Baso Beso

(Photo Credit: memwah.owrdpress)
(Photo Credit:  memwah.owrdpress)
(Photo Credit: memwah.owrdpress)

“Sinong may gawa sa ’yo niyan?!” galit na tanong ng nanay ko pagdating na pagdating ko sa bahay habang hawak-hawak niya ang mataba kong pisngi.

Oo, aaminin ko. Medyo kumikirot, pero talagang hindi ko masyadong ininda yung sakit dahil may dahilan ako. Una, palagay ko ako ang may kasalanan. Pangalawa, baso naman kasi ‘yon ni Daryl.

Grade 2. Field Demonstration namin sa paaralan kong semi-private. Lahat ng kaklase ko ay nasa ibaba nang bahagya sa middle class. Nakaaangat ako ng isang sampa dahil hinahatid at sinusundo ako noon, pero hindi kami mayaman.

“Sige, class, tomorrow magdala kayo ng mga baso para sa ating field demonstration. Sasayaw kayo ng pandanggo sa ilaw,’ sigaw ng mataba kong Grade 2 adviser sa amin na palaging jinajabar ang kilikili.

Pag-uwing-pag-uwi ko sa bahay ay naghanap kaagad ako ng baso na puwedeng magamit para sa unang praktis namin na mangyayari sa susunod na araw. Hinalughog ko ang lahat ng babasaging baso namin sa kusina. Gusto ko kasing gayahin yung dinala nung isa kong kaklase na sinampol ng titser ko. Maliit na baso na madali lang hawakan at lagyan ng kandila.  Binuksan ko ang luma naming ref at nakita ko ang isang maliit na baso na mayroong lamang peanut butter.

“Ayos. Puwede ito!” Tinanggal ko ang malagkit na palaman namin sa tinapay at inilipat ko sa isang parihabang Tupperware. Hinugasan ko yung baso at handang-handa na ako sa praktis.

‘Nong sumunod na araw, ipinalabas na ni Bb. Peras ang mga baso.  Sobra kong excited dahil alam kong nilinis at ni-ready ko ang lahat. Nang pinakuha sa ’min yung baso, parang pakiramdam ko, sumabog ulit yung Plaza Miranda dahil WALA SA BAG KO!

Binuksan ko lahat ng zipper at mga butas ng kulay itim kong Jollibee na bag. Binali-baligtad ko, pero hindi ko talaga makita. Naisip ko na lang na naipatong ko ‘yon sa mesa, pero hindi ko nailagay sa bag.

Lumingon ako sa likod. Hawak-hawak na ng mga kaklase ko ‘yung mga baso nila. Naghahanap ako ng karamay. Sinubukan kong tingnan yung pinakapasaway sa klase namin. Si Guiller; kung may dala siya. Pero, mayroon din. Natahimik ako.

Tatanggapin kong pagagalitan ako ni Ma’am Jabar.

Makalipas ang ilang minuto, biglang may lalake sa labas ng klasrum namin na may bitbit na malaking bag. Na-interrupt ‘yung magiging praktis dahil magbebenta daw ng encyclopedia si Manong. Lumabas muna ang adviser namin at hinayaang i-sales talk kami ng aming bisita.

Okay. Kailangan kong makahanap ng baso bago bumalik si Mam.

Habang nagsasalita yung encyclopedia man na kamukha ni Palito, napansin kong nagdadaldalan ‘yung mga kaklase ko at pati ang katabi ko. Si Daryl. Ako lang ang walang kausap. Napansin kong dalawa ‘yung baso niya. Yung isa, yung gagamitin niya sa pandanggo at ‘yung isa naman ay baso niya para sa tanghalian araw-araw. Habang nakatalikod siya, kinuha ko nang dahan-dahan ‘yung maliit na baso. Pero dahil wala akong masyasdong career sa pagnanakaw, napansin niya kaagad.

“Hoy! Bakit mo kinukuha yung baso ko!” galit na tanong  ni Daryl.

“Hinihiram lang naman a!” paliwanag ko habang hawak ang baso gamit ang dalawang kamay.

Pero dali-daling inagaw kaagad nito ang hawak kong babasaging bagay. Nilabanan ko at hinawakan ko rin nang mahigpit. Nag-agawan kami sa baso.

Hila sa kanan. Hila sa kaliwa. Pareho na kaming galit.

Hinila ko papunta sa akin ang baso gamit ang puwersang nakikipaghilahan ako sa tug of war. Sa gulat ko,bigla niyang binitawan at dumeretso ang baso sa buto ko sa kanang pisngi. Napayuko ako sa sakit at nabasag ang basong hawak ko.

Hindi naman ito nakaagaw ng pansin dahil sa ingay ng klase, pero talagang masakit. Tiningnan ni Daryl ‘yung baso at nagalit sa ’kin.

“Kasi naman e, hindi nagdala ng sariling baso! Susumbong kita kay Mam” sabay lingon sa isa naming kaklase at nakipagkuwentuhan na animo’y walang nangyari.

Nakatitig lang ako sa baso habang  hawak-hawak ng isang kamay ang mukha kong parang sinapak.

“Sino’ng may gawa niyan?! Sino sabi?!” sigaw ng nanay ko.

“Si Daryl po,” pabulong kong sagot.

Hindi ko na alam kung ano ang nangyari, pero noong sumunod na araw, napansin kong nangitim ang pisngi ko pagkagising ko. Balewala lang sa ’kin kasi ako ang may kasalanan. Pero ang masaklap hindi alam ng nanay ko ang buong kuwento.

Madalas akong ihatid ng nanay ko sa mismong klasrum ko araw-araw at noong oras na iyon, isang tipikal na umaga lang para sa ’kin.  Ngunit nagtaka ako kasi hindi pa rin umaalis ang nanay ko. Nagsidatingan na ang mga kaklase ko’t lahat pero nandoon pa rin siya.

“Ma, hindi ka pa aalis? Magsisimula na kami sa klase,” tanong ko sa kanya.

“Nasaan ‘yung kaklase mong nanakit sa ’yo?”

“Ha?! Ma, wala na yon. Wag mo siyang awayin, please!” nagmamakaawa kong hiling sa kanya.

Paglingat ko, nawala na lang  ang nanay ko at natanaw ko sa malayo ang kaklase kong si Daryl. May bitbit na payong at kumakanta-kanta pa.

Hinanap ko yung nanay ko, pero hindi ko na siya makita.

Paparating na rin si Daryl.

Pagtingin ko sa kaliwa, nandoon yung nanay ko at kausap si Bb. Peras. Tinatanong kung sino si Daryl.

Matapos ang ilang minuto, hindi ko na alam ang nangyari, pero naabutan kong umiiyak na ang kaawa-awa kong kaklase habang pinagagalitan ng nanay ko. Kung anong ngiti nito papasok, gayon namang kabaligtaran nang nakita ko hindi pa man din nagsisimula ang klase. Hiyang-hiya ako dahil hindi ko naipaliwanag sa nanay ko na ako ang may kasalanan. Wala rin akong narinig na paliwanag sa adviser ko at kay Daryl dahil hindi naman nila alam ang lahat. Si Daryl, natakot na rin siguro.

Bumilib ako sa nanay ko kasi nakita kong Grade 2  pa lang ako, kahit hindi niya alam ang nangyari alam kong handa siyang pumatay para sa ’kin. Pero ang masama lang nito, ako ang dapat pinagalitan at hindi siya.

Naawa ako sa kaklase kong iyon kasi sumunod lang siya sa hinihingi ng guro na magdala ng baso. Mahusay nga lang siya kasi nilagay niya sa bag, ako hindi.

Mabait siya dahil hindi niya ako sinaktan kahit na nabasag ko ‘yung baso niya.

Sising-sisi ako pag-uwi sa bahay kasama ang balot ng hiya at panliliit. Mula noon, palagi ko nang sisiguraduhing nasa bag ko na ang mga materials na hinihingi sa ’min sa klase.

Nga pala, nalimutan ko sabihin kung ano ang buong pangalan ni Daryl.

Daryl Criselda Anne Cruz.

Oo, babae siya.

Sorry ulit, ah?

About Jared Richard Uy

Full-Time Teacher. 66% Humanist. Cultural LDS. INFP. http://maligaligako.wordpress.com