Balik Tanaw Sa Discohan O Sayawan Sa 90’s ( Naalala Mo Pa Ba Ito, OFW?)

Disco Fever (Photo Credit: guardian.co.uk)
Disco Fever (Photo Credit: guardian.co.uk)
Disco Fever (Photo Credit: guardian.co.uk)
Sa lakas ng musika sa munti kong silid, ako ay napaindayog sabay sa tugtog. Sa bawat galaw ng aking katawan? Katawan na parang kawayan! Di man kumurba ang baywang, basta sasabay na lang ako sa ritmo ng musika sa kanta ni Cristina Aguillera.

Pawis ay nagsipatakan nang tumugtog ang WAKA-WAKA ni Shakira at ang POKER FACE ni Lady Gaga!  ‘Di yata nadala ang katawan ko sa sobrang pagod sa maghapong bakbakan sa kusina, sala at kubeta sa bahay ni Amo.   Bida talaga si Inday sa solong stage na isang pulgada sa sariling kwarto  bilang BISKARA o KADAMA.

Sa isang busina ng sasakyan? Buti na lang narinig ko ang huling TOOOOTTT! Agad na kumaripas ng takbo na may pa CHA-CHA pang nalalaman, diretso sa parking lot at dininig ang utos ni Amo!  Kunin ang kanyang mga stuff, ipasok sa loob at isarado ang door! Kaya, diretso dampot sabay sarado at pasok sa munti kong palasyo: ang aking kuwarto!

Malalim na buntong-hininga ay aking pinakawalan, at napangiting mag-isa! Wow, ilang taon na ba ang nagdaan nang hindi ko na naranasan ang sayawan sa sakahan sa baryo namin?

Iyong discohan na ang mga ilaw ay pula at green lang na bombilya, at ang malaking bilog na bubble bulb na talaga namang lagi ako sa gitna, para tapakan ang mga bilog na bola.

Sino ba ang makalilimot sa  simpleng bukid na discohan o sayawan na iyan?  Ilaw namin dati ay “PITROMAK”; sa bisaya yan ha.  Sa tagalog ay hindi ko alam, kaya pasensya na kung iyan ang salitang nagamit ko.

Sa mga tugtog ng mga kanta ni April Boy Regino at ang kay Celion Dion na “My Heart Will Go On,” aba, naman parang Rose and Jack naman ang eksena ng mga nagmamahalan.  Idagdag pa ang “Kasalanan Bang Mahalin Ang Kapitbahay, este Lubusan” pala! Ang kantang “Sana Dalawa Ang Puso Ko”, at ” Mula Sa Puso” naku, naman! Bayad lang si Dodong ng dos pesos o ‘di kaya’y singko pesos sa SPECIAL REQUEST BY…Parang namili ng mga isda sa palengke ang mga bubuyog.

Samantala, kabado naman ang mga bulaklak na mga dilag dahil ang kumuha sa kanya ay ang CRUSH niya! (kung palarin nga naman). Kaso, ang iba? Ayun, nakasimangot dahil hindi nabenta sa Special Dance na Request Ni Dodong! (Naranasan ko ito) kunyari palingon-lingon na lang sa likuran o may makati, dahil nahiya pala na naiwan sa upuan… hehehe!

Sa gitna ng sayawan  sa singko pesos na bayad? Ang saya ni Pare na nakahawak sa baywang ni Mare nang ‘di oras.  Kamay na nanginig at linyang:

“Ano ang pangalan mo? Taga-saan ka? P’wede ba akong sumabay mamaya? Aakyat ako ng ligaw sa inyo ha?”

Express yan! Bilisan ang tanungan at ligawan, dahil pagkatapos ng isang kanta? Ay ibang batch naman ng mga binata o may asawa (pag ‘di kasama si misis ha). Ang pinakamaganda ay kung dance for all ang entrada na dahil aarangkada ang CHA-CHA, BOOGIE, at ROCK AND ROLL na mga ma-action, sa maalikabok na sakahan o minsan sa gitna pa ng kalsada! Sa gamit na pamada o gel, minsan snowbear ang tirada para sa malamig at fresh na bunganga pag binigkas ang “I LOVE YOU” sa sweet music daw kuno! Kaya, minsan sa tatlong sayaw ay may lovers in sayawan ang palayaw.

Sa paglipas ng panahon, nag-iba ang bihis ng mundo.  Ang dating simpleng kasiyahan ng kabataan noon ay hindi ko na nakikita o nararanasan ngayon. Isang alaala na lang at kahit dito ako sa Gitnang Silangan,  minsan ako’y napapatawang mag-isa tuwing naalaala ko ang mga karanasan na iyan. Ang unang sayaw ko na nakabulaklaking palda at long sleeves na checkered pa yan ha! At mukha na kay puti dahil halos ibuhos ang pulbo, at ang unang ligawan na naranasan ko sa sayawan na puro MAHAL KITA ang linya! sus me naman!

Ngayon, isang paggunita na lang dahil hindi na maibabalik ang lumipas na mga panahon. At sa pamamagitan ng artikulong ito, sana, sa darating na panahon ay mabasa ito ng mga apo ko o ng mga susunod na henerasyon. Baka ang maging linya nila ay:

“Ito pala, ganito pala dati sina Lola at Lola sa kanilang kapanahunan!  Sa isang masayang sayawan siya niligawan ni Lolo Marlon Revilla.”

Isang pagbabalik-tanaw lang ito, kabayan; baka pag mabasa mo ay muli mo ring maalaala kung may karanasan ka na ganito sa iyong kabataan.

Malamang… mapapangiti ka rin, ‘di ba?  ^_^

About jovelyn

Im not a good writer but i love to 🙂 Masaya din, Malungkot din (Karanasan ng OFW) this is my first book under my name as a writer and Sindi Ng Lampara OFW stories book with Raquel D. Padilla and DFBI writers, columnist in Pilipino Star Ngayon Middle East [email protected] Super kulit at kalog..proud bisdak at tamad na masipag na yaya:)