“Bakit pa kami isinilang?”

Alas tres ng hapon…kainitan ng araw. May mga natutulog sa tabi ng kalye na tila hindi alintana ang napakatinding sinag ng nagngangalit na araw.

Halos maligo na sa pawis ang mga naglalakad na tao sa lansangan kahit nakapayong at nagpapaypay ng kanilang sarili.

Paano nakatutulog ang mga batang iyun sa napakainit na semento? Ni walang karton man lang na bahagyang sasalag sa nakapapasong sahig.

“Hindi na yata humihinga ang isang iyon…” ang sabi ng isang babae sa kanyang kasama. Nag-aabang sila ng masasakyang jeep o bus patungong Baclaran.

“Humihinga po, Ate. Bahagyang tumataas ang tiyan o…” ang sagot ng kanyag katabi.

“Paano nila nakakayang matulog sa ganyang kainit na semento? Ako nga ay halos mahimatay na sa init.”

“Rugby po, Ate…gumagamit po sila ng rugby para maging manhid sa init at lamig…para hindi maramdaman ang gutom. Marami pong ganyan sa aming lugar.”

Napakasakit isipin…napakasakit makita. Napapikit na lang ako upang hindi matuloy ang nagbabantang mga luha.

Minsan, sa aming paglalakad sa Alabang, nakita ko ang mga paslit na tila naghaharutan; mga batang lalaki na nasa edad lima hanggang pito siguro. Pumasok sa isang tindahan ang aking anak at naiwan ako sa labas. Hinintay ko na lamang siya at natukso akong mamili ng mga mais, dalandan at gulay sa tabi-tabi.

Sa aking pagtayo, nagdaanan sa aking harapan ang mga marurusing na batang lalaki. May tangan silang plastik at may sinisinghot yata… rugby???

Tumigil sila at sumandal sa pader, nakatingin sa mga dumaraan. Napansin kong sinusundan ng tingin ng ilan sa kanila ang dumaraang tila mag-anak; babae’t lalaki na may hila-hilang bata sa kanilang pagitan.

Maganda ang suot na damit ng batang lalaking malusog ang pangangatawan, na siguro’y anak ng babae’t lalaking may hawak sa kanya. May tangan na laruan ang bata; nakangiti ito na tila masayang-masaya at napatingin rin sa mga batang marurusing.

Habul-habol pa ng tanaw ng mga marurusing na paslit ang batang may tangan na laruan.

Pagkaraan ng ilang saglit ay napaupo sila sa sementong madumi; tila nakatanaw sa kawalan.  Tila nakatitig, pero walang nakikita… tila blangko. Ngunit sa kanilang mga mata ay hindi mo mapipigilang mabasa ang katanungang —

“Bakit pa kami isinilang?” 

Gustong-gusto ko sana silang yakapin…burahin ang masakit na nakita ko sa kanilang mga mata. Humakbang akong papalapit sa kanila, ngunit bigla silang nagtayuan at nagtakbuhan…nagbabatukan habang nagkakatawanan..at muling sinisinghot-singhot ang mga plastik na naglalaman ng “pampamanhid.”

Tuluyan nang naglandas ang mga luha sa aking pisngi.

Sinukuan na nga ba sila ng lipunang kanilang ginagalawan???

At nagsisipaghintay na lang ng umagang hindi na sila magigising?

Marahil ay tanong nga siguro iyun na wala nang kasagutan.

“Bakit pa nga ba sila isinilang?”

 

(Panawagan sa ating pamahalaan, sa DSWD, sa lipunan…wala na nga bang pag-asa ang mga kabataang naglipana sa lansangan?)

About Mommyjoyce

Isang simpleng nanay na adik magbasa, adik magsulat at adik sa anak! Idol ko si Mother Theresa, kaboses ako dati ni Ate Shawie Cuneta (joke); maawain sa mga madudungis, siga sa mga taong nang-aapi, at lifecoach sa mga kabataan at mga magulang na walang ibang makausap, Ang simpleng motto ko in life: Cherish everyday (not just because it could be my last); kundi kasi, bukas iba na naman ang flavor ng buhay! Kaya namnaming maigi!