BALIKBAYAN BOX (Paskong Pilipino: Sa Puso ng Mandaragat)

Ilang araw na lang………… Pasko na!

 

Kay bilis ng panahon, natapos na naman ang 365 days na paghihintay sa pagsilang ng Anak ng Tao. Nariyan na naman ang mga tradisyunal na Simbang gabi, monito monita, parol, belen, Santa Claus, caroling, noche buena, Christmas bazaar, parties, panuluyan, mga ninong at ninang, hamon, bibingka’t puto-bumbong. Puno na naman ang mga pasyalan, malls at kay sarap ding abangan ang mga pelikulang kalahok sa taunang Metro Manila Film Festival.  Sa loob na siyam na madaling araw, nagsasama-sama ang mga pamilya patungong simbahan upang dumalo sa banal na pagtitipon. Samahan pa ng mainit na pandesal sa umaga habang naglalakad sa kanya-kanyang tahanan. Kaabang-abang talaga ang paskong pinoy na tumatagal ng labing-dalawang araw mula Misa de Gallo hanggang sa Three Kings. Ganyan ang Paskong pinoy, na tanging tayo lamang ang pinagkalooban.

 

Nakakatuwang isipin na kahit  naghihirap ang ilan nating kababayan ay pilit pa rin na  iniraraos ang tipan ng may galak at ngiti – dahil may pag-asa. Gagawa at gagawa ng paraan si Juan para maipadama nila ang Paskong masaya, na kahit na lugmok sa lusak ang ilan, ay tanging Pasko lamang ang nagpapangiti sa kanila. Mayroon namang tahanang masaya dahil sa kakayanan nilang magkaroon ng Pasko araw-araw. Napakasarap ng pakiramdam ng buhay kapag Pasko’y dumaraan.

 

Paskong Pilipino. Paskong Balikbayan Box.

 

May iilan naman sa ating mga kababayan ang mag-Papaskong nangungulila. Pangungulila sa mga kapamilyang malayo sa tahanan. Kwentong OFW. Mahirap ang pasko ng mga mandaragat. Malayo sa pamilya at malayo sa kinagisnan. May mga Pilipino sa ibang bansa na tanging simba at salu-salo lamang ang ginagawa na malayung-malayo sa totoong tradisyon. Mabuti na lamang at buhay ang mga tradisyong Pilipino sa ilang panig ng mundo. Pero meron din namang nasyon na hindi kinikilala ang Kristiyanismo kaya nahihirapan ang ilan nating kababayan na ipagdiwang ito.

 

Minsan, tanging balikbayan box na lamang ang niyayakap ng mga nasa Pilipinas. Mga pasalubong ng mahal sa buhay na mula sa pawis, dugo at luhang pinuhunan para mapuno ang kahon ng tagumpay. Chocolates, mga panghanda, gamit sa bahay, damit, mga pabango at kung anu-ano pang laman na magbibigay ngiti sa bawat pamilya. Pero sa likod ng sayang naidudulot ng balikbayan box ay pagkalungkot at pagkasabik na sana sa Pasko ay makapiling kang muli.

 

“Hi.. hello… kumusta na kayo sa Pinas? Natanggap nyo  ba ang aking padala… kayo na ang bahala diyan… Maligayang Pasko.. mahal na mahal ko kayo….” Ang mga katagang pilit na binabanggit ng puso ng bawat mandaragat. Na tanging litrato, tawag at mga e-mail na lang ang makakapagpasaya sa kanilang pasko. Mahirap ang pasko ng mga Pinoy overseas. Malungkot ngunit napapalitan ng kasayahan sa pamamagitan ng pagsasama-sama ng mga mag-kababayan. Masakit isipin na sa bawat ngiti na naibibiagy nito sa mga nasa Pilipinas ay ang pananabik na sila ay makapiling sa espesyal na araw na ito. Tanging masasayang ala-ala na lamang ng nagdaang Pasko ang iisipin ng mandaragat. Aaalalahanin ang araw na sama-samang noche Buena, panunuod ng sine, pamamasyal sa parke at pagbisita sa mga ninong at ninang kasama ang mga chikiting.

 

 

Darating din ang panahon na sa halip na Balikbayan box¸ ang mandaragat na mismo ang darating sa ‘Pinas na may  panonorpresa – dahil kailanman ay walang hihigit sa Paskong Pilipino kasama ang pamilya. Nawa ang mga mandaragat na ito ay mas maging matatag sa tuwing sasapit ang araw na ito. Ang paskong ito ang siyang buhay ng lahat. Na ang tanging dasal ng mandaragat ngayon ay  nawa’y gabayan ng Panginoon ang lahat ng kanilang mga mahal sa buhay. Gayundin ang dalangin ng mga pamilya ng mandaragat na sana ay patnubayan ng Ama ang kanilang mga mahal sa buhay na nakikibaka sa iba’t ibang panig ng daigdig.

 

 

Sa mga mandaragat na kagaya ko, Maligayang Pasko sa ating lahat. Nawa ang pagdiriwang ng araw na ito ay maging kaaya-aya at kalugod-lugod sa paningin ng Panginoon.

 

 

Sa mga pamilyang iniwanan namin, darating ang panahon… Magkakasama-sama muli tayo. Tiis lang.. para sa inyo ang laban ng bawat OFW!!!!

 

MERRY CHRISTMAS SA LAHAT!!!!

 

Nagmamahal,

Andrew Faye Semilla

Enhanced by Zemanta

3 Comments

  1. Hindi man ako mandaragat pero alam ko din naman ang pakiramdam ng mag-Pasko ng malayo sa Pilipinas at sa mga mahal natin sa buhay. Kaya sa lahat ng mga OFW’s, saludo ako sa lahat ng mga sakrispisyo natin. Mabuhay!

Leave a Reply

Your email address will not be published.