Balik-Tanaw: Anong Classic Kung-Fu Movie ang Paborito Mo at Bakit?

Kahit na tumatanda na ako sa pagtatrabaho dito sa China ay hindi pa rin nawawala sa aking isipan ang paniniwalang ang lahat ng mga Intsik ay marunong mag-Kung-Fu . Akala ko noon ay makakakita ako dito ng mga duwelong katulad ng napapanood sa “Crouching Tiger, Hidden Dragon” kapag may nag-aaway. Wala naman palang ganun.

Naaalala ko tuloy ‘yung interpreter naming tsekwa sa dati kong pinapasukan na nagkuwento sa akin ng kanyang makulit na karanasan sa isang makulit na Pinoy na tulad ko.

“‘Di ba Intsik ka?”

“Oo, bakit?”

“Eh ‘di marunong ka ng kung-fu?”

“‘Di ba Pinoy ka?”

“Oo, bakit?”

“Eh ‘di marunong kang mag-tinikling?”

Hindi pala ako nag-iisa.

Malaki ang naging epekto ng Channel 13 sa paniniwala kong ito dahil ang mga pelikula nilang classic kung-fu na ipinapalabas tuwing hapon ay ang nagmulat sa akin sa Chinese martial arts. Kahit na madalas itong replay (dahil siguro ay palugi na ang istasyon noon o talagang konti lang ang kanilang budget) ay madalas ko pa rin itong pinapanood kasama ang mga utol at mga pinsan ko. Gusto rin kasi naming matutunan ang malulufet nilang galaw kapag nakikipaglaban.

Sabi ng mga eksperto, malayo sa kuwento sa mga pelikula ang tunay na kung-fu pero kahit na ano ang mangyari, ang mga napanood ko noon ang tunay na tumatak sa aking isipan.

Hindi ko alam kung sinu-sinong kumpanya ang mga producers ng mga pelikulang ipinapalabas pero ang pinakapaborito ko ay ang Golden Harvest. Kapag nakita na namin ang pamosong intro ng kanilang logo (click mo ang link na ito sa YT para makita mo ang tinutukoy ko) na may “A Golden Harvest Presentation“, natutuwa na kaming magpipinsan dahil siguradong maraming malulufet na fight scenes ang palabas na aming mapapanood.

Ano ba ang mga typical na makikita sa isang classic kung-fu films?

DUBBING. Ang mga orihinal na mga palabas ay nasa wikang Mandarin at ito ay isinasalin sa wikang Ingles para maintindihan ng ibang lahi tulad natin. Ang siste nga lang, hindi magaling ang pagkaka-dub. Kung papansinin mo ito, may mga pagkakataong mahaba ang maririnig mong linyang binitiwan pero makikita mong hindi na gumagalaw ang bibig ng karakter na nagsalita. Mayroon namang eksena na sobrang igsi ang narinig mo pero patuloy pa rin sa paggalaw ang bunganga ng nagsalita. Isa pang mapupuna mo sa dubbing ay ang nakakaantok na boses ng mga nagsasaling-wika na saktong sakto sa siesta sa hapon. Wala rin sa tamang accent kaya alam na alam mong hindi sila umarkila ng mga puti para mag-dub. At higit sa lahat, parang isang grupo lang ang nag-dub sa lahat ng napanood kong pelikula sa Channel 13. Ganun pa man, isa itong trademark ng ganitong klase ng palabas.

PLOT. Simple lang ang istorya ng bawat pelikula, parang ‘yung mga teleseryes lang nanapapanood natin sa teevee. May isang inaapi na balang araw ay maghihiganti. May isang apprentice na pinatay ang kanyang “master” kaya hahanapin niya ang salarin at maghihiganti. May isang totoy na naulila dahil pinaslang ang magulang kaya sa paglaki ay hindi susukong makita ang may kagagawan upang maghiganti. Taena, sa pagkakaalam ko, hindi ginagamit ang martial arts sa paghihiganti kundi sa self defense lang. Ah basta, panalo pa rin sa akin ang mga kuwentong ganito kaysa naman ang mga kuwentong may kambal na pinaghiwalay ng magulang tapos malalaman nilang magkapatid pala sila sa huli.

TRAINING NG BIDA. Sa bawat kung-fu film, hindi puwedeng mawala ang “master” na magtuturo sa apprentice. Ang paborito kong karakter ay si Beggar So – siya ‘yung matandang kasama ni Jackie Chan sa all-time peyborits kong “Drunken Master” at “Snake in the Eagle’s Shadow”. Walastik sa hirap ang pinagdadaanan upang matutunan ang mga fighting techiques kaya wala sa kalingkingan ang “wax on, wax off” ni Karate Kid dito. Kasama sa pagsasanay ang pag-push-up na may nakasakay sa likod, ang pag-igib ng tubig na papasanin ang mga malalaking banga, at kung anu-ano pang mabibigat na pamamaraan na tunay mong mararamdaman habang pinapanood. Ang hindi ko makakalimutan ay ‘yung isang pagsasanay na kailangan mong magsulat sa papel gamit ang isang lapis na may nakataling lubid na sa dulo ay may pabigat na batong kasing-laki ng bass drum…

CLICK HERE TO CONTINUE READING “MAS GUSTO KO ANG MGA CLASSIC KUNG-FU FILMS

 

JAYSON BUBAY QUITIQUIT is a 33-year old civil engineer currently working in Chaozhou, China. He is a frustrated blogger and former guitarist of an unknown band called Demo From Mars. He maintains several blogs namely NoBenta, Noong Ako ay Bata Pa…, Paul & Xander, and Frontispiece 2.0.