Bakit nakakawala ang manok mula sa pagkakatali?

IMG_1978_zps1a333e12Isang araw habang nakaupo sa isang bench sa plasa, may naulinigan akong dalawang babaeng nag-uusap mula sa aking likuran. Hindi ko sinasadya ngunit masyadong malakas ang kanilang mga boses para hindi ko sila marinig.

Ganito ang naging takbo ng kanilang usapan.

Babae 1 : Nakakainis talaga, bes! Huhu! Sayang naman! Kung kailan ko tinalian saka pa siya nakawala?
Babae 2 : Ikaw kasi, pinakawalan mo pa ‘yong manok mo. Ayan tuloy, nahihirapan kang hulihin ito ngayon.
Babae 1: Hindi ko siya pinakawalan. Kusa siyang nakawala.
Babae 2 : Nakawala? Paanong nakawala?
Babae 1 : Hindi ko alam. Hindi ko talaga alam. Bakit nga kaya? Babalik pa kaya siya, bes?
Babae 2 : Ai, naku bes! ‘Wag ka nang umasa, baka kung saang lupalop na napadpad yon kakahanap ng matutuka. O baka naman may nakahuli na sa kanya tapos itinali na rin, baka nga ikinulong pa! Pwede rin naman may nagnakaw sa kanya kaya nakawala tapos niluto na. Mabuti pa kumain na lang tayo, gutom na ako!

BAKIT NGA KAYA NAKAKAWALA ANG MANOK SA KANYANG PAGKAKATALI?

Naalala ko tuloy noong nabubuhay pa ang aking lolo, isa sa mga kinahihiligan niyang gawin ay ang pag-aalaga ng mga manok, lalong-lalo na ng mga tandang na panabong. Mahal na mahal niya ang kanyang mga tandang, pinapakain niya ito ng maayos, binibilhan niya pa ito ng probiotics para mamatay yung mga bacteria sa katawan. Araw-araw hinihimas-himas niya ang balahibo ng mga ito

Dahil sa kanyang mga tandang, nagkaroon siya ng mga bagong kaibigan. Isa sa mga iyon ay araw-araw pumupunta sa bahay, kinukumusta ang kalagayan ng mga tandang. (Mas mahal pa ata noon ang mga tandang kaysa sa lolo ko). Nakatuwaan na rin niya ang pagbuha-buhat dito, minsan nga tumutulong rin siya sa pagpapakain. Tuwang – tuwa naman ang lolo ko.

Ayaw man ng lolo ko, may mga pagkakataon pa rin talaga na nakakawala ang kanyang mga alaga.

At base sa aking obserbasyon nakakawala lang ang manok/tandang mula sa kanyang pagkakatali dahil:

1) Maluwag o hindi maayos ang pagkakatali dito
Dahil sa kagustuhan ng lolo ko na makagalaw ang mga ito ng maayos at para hindi ito masaktan minsan niluluwagan ni lolo yong tali. Dahil sa sobrang pagtitiwala niya at dahil alam naman niyang inaalagaan niya ito ng tama, kampante na siya na hindi nito tatangkaing tumakas. Sa bandang huli, don pa lang niya napagtatanto na yong sobrang pagiging mapagbigay pala niya ang magiging dahilan para makawala ang mga ito sa kanya.

Parang sa pag-ibig lang yan,eh. Minsan nagiging kampante tayo sa pag-aakalang hindi nila tayo kayang iwanan at ipagpalit sa iba kaya ang ginagawa natin masyado tayong nagiging maluwag. Hinahayaan natin silang gawin ang mga bagay ng gusto nila. Parang yong kaibigan ko, sobrang luwag niya sa boyfriend niya, hinahayaan niyang gawin nito ang kung ano mang naisin nito, kung saan nito gustong pumunta, sinong kasama at anong gagawin. Yong tipong hindi na siya nagseselos kung sakali mang may kasama itong ibang babae, kasi tiwala siya na mahal na mahal siya nito. Akala niya tama ang ginagawa niya, pero ang hindi niya alam, binibigyan niya na pala ng dahilan yong boyfriend niya para iwanan siya. Sinanay niya ito na wala siya sa buhay nito.

Ayos lang naman maging maluwag, wag lang sobrahan dahil lahat ng sobra nakakasama!

2) Naputol o marupok ang tali

May isang pagkakataon na gawa sa mahinang klase yong ipinantali ni lolo sa kanyang mga tandang, kaya sa pagdaan ng mga araw ito ay unti-unti itong nalalagot! Huli na nung malaman niya. Buti na lang hindi lahat nakawala.

Kapag hindi wagas o matibay ang pagmamahal sayo ng kasintahan/kabiyak mo, kaunting pagsubok lang susuko na agad yon. Kaunting hindi pagkakaunawaan lang, bumibitaw na agad!

Kapag hindi totoo ang nararamdaman ng bawat isa madaling natitinag ang samahan, madaling napuputol ang taling nag-uugnay sa kanilang dalawa. Madaling nawawasak at mabubuwag ang relasyon. Kumukupas yong pagmamahal. Pero kapag totoo yan wala yang hamok na hindi kayang lagpasan. Lahat ng unos ay hahamakin.

3) May kumuha dito

Kahit nakatali na yong mga tandang ng lolo ko sa loob ng aming bakuran, mayroon pa rin talagang mga taong nagnanais at nagtatangkang kunin ito. Kahit alam nilang hindi nila pag-aari, inaangkin pa rin nila. Pero ang mas nakakainis ay noong nalaman ng lolo ko na ang kumpare niya na lageng pumupunta sa bahay ang isa sa mga kumuha ng tandang niya. Nalingat lang siya ng bahagya, natuklaw na ng ahas ang kanyang mga alaga.

Parang sa isang relasyon, Kahit tinalian mo na, binakuran mo na pilit pa ring inaangkin at pinagnanasaan ng iba! Gawain yan ng mga taong walang respeto sa kapwa nila. Ang hilig nilang manira ng relasyon. Alam nilang may nakahuli na, hinuhuli pa rin. Minsan nga, yong mga taong pinagkakatiwalaan mo yon pa pa pala ang siyang mismong magtataksil sa yo. Yong mga taong nasa tabi mo lang, yon pa pala ang tutuklaw sa iyo. (Para kang inipotan sa ulo,di ba? Saklap!)

P.S. Mas madali raw kasing hulihin ang manok kapag nakatali

4) Sa kagustuhan nitong makawala

Dahil nadala na ang lolo ko kaya ang ginawa niya, hinigpitan naman niya ang tali. Ayaw niya kasi na makawala pa ang mga ito. Yon nga lang, nasakal naman ito at nasaktan. Siguro hindi nagustuhan ng kanyang mga tandang, kaya pilit itong kumawala. At kahit gaano kahigpit yong tali, kung gugustuhin nito makakaalpas at makakaalpas ito.

Sa ibang pagkakataon naman, maaari ring hindi mo naalagaan ng tama, maaring may mga bagay kang hindi naibigay sa kanya, hindi mo pinapakain ng maayos, tapos sa di kalayuan ay may nakita itong uod na maaari niyang tukain na siyang papawi sa kanyang pagkagutom.

Kapag mahal mo ang isang tao, wag mo siyang masyadong sakalin baka hindi na makahinga. Kahit pag-aari mo siya may sarili pa rin siyang buhay. Hindi lang sa iyo umiikot ang mundo niya. Hayaan mo siyang malayang makagalaw (pero wag rin sobra!). Dahil kapag yan napuno, kapag hindi na yan masaya sa iyo, iiwanan ka niyan.

Sa ibang banda, minsan kaya sila nang-iiwan ay dahil may bago na silang minamahal. Nakahanap na sila ng bago. Nakahanap na sila ng mga taong kayang pumuno sa mga pagkukulang mo.

About Mikaylla

Hindi ako magaling magsulat pero ito ang nagpapasaya sa akin.