Bakit Masarap Maging Mahirap?

(Photo Credit: Ask.FM)
(Photo Credit:  Ask.FM)
(Photo Credit: Ask.FM)

Ito ang tanong ko sa sarili ko, “Bakit masarap maging mahirap?”

Sa dami na ng hirap na pinagdaanan ko sa buhay, namulat ako sa mundo na kung saan ay mahirap ang buhay. Halos lahat na yata ng ulam na kakaiba sa ulam ng mayayaman ay nakain ko na. Period at Comma o Asin at Bagoong kung tawagin ng Nanay ko.

Tuyo, gulay na pinakuluan at binudburan ng asin. Kamatis, talbos ng kamote. Isang linggong puro saging lang at kamote. Naranasan ko pang kumain ng lugaw dahil hndi na kakasya ang isang lata ng sardinas na bigas kapag isinaing namin. Kumakain ng isang pack na noodles at hinati pa sa lima, dinadamihan lang ng sabaw para magkasya. Isang lata ng sardinas na hinati para magkasya sa aming lahat.

Kuwento pa ng mga kapatid ko, noong bata daw ako, Alpine ang dinedede ko. Kakaunti na lang kasi ang gatas ng Nanay. Halos tatlong taon na rin ako noong bininyagan dahil walang trabaho ang tatay ko noon, pa extra-extra lang. Papasok ako sa school na walang laman ang tiyan, wala pang baon at nag-iisip kung may ulam ba kami pag-uwi ko o wala.

Marami akong gustong kainin, gustong matikman pero hanggang imahinasyon na lang ako noon. Marami akong gustong damit, laruan at kung ano pang bagay na nakikita ko sa iba. Pero hindi ako humihingi sa mga magulang ko dahil alam ko at nakikita ko sa sitwasyon namin na hindi namin kayang bumili ng mga bagay na gusto ko.

Noon madalas kong naririnig ang katagang “MAHIRAP MAGING MAHIRAP.”

Sabi ko sa sarili ko “Oo, nga mahirap”… Mahirap kasi ang dami mong gusto na hindi mo makuha. Ultimo pagkain na gusto mong kainin hindi mo makain. Madalas kong itinatanong sa aking sarili maging sa Diyos kung bakit mahirap lang kami. Kahit na ipinaunawa sa akin ng mga magulang ko ang kahalagahan ng buhay, hindi pa rin nawala sa akin ang lungkot sa tuwing may mga bayarin sa school at wala akong pambayad.

Sa tuwing sasapit ang pasukan nadudurog ang puso ko dahil wala akong pambili ng bagong bag, notebook, sapatos ultimo lapis at papel wala ako. Iniipon ko lang ang mga lumang notebook na nahihingi ng nanay ko at pinagsasama-sama ‘yung wala pang sulat hanggang sa maka-buo ako ng isang notebook.

Mas masakit ‘yung hihingi ka ng tulong sa kamag-anak mo na may kaya sa buhay tapos tatanggihan ka. Sasabihin sa y’o, “Pasensya na, wala din kami ngayon.”

Masakit talaga at tagos sa puso ang masabihan ng salitang, “Pasensya Na,” kahit na alam mo naman na meron sila kaya ka lumapit, kaya ka humihingi.

Hanggang sa naranasan kong maging utusan ng bayan. Kahit anong iutos sa akin sa mura kong edad na halos 10 taon lang noon, game ako sa lahat. Ayos lang sa akin na “Ibili mo ako ng mantika, bibigyan kita ng piso.”

Tuwang-tuwa ako noon sa tuwing inuutusan ako dahil may piso ako.

“Ibili mo ako ng tinapay sa palengke, dito ka na mag-almusal.”

Nilalakad ko noon ang malayong palengke makabili lang ako ng tinapay nang magkalaman ‘yung tiyan ko.

“Hanapan mo ako ng puting buhok, 50 centavos bawat isa.” Ang saya ko noon sa tuwing tinatawag ako at may magpapakuha ng puting buhok. Dahil sa dami ng puting buhok niya nakakaipon ako ng limang piso.

Naranasan ko rin ang mamulot ng kuhol sa palayan at ibenta ng 2 piso bawat gallon tapos hindi ako binayaran. Hindi ko makakalimutan ‘yon dahil pakiramdam ko niloko ako ng kapwa ko sa unang pagkakataon. (Haha! ) Ang sakit, naalala ko pa rin hanggang ngayon kahit na halos siyam na taon lang ako noon.

Naranasan ko rin na tumira sa kamag-anak na mayaman tapos ang trato sa iyo ay katulong. Kahit na hindi naman ganun kagrabe ang pag-maltrato sa akin, pero obvious na obvious pa rin. Bakit? Paano natutulog ako na katabi ang katulong nila kahit pamangkin ako ng asawa niya. Kahit na magka-apelyido kami, sabay kaming gumising ng katulong at maglilinis ng bahay, magluluto, mamamalengke … lahat ng ginagawa ng katulong ay kasama ako.

Sabi hindi naman daw ako katulong, ‘yun pala ang tawag sa akin ay “Katulong ng katulong nila? ” (E ‘di Wow) Sabi sa akin ganun daw talaga kasi paaaralin ka kaya dapat sumunod ka sa utos nila. Pero hindi ka katulong basta sumunod ka lang sa utos. Ano ang tawag dun? Utusan pa rin. Kasi mahirap ka at mayaman sila, walang kama-kamag-anak. (haha)

Sa dami ng hirap na pinagdaanan ko sa buhay, napagtanto ko na hindi naman pala mahirap maging mahirap. Alam ninyo kung bakit?

Kasi darating ang araw at sa pag-ikot ng mundo ay magbabago ang lahat ng pananaw mo sa buhay.

Ang lahat ng hirap, pagod at gutom na naranasan ko noon ang siyang baon ko sa taong kasalukuyan.

Sabi ko sa sari ko “Masarap pala maging mahirap, kasi magiging matatag ka sa pagdaan ng panahon.”

Masarap maging mahirap dahil matututo kang magpursige sa buhay upang iangat ang sarili mo sa putikan.

Magiging manhid ka sa mga panlalait ng iba. ‘Yung mga pangangantiyaw ng mga kalaro mo noon dahil sira ang sapatos mo. Pangit ang suot mo at kung ano ano pa. Darating pala ang araw na gagaan ang loob mo.

Masarap maging mahirap kasi nagiging matapang ka, sinusubok ang pagkatao mo. Kaya kung bibigyan ako ulit ng pagkakataon na mabuhay, gusto ko pa ring maging mahirap. Kasi kapag mahirap ka, pagkain at materyal na bagay lang ang aasamin mo sa buhay. Pero ‘yung tapang at pagiging matatag na harapin ang kahit na ano mang problema sa mundo ay hindi kayang bilhin ng pera.

Alam ko sa sarili ko na kaya ako naging matatag at matapang na harapin ang buhay ay dahil sa mga hirap na naranasan ko. ‘Yung, paulit-ulit na pagbangon ko sa tuwing nadadapa ako, kahirapan ng buhay ang ginagawa kong sandata.

Sabi ko sa sarili ko “Mahirap lang kami kaya hindi ako bibitaw o susuko hangga’t hindi ako nakaranas ng karangyaan. Hangga’t hindi ako nakakatikim ng masasarap na pagkain. Hangga’t may hininga pa ako, habang may buhay ay kakayanin ko ang kahit na ano mang unos.

Masarap maging mahirap kung ang paghihirap mo ay pinanghahawakan mo at ginagawang sandata para sa kinabukasan.

Masarap maging mahirarap kung hindi ka nag-iisip ng mga negatibong bagay. Huwag kang gumawa ng kasamaan. Huwag kang magnakaw ng yaman ng iba at idadahilan mo ang kahirapan. Dahil kapag mahirap ka at mang-aagrabyado ka pa ng kapwa, lalo kang maghihirap. Lahat ng paghihirap dito sa mundo ay pansamantala lang. Maghintay ka lang ng tamang panahon .

“SA MALINIS NA PARAAN AT SA TAMANG DAHILAN AY MAKAAAHON KA RIN. MASASABI MO RIN SA SARILI MO, NA MASARAP PALANG MAGING MAHIRAP.”

About mjsweetiecarreon

My writings are filled with angst. Deep emotions and a wild imagination are a source of creativity. It is powerful and consuming. I like to entertain people through my stories. Life is one colorful rollercoaster ride . http://www.facebook.com/maryjoy.carreon.9