Bayad Po.

Susmaryosep santissima!

Malakas na naman yung sounds dito sa jeep na sinasakyan ko habang mabilis na pinapatakbo ng utang na loob na rakistang drayber ang minamaneho nya. Parang kahit anong oras, pwedeng pwede na ako makipagshake hands kay San Pedro.

“Bayad po.”

Pitong piso lang naman ang pamasahe ko imbis na regular na otso, palibhasa estudyante ako’t may discount. Iniaabot ko yung barya dun sa babaeng nakaearphones na katabi ko. Ang di ko lubos maisip, paano kaya niya naririnig yung music sa Ipod niya gayung ang lakas lakas ng tunog sa mga basag namang speakers ni manong drayber.

Eh nakanangyan! Hindi ako naririnig ni ate. At walang pumapansin sakin! Itong mga mababait na pasaherong to, walang pakialam sa mga nakikisuyo. Sa may bandang dulo pa naman ng jeep ako nakaupo, at parang milya milya ang layo ng drayber mula sa akin. Sinubukan ko namang ipaabot yung bayad ko dun sa matandang katabi nung babaeng nakaearphones.

“Bayad po. Makikisuyo po ng bayad.”

Mukha na akong baliw, may kausap ba ako? Kunsabagay, mahina na nga ang tenga ng matanda, lalo pang nabibingi sa sounds ni manong. Parang wala namang pumapansin sakin kahit siksikan na sa dami ng pasahero ng jeep. Nakakayamot na ah. Mas malakas pa talaga yung mga nagmumurang kanta ni Eminem sa jeep ni manong kesa sa boses ko. May magagawa ba ko para maiabot ko tong bayad ko?

“Bayad po. Makikiabot lang po ng bayad.”

Wala pa ring may balak mag abot ng bayad ko. Utang na loob! Malapit na ko sa bababaan ko, at hindi ko pa rin naibabayad tong pamasahe ko. Humirit ako sa huling pagkakataon, bilang ilang metro na lang ay bababa na ako.

“Bayad po. Isang LRT galing bayan, estudyante.”

Walang lumilingon. O siya, bahala na. Ginawa ko naman ang lahat pero sadyang wala lang talagang pumapansin sakin. Nagbabayad naman ako eh, pero wala lang talagang nakakarinig sa boses ko.

Pull the string to stuff. Nabasa ko sa jeep. Hinila ko yung lubid. Huminto ang jeep. Akmang bababa na ako nang biglang in-off ni manong ang radio sabay hirit,

“Boy, bayad mo!”

At lahat sila, biglang napalingon sa akin.

About markdaniel29

A Junior College student of the University of the Philippines Diliman taking BS Civil Engineering. Someone who loves writing, singing, dancing, and acting. Someday, I'm gonna make my dreams come true 🙂