BATO-BATO SA LANGIT, ANG ELEPANTE MAGAGALIT!

Minsan mas madaling mag-describe ng isang tao sa paraang nakakatawa para sa atin. Naalala natin sila sa mga descriptions na nakaka-agaw ng pansin sa atin kaagad. For example, babaeng malaki ang balakang, lalaking kalbo, Ale na mataba, Mamang bungal, etc. Lalo na pag di natin alam ang pangalan nya o kaya ay nakalimutan natin ang pangalan ng taong tinutukoy. May pagkakataon din na kahit alam natin ang pangalan nung tao ay dinudugtungan pa rin natin ng adjective na bagay sa kanya para malaman natin ang kaibahan kumpara dun sa iba, gaya nito : Si Neneng na payat, si Totoy tigyawat, Baby Lasengga, etc. Lahat ng ito, for sure, guilty tayo sa paggamit kasi malamang mas madali para sa atin na mai-express ang ating opinyon o maikuwento ang ating kuwento kapag gumagamit tayo ng mga ganitong uri ng deskripsyon.

Naalala ko pa nung nasa high school pa lang kami nung matalik kong kaibigan, madalas, kapag mga crushes o manliligaw ang pinag-uusapan namin, di kami gumagamit ng tunay na pangalan nila. Lagi kaming merong code name na pinagkakasunduan at pagkatapos, alam na namin kung sino ang aming tinutukoy na kami lamang dalawa ang nagkakaintindihan. Kadalasan, mga kapintasan o katangian nung tao ang aming ginagamit na pangalan nila. Halimbawa, Putla, kasi sobrang puti; Cartoon, kasi mukha syang caricature; Nightmare, sa sobrang itim, ; at marami pang iba. Sa lahat ng iyan, kami lang ng kaibigan ko ang nakakaalam kung sinu-sino sila.

May isa akong kaibigan na nagkuwento sa akin ng isang pangyayari na hindi ko masiguro kung totoo nga na nangyari o imbento lamang. Basta naikuwento lang ito sa akin. Ang sabi niya, sa dahil daw sa pangyayaring ito, malaki ang aral na natutunan ng kaibigan nya.

Punung-puno ang autobus daw nun, rush hour at Lunes pa, as usual, iyong partikular na bus na iyon eh maraming Pinoy ang nakasakay patungo ng trabaho. Dahil nga, sa puno na, marami na ang nakatayo at wala nang maupuan. Halo-halong lahi ang nakasakay, May puti (Español), South Americans, Pakistanis, at mga Pinoy nga. Nakakainis na nga raw ang driver kasi puno na nga eh hinto pa ng hinto sa mga bus stops at pasakay pa ng pasakay ng mga tao. Hanggang sa huminto ang bus sa isang stop nya at pinasakay ang isang matabang-matabang lalaki. Sobra daw talaga ang taba na kaya´t nung sumakay ito ng bus ay halos maipit sila at di makahinga! Matangkad ito, at sa itsura pa lang ay isang puti (Español). Sa asar ng kaibigan nung kaibigan ko, sabi nya “Ano ba naman ang lalaking ito, parang elepante sa taba!” (sa wikang tagalog). Malakas ang loob nya na sabihin iyon dahil alam nya na hindi naman sya maiintindihan nung lalaki kahit na marining pa siya nito. Matapos ang dalawang parada ng bus, bababa pala iyong “elepante”. At para makababa sya, kinakailangan uli niyang siksikin iyong ibang mga pasahero. Laking gulat nung kaibigan nang kaibigan ko nang magsalita ang lalaki na nakatingin sa kanya, ” Makikiraan po….dadaan ang ELEPANTE!” Kung pupuwede lang daw sana na matunaw siya nang mga sandaling iyon sa hiya!

Naisusulat ko ang mga bagay na ito dahil naisip ko, maraming beses, ang mga bagay na nakakatawa pala para sa atin ay nakaka-insulto pala sa kapwa natin. May mga bansag tayong ginagawa na kapag nakarating sa kaalaman ng mga kinauukulan ay masakit sa kanilang damdamin. Maari nga na totoo naman ang ating sinasabi. Pero kailangan pa ba itong ipangalandakan o isampal sa mukha nung taong tinutukoy? Kung para sa atin ay katuwaan lang o paraan ng pagbibiro, sa kanila ay paninirang puri. Maaring isang kataga o salita lamang para sa atin iyon, pero para sa taong tinutukoy, kabuuhan niya ang sinisira natin. Isang uri ito ng pamimintas at panlalait sa kapwa. Paano kaya kung gawin rin ito sa iyo? Ano ang mararamdaman mo? Bato-bato sa langit, ang tamaan wag magagalit!

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.