image via FrAnthony

Halos hindi ko na maalala ang itsura ni ina.

Matagal na panahon na nung kami ay ibenta niya. Hindi ko din alam kung bakit. Marahil ay nangangailangan siya ng pera at hindi niya kami kayang alagaan lahat, at isa pa, palagay ko eh hindi na kami lahat magkakasya sa bahay lalo’t ang iba kong nakatatandang kapatid ay mabilis nang lumalaki.

Marami kaming magkakapatid at ako ang bunso. Siguro nasa walo kami o siyam, hindi ko sigurado; basta madami.

Bata pa lang ako noon at halos katatapos lang matutong maglakad; ni wala pa nga yata akong pangalan nung naisip ni inang na ipagbili ako. Naisip ko lang ngayon na hindi ko naman masisi si ina. Malamang ‘yun ang naisip niyang paraan para lahat kami ay mabigyan ng maayos na buhay.

Wala akong maraming alaala tungkol sa pamilya, kung saan ako pinanganak o kahit sa lugar kung saan nga ako napanganak. Basta isang araw nagising ako na nasa loob ng isang malaking karton na buhat-buhat ni ina.

Sa loob ng karton ay may kasama akong isang batang lalaki na kung ‘di ako nagkakamali eh ka-edad ko lang. Hindi ko siya kilala, sigurado din akong hindi siya isa sa mga kapatid ko, o ewan ko lang, kung kasi napapaisip ako ngayon eh baka nga kapatid ko siya, hahaha.

Naalala ko pa sobrang takot siya at sa takot niya eh sumiksik siya sa akin, at dahil malamig sa loob ng karton eh hinayaan ko na lang siyang sumiksik sa akin at natulog na lamang akong muli.

child photo
Photo by skalekar1992 (Pixabay)

Nagising ako nang marinig kong may kausap si ina. Hindi ko kilalang boses ng isang lalaki na habang kausap si ina eh hinahaplos ang ulo ko. Nakikipagtawaran,

“3 K na lang kunin ko na ‘yang dalawa,” narinig kong sabi niya. Noon naman eh hindi ko alam na ibinebenta na pala kami ni ina.

“Lugi naman ako sa presyong ‘yan, Sir, para sa dalawa kong anak,” sagot ni ina sa lalaki.

“’Yang isa po eh 2 K, kung gusto ninyo eh kunin ninyo ng 1.5 K ‘yung isa pa,” dagdag ni ina.

Bahagyang tumahimik ang pag-uusap nila at tumingin sa amin ang lalaki. May malaking pag-aalinlangan na bakas sa mukha niya ngunit nasundan ng ngiti.

“Sige, te, kunin ko na ‘yang dalawa kawawa naman ‘yung isa kapag naiwan, magkapatid ba sila?” tanong ng lalaki.

“Hindi po, Sir” sagot ni ina. Pagkatapos ay kinausap kami ni ina

“Magpakabait kayo ha,” sabi ni ina sabay haplos sa mga mukha namin at ‘yun na ang huling mga salitang sinabi niya sa amin.

Matapos nun ay tumalikod si ina at umalis na dala ang perang kinita, at mula noon ay hindi ko na muling narinig, nakita o naamoy man lang si ina.

Dahil hindi ko naman naiintindihan pa ang mga nangyayari noon ay bumalik na lang akong muli sa pagkakatulog habang ang kasama ko namang bata ay tulog na tulog na rin.

Sa paggising ko ay natakot ako dahil naisip kong wala na si ina, at ibang tao na ang may buhat sa karton kung saan naroon kami.

Napaiyak ako at sa takot ay sinubukan kong lumabas sa karton. Bago ako makalabas ay napigilan ako ng lalaki at buti na lamang dahil sa labas ay maraming taong nakatingin kaya’t wala akong nagawa kundi bumalik sa loob sa takot at umiyak na lamang.

Habang nakapikit at umiiyak sa takot ay napansin kong tulog pa rin ‘yung batang kasama ko at sa takot ko nga, sa pagkakataong iyon ay ako naman ang sumiksik sa kanya dahil hindi ko man kilala ang batang ito ay siya lamang ang tanging matatakbuhan ko.

child photo
Photo by skalekar1992 (Pixabay)

“Shhhsh, tahan na, malapit na tayo,” mahinahong sabi ng lalaki kasabay ng marahang pagtapik-tapik at paghaplos sa aking likuran. Hindi ko maintindihan ngunit sa oras na iyon ay napalagay ako na tila ba ramdam kong nasa mabuting kamay ako hanggang sa tuluyan ngang kumalma ang aking saloobin na siyang dahilan upang muli akong mapahimbing sa tulog.

[Itutuloy…]

 

 

About kablog

read write alright