BAKIT NGAYON PA

BAKIT NGAYON PAMasayahin ako tulad ng libo-libong ordinaryong teenager, lumalabas paminsan-minsan, namimili ng mga damit at libro ni John Green o ni Paulo Coehlo, Nagme-make-up, naiin love at umiiyak.

Isang ordinaryong dalaga sa edad na labingwalong taon ay mapurol pa rin.

Nabuhay ako sa pamilyang marangya at maykaya, hindi man mayaman tulad ng mga kaklase kong Doctor ang ama o may tatay na nasa politika, masasabi ko pa ring angat ako sa iba. Di ba ang saya?

Ang saya-saya.

May mga kapatid na puwede kong kalaro ano mang oras at mga magulang na susuportahan ako sa ano mang aking gustong gawin. Lahat tayo’y nangangarap ng ganitong buhay, hindi kailangan ng mala-Malacañang na bahay, iba’t ibang kulay ng sasakyan, magagarang damit o ano pa, simple at payak ay sapat na.

May bahay, may tulugan, may pagkain, may pamilya. May tatay, may kapatid at may nanay.

Si nanay, ang bukod tanging kasiyahan mo. Si nanay na hindi ka iiwan at sasaktan. Patatawarin ka at pasasayahin, si nanay o si tatay, si tatay o si kapatid. Basta buong pamilya.

Pero bakit ganito. BAKIT NGAYON PA? Bakit ngayon ko pa kailangang maramdaman ang mga bagay na ito? Maaari ba kitang tanungin? kung sa bawat taong lumipas sa buhay mo ay naranasan mo rin ang naranasan ko. Ang maisip na bakit ngayon ka pa nasaktan nang lubusan kung kailan lahat ay parte na ng nakaraan?

Tulad din ba kita? Pakiramdam ko kasi masama ako. May galit kasi akong nararamdaman sa nanay ko, at ang sama sama ko. Kasi di ba, natural lamang ang mapagalitan noong bata? Ang hilain palabas ng bahay at hayaan kang matulog doon? Ang ikulong ka sa bodega at hayaang nakaratay sa iyong suka? Ang pakainin ng sili para mamaga ang iyong bibig ? Ang hampasin ng hanger, belt, tsinelas? Ang batuhin ng tupperware, punitin ang iyong coloring book at ang iuntog sa tiles sa sahig hanggang dumugo ang iyong mga labi? Di ba natural lamang na pagdidisiplina iyon? Maaari mo bang sabing OO, nang mawala na ang poot dito sa dibdib ko.

Tulad pa rin ba kita?

Pakiramdam ko pa rin kasi na mas lumalalim na ang galit ko kay ina. Sumisikip na ang aking dibdib sa kaiiyak sa mga dati niyang nagawa. Pero natututo tayong magpatawad, di ba? Kasi pisikal na sakit lamang iyon, pero paano pag kinain na ang katauhan ko? Natural pa rin ba ang ginagawa niya? Natural pa rin ba ang masabihan ng Puny**a, Wala kang kwenta, Bobo, Palamunin, Magpokpok ka na lang, Walanghiya ka, Gaga, T*nga, at marami pang iba?

Di ba natural lamang ito kapag may nagawa tayong mali? Maaari mo bang sabing OO, nang mawala na ang kirot sa puso ko?

Okay na sana ako. Pero bakit ganito? BAKIT NGAYON PA? Bakit kailangang ngayon pa, kung ang sakit ay parte  na ng nakaraan ko ?

Naniniwala ka ba sa katagang “Past is Past”?

Kasi ako hindi.

About jessapeanutpunch

A frustrated writer and singer. Never been noticed. A once in a blue moon beauty is what I contain. 100% Pinoy by blood, soil, character.