Bawal Umihi, May Duwende

bawal water mark

Tatlong itlog na nilaga, tatlong sigarilyong pula, tatlong kendi at tatlong biskwit. Ito ang inialay ni Aling Maria sa lugar na kung saan na-engkanto si Bembol.

Nanguha ng bayabas si Bembol sa isang bakanteng lote. Hitik na hitik kasi ito sa bunga. Pagkatapos ay bumaba na ito at umihi malapit sa puno.

Buhat noon ay nilalagnat na ang bata at walang ganang kumain. Nakaramdam pa si Bembol ng pangangati sa ari. Niyaya ni Aling Maria ang anak na magpatingin sa doktor. Nag-aalala ang ina sa nararamdamang pangangati ng anak. Baka kasi kung ano na ito.

Ayaw ni Bembol sapagkat nahihiya siya. Baka daw kasi tingnan ito ng nurse. Napilit pa rin ng ina ang anak. Habang naghihintay sa clinic, ‘di mapakali si Bembol dahil sa pangangati.

“Allergy lang yan. ‘Wag ka munang kakain ng malalansa,” sabi ng doktor habang nagrereseta. Nagmamadaling umuwi ang mag-ina upang mabili na ang mga gamot.

Sa loob ng drugstore, ‘di uli mapakali ang bata. Ininom agad ni Bembol ang gamot pagkauwi ng bahay. Kinabukasan, walang pagbabago. May lagnat at wala pa ring ganang kumain si Bembol. Naroon pa rin ang pangangati.

“Ano ba kasi ang ginawa mo?” tanong ni Aling Maria.

Kinuwento ni Bembol sa ina ang kanyang pangunguha ng bayabas hanggang sa pag-ihi niya malapit dito.

“Naku! Baka may naihian ka?” ang sabi ng ina.

Nagtungo agad sa kapitbahay si Aling Maria upang itanong kung may kilala silang magaling na arbularyo. Dali-daling pumunta ang mag-ina sa sinasabing si Ka Unyo, ngunit wala ito sa bahay.

Naroon din ang ibang may sakit na naghahanap sa arbularyo.

“Nasaan ho ba si Ka Unyo?” tanong ni Aling Maria.

“Umalis ho siya. Nag home service ho” sagot ng babae na nagsisilbing sekretarya ni Ka Unyo.

“Ah ganoon ba, babalik ba siya agad?” tanong ni Aling Maria.

“Gabi na ho balik niya. Balik na lang ho kayo bukas,” sabi ng babae.

“O sige, balik na lang kami,” sabi ni Aling Maria.

“Sige po. Agahan n’yo po para makakuha agad kayo ng number,” paalala ng babae.

“18! 18!” sigaw ng sekretarya ni Ka Unyo.

Iniabot ni Aling Maria ang numero sa babae at pumasok na sila sa medyo may kadiliman na kuwarto. Inayos ni Aling Maria ang pagkakatabing ng ginantsilyong kurtina sa pinasukang pinto at umupo na sila sa sahig na kahoy.

Mapusyaw ang ilaw ng altar na nagsisilbing liwanang ng kuwarto. Isinalansan sandali ni ka Unyo ang ilang dahon ng tuba at inilagay ito sa nakatihayang bao. Pagkatapos ay hinarap na sila nito. Matanda na ang arbularyo ngunit malakas pa.

Nagtanong lang ng kaunti si Ka Unyo kay Aling Maria at pagkatapos ay sinimulan na ang pagtawas kay Bembol. May nabubuong imahe sa bawat patak ng kandila sa palangganang may tubig. Kinuha ni Ka Unyo ang namuong mga patak ng kandila at tiningnan ito.

“Tsk tsk tsk” ang palatak ni Ka Unyo na iiling-iling.

“Ano po iyon?” tanong ni Aling Maria.

“May naihian siyang duwende,” sabi ni Ka Unyo sabay turo sa bandang ibaba ng namuong kandila.

“Ganoon po ba?” sabi ni Aling Maria.

“Oo, nagalit ito dahil ang duwende’y namamahinga,” paliwanag ni Ka Unyo.

Walang masabi si Aling Maria. Tumingin lang ito sa anak.

Pumilas ng kapirasong yellow paper si Ka Unyo at may isinulat dito. Itinupi ito ng tatlong beses at iniabot kay Bembol.

“Inumin mo yan” sabi ni Ka Unyo sabay abot ng basong may tubig.

Tumingin si Bembol sa kanyang ina dahil nagtaka sa ipinagagawa sa kanya. Sumenyas ang kanyang ina na nagpapahiwatig na sundin ang arbularyo.

Isinubo ni Bembol ang kapirasong papel at uminom ng tubig. Humingi pa ng isang basong tubig ang bata dahil dumikit lang ang papel sa kanyang ngala-ngala.

Hinilot ni Ka Unyo sandali ang bata sa batok at nagbilin kay Aling Maria ng mga dapat ialay sa duwende upang mawala ang galit nito at tuluyang gumaling na ang anak.

“Wag kang magsususuot kung saan-saan,” paalala ng arbularyo kay Bembol. Pagkasabi nito ay ipinakita sa mag-ina ang isang maliit na tinik ng kawayan na nakuha daw niya sa batok ni Bembol.

Maya-maya’y nagpaalam na ang mag-ina kay Ka Unyo. Gumaan ang pakiramdam ni Aling Maria dahil siya’y sumasampalataya sa sinabi ng arbularyo. Umaasa siyang gagaling ang anak.

Bago umalis ay naghulog muna ng 500 pesos si Aling Maria sa donation box malapit sa lamesa ng sekretarya. May iniabot na business card kay Aling Maria ang babae na may cellphone number ni Ka Unyo kung sakaling magpapa-appointment.

Nagpasalamat ang ina at isinilid ito sa kanyang wallet. “19! 19!” sigaw ng sekretarya.  Tumayo ang isang inang may hawak na sanggol. Nasalubong ito ni Aling Maria sa makitid na espasyo. Nagpahid muna siya ng panyo sa binti ng isang rebulto bago sila lumabas ng pinto.

Nakararamdam na ng kaunting pag-igi si Bembol, ngunit di pa rin pinapatigil ng ina ang pag-inom ng gamot na inireseta ng doktor. Gusto niya kasing makasiguro at wala namang mawawala.

Makalipas ang tatlong araw ay medyo malakas na si Bembol at nawala na rin ang pangangati nito, ngunit namayat ito nang bahagya. Nagdesisyon si Aling Maria na magpunta muna sila sa kanyang kapatid sa Laguna upang magbakasyon sandali at mapanumbalik naman ang katawan ng anak.

Sinamantala na niya ang pagliban ng anak sa eskwela. Trangkaso na lang ang ilalagay niya sa excuse letter. Baka kasi hindi maniwala ang guro kapag sinabi niyang may naihiang duwende ang anak. Siguradong gaganahan kumain si Bembol doon at sariwa pa ang hangin. Umalis sila nang maaga sa bahay at nagtungo sa kapatid.

Nalibang si Bembol sa biyahe. Maganda ang mga tanawin. Natutuwa ito kapag nakakakita ng kalabaw sa palayan. Maya maya ay narating na nila ang bayan.

Kapansin-pansin ang isang tindahan ng pasalubong dahil maraming bumibili. Natakam si Aling Maria. Siguradong makakatikim siya ng masarap na buco pie sa kanilang pupuntahan. Tanaw na tanaw na nila ang Mt. Makiling. Malapit na sila dahil nagsulputan na ang mga resort na may hot spring.

Pagdating nila sa bahay ng kapatid ay nagihaw agad sila ng tilapia at nagluto ng sinigang na baboy. Mataba at sariwa ang tilapia. Tumatakas ang katas nito sa nakayakap na dahon ng saging.

“Mukhang ako ang tataba dito,” sabi ni Aling Maria nang makita ang taba ng baboy na lumulutang kasama ang mga bulaklak ng sampalok. Naamoy pa niya ang sinaing na may pandan. Sa labas ng bahay sila kakain.

Matapos maghugas ng kamay sa poso ay pumuwesto na sila. Umuusok ang kanin sa lamesang may dahon ng saging. Tuwang-tuwa si Aling Maria habang pinagmamasdan ang anak. Maganang kumain si Bembol kasabay ng kanyang mga pinsan. Nang matunawan ay kumain sila ng bagong pitas na lanzones at rambutan. Namimintog ang mga ito.

Dalawang araw lang ay nanumbalik na agad ang katawan ni Bembol. Sa bahay lang lagi kasi ang bata. Hindi ito pinayagan ni Aling Maria na maglaro sa likod bahay kung saan maraming puno. Nagkasya na lamang si Bembol sa paglalaro ng computer. Nagpasalamat si Aling Maria sa kapatid sa pag-asikaso sa kanila. Gabi na nang sila’y magpaalam para umuwi. Kumain pa kasi sila ng hapunan. Hindi kasi matanggihan ni Aling Maria ang laing at binagoongang baboy na luto ng kapatid.

“O magpataba ka ha. Mag-ingat kayo sa biyahe,” sabi ng tiyahin ni Bembol sa kanya habang iniaabot nito ang isang bote ng minatamis na macapuno.

Nakasakay agad ng bus ang mag-ina. Sa bandang gitna sila nakaupo. Malamig ang buga ng aircon kayat komportable ang mga pasahero. Ang iba pa nga ay tulog na. Sa tabi ng bintana nakaupo si Bembol at pilit na inaaninag ang bawat madaanan kahit madilim na ang paligid.

“Magaling talagang umarte si Nora Aunor,” ang sabi ni Aling Maria. Napalingon si Bembol sa ina at nakita itong nakatutok sa TV na nasa unahan ng bus. Lumapit ang konduktor.

“Dalawang Cubao” ang sabi ni Aling Maria. Maya-maya pa’y nakatulog na ito. Si Bembol naman ay nakaramdam na siya’y naiihi. Ginising niya ang kanyang ina.

“Naiihi ako,” ang sabi ni Bembol.

“Pigilin mo muna. Mamaya baka mayroong madaanan na puwede kang umihi,” ang sabi ng ina.

Pinigil sandali ni Bembol, ngunit hindi na niya makaya pa. Inutusan ni Aling Maria ang anak na puntahan ang driver at makiusap na itigil muna ang bus.

“Mag-iingat ka sa pag-ihi ha?” paalala ng ina. Tumigil ang bus sa isang lugar na may mapanglaw na ilaw. Bumaba si Bembol. Bumungad sa kanya ang isang barong-barong na sa tingin niya’y tindahan ng gasolina dahil may nakapaskil kung magkano ang isang bote. Tulog ang nagbabantay dito. Naghanap siya ng puwedeng maiihian.

Malamig ang hangin at tahimik ang paligid. Tanging makina ng bus lang ang kanyang naririnig. Dahil sa takot na makaihi ulit ng duwende, gumawi siya sa gilid ng barong-barong. Kumuha siya ng isang basyong bote at doon umihi. Halos mapuno niya ito. Di alam ni Bembol kung saan ilalagay ang bote na puno ng ihi. Ihinilera na lang niya ito sa mga boteng may lamang gasolina na nakapatong sa lamesa. Hindi  nalalayo ang kulay ng ihi ni Bembol sa mga katabing bote dahil siguro sa mga ininom na gamot at vitamins.

Umakyat na ng bus si Bembol at naupo muli sa tabi ng bintana habang tinatanaw papalayo ang barong-barong. Laking ginhawa ang naramdaman niya hanggang sa makatulog na rin siya.

Samantala… may tumabing sasakyan sa kalsada. Bumaba ang driver nito at ginising ang isang natutulog na lalaki.

“Ano yon?” tanong ng taong bagong gising at pupungas-pungas.

“Pagbilan ng gasolina, isang bote,” ang sagot ng driver at umihi ito sa bakanteng lote.

bo 2014

About bo gonzales