Bata! Ito ang mga Karapatan Mo

Children’s rights (Photo Credit: ghananewsagency)
Children’s rights (Photo Credit: ghananewsagency)

Kung may sampung utos ng Diyos na dapat sundin ng sangkatauhan, ikaw bilang magulang, dapat mong sundin at ibigay sa iyong mga anak ang kanilang karapatan bilang bata. Ang pagiging magulang ay hindi basta-basta. Ito ay napakalaking responsibilad sa Diyos, sa lipunan at sa iyong  mga supling.

Children’s rights	 (Photo Credit: ghananewsagency)
Children’s rights (Photo Credit: ghananewsagency)

Paki-check lang po kung nasusunod ninyo ang mga karapatan ng bawat bata. Baka isa ka sa nakalilimot o ngayon mo lang ito nalaman???

1. Karapatang maisilang at mabigyan ng pangalan. (Right to be born and be given a name). Hoy, ineng at takeng nabasa niyo, ‘to? Pag-isipan ang isang bagay bago gawin ha? Hindi ‘yong ‘pag nabuo ay ‘hindi pa ready’ ang isasagot. Kawawang bata sa sinapupunan ang magsasakripisyo. At ikaw naman ina na nagluwal sa iyong anak, pakirehistro po ng anak niyo sa civil registrar sa inyong munisipyo. Hindi iyong grade one na, wala pa ring Birth Certificate. Saka lang kukuha kapag kinukuha ni titser kasi ‘di tatangapin sa paaralan. Isa pa, saka pabibinyagan ang anak sabay-sabay. 4 in 1, parang kape? Siyam na anyos na si panganay, pito si pangalawa, lima si pangatlo at dalwa si bunso, nagalit tuloy si Padre Damaso.

2.Karapatang maging malakas at malusog. (Right to be strong and healthy). Hindi dahilan ang pagiging mahirap o kawalan ng regular na trabaho kaya ‘di makakain ng masustanyang pagkain si anak. Iyan lagi ang daing sa akin ng mga nanay sa field. Haller ‘nay kahit sa lata o butas na timba, o lumang gulong puwede kang magtanim ng mga gulay. Wala ka mang lupa na taniman o may malawak kang bakuran, magtanim lang po at marami na kayong maaaning gulay at prutas. Marami pong bitamina at protina na nasa gulay at prutas, ‘di man tayo madalas makakain ng karne o isda.

www.backyardgardener.com

www.gardening-tips-idea.com/backyard-garde…

3. Karapatan mong mabigyan ng maayos na tahanan. (Right to an abode). Sabi nga po, “aanhin niyo ang bahay na bungalow, kung ang nakatira dito ay kuwago. Buti pa ang isang kubo na nakatira ay tao“. Ibigay po natin sa mga bata ang may pagmamahal, makatao at responsableng pag-aaruga. Iyong tinatawag nilang kapuso, kapamilya at kapatid na pagmamahal upang masabi nila na sila ay nasa kanilang maayos na tahanan.

4.Karapatang tumira sa isang malinis, maayos at ligtas na kapaligiran. (Right to live in a clean, peaceful, and safe environment). Malinis kahit barong-barong ang inyong bahay basta malinis, daig nyo pa ang nasa palasyo. Sabi nga sa kanta ng Eraserheads na TOYANG:

Bahay namin maliit lamang
Pero pero pero malinis ‘to pati sa kusina
Kumain man kami laging sama-sama”

‘Wag naman ‘nay, ‘tay iyong nasanay na tayong m’yembro ng ating pamilya si ipis, si langaw, si daga na para bang komportable na silang palakad-lakad sa ating bahay at tipong kalaro na ng iyong mga anak. Saka si lamok, uso pa naman ngayon ang dengue. Kaya kung may kalinisan at kaayusan ang kapaligiran, siguradong ligtas ang ating kabataan.

5.Karapatang makapag-aral. (Right to education). Natutuwa ako sa aming Gobernadora, at nagkaroon siya ng programa upang maging maayos ang edukasyon sa aming lalawigan. Isa sa programa niya ang OB Montessori approach sa mga Daycare Center na naka-focus sa mga batang nagmula sa mahihirap na pamilya. Makakapag-aral na sila na may kalidad na edukasyon at ‘di ganoon kataas ang tuition fee tulad sa ibang private Montessori..  Salamat po.

6.Karapatang maglibang. (Right to play). Kaya mga magulang, baka masyadong nalilimutan na ito. Naalala ko ang isa kong kaibigan, proud na proud siya sa kanyang anak at achiever sa klase nila. Kaya naman pala. Pagkatapos ng klase, tuloy sa tutorial center. Pagdating sa bahay, pagod na pagod na ang bata. Tulog agad tapos gigising ng maaga para pumasok ulit. Ganito na lang ang routine ng buhay niya, at ‘pag weekend ay tutorial pa rin –  voice lesson. ‘Di naman talaga kagandahan ang boses, frusrated singer lang ang ina kaya gustong maging singer ang anak. hay, buti nakinig sa payo ko.

7.Karapatang malinang ang angking talino. (Right to enhance talents and interests). Note: siguraduhing aking talino ng bata at ‘di angking kagustuhan ng magulang. LOLHindi ko na po hahabaan ang explanation.

8.Karapatang magkaroon ng pamilyang mag-aaruga. (Right to have a caring family). Bawat bata ay may karapatang magkaroon ng pamilya na mag-aaruga sa kanya – pamilyang magmamahal, mag-aalaga at gagabayan siya sa kanyang paglalakbay patungo sa kanyang mga pangarap at hindi pamilyang magiging sanhi upang ‘di nya maabot ang mga iyon.

9.Karapatang matuto ng mabuting ugali at magandang-asal. (Right to learn proper and good behavior). Kapamilya, napaka-importante na ito ay inyong malaman. Ang kabutihang asal at ugali ng isang bata ay unang natutunan sa kanyang kinagisnang pamilya. Kaya kung ano ang kanyang bukang bibig at gawi, ito’y reflection kung anong klaseng pamilya mayroon siya. Kabutihang asal at gawi po ang kanyang karapatang matutunan. Kung ito ay ‘di niyo naituro sa kanya, nalabag niyo na po ang isang karapatan ng batang si Juan.

10. Karapatang ipagtanggol at matulungan ng pamahalaan. (Right to be supported by the government). Mmm… isang banat lang sa ating Gobyerno: Huwag ibuhos lahat ng panahon at budget sa hearing ni Corona at Arroyo. Nasira na nila ang  kinabukasan ng ibang mga bata at kabataan na umaasa sa kanilang pamumuno.Bigyan niyo naman ng atensyon at panahon ang mga kabataan at batang nasa paligid niyo na tumatanaw na magkaroon pa sila ng pag-asa at magandang kinabukasan. Maging mulat ang mata ng mga tao sa gobyerno.

Bawat isa sa atin ay responsable sa mga karapatan ng mga bata, Kapamilya, kapitbahay, kaibigan, kabarkada,kasangga o kakwentuhan ka man, dapat ikaw ay may kamalayan sa iyong kapaligirang ginagalawan dahil sa bawat sulok nito ay may batang nakatingin at  ang nakikinig sayo.

author: Angela

p.e./kf

Enhanced by Zemanta

About Angela

isang babae na may positibong pananaw sa buhay, mapagmahal sa asawa't anak, madaling umiyak at madali ring mapatawa. May misyong gumawa ng mabuti sa bawat araw sa kapwa kahit sa maliit na pamamaraan man o malaking bagay... Isang ngiti mo lang may pinasaya ka na nakapaligid syo... Masarap mabuhay ng may pagmamahal!