Bakit Ayaw ko ang Boxing

Ang pinaka-aayawan kong sport ay ang boxing; hindi dahil sa natalo si Pacman sa laban nila ng Mehikanong si Marquez. Isa lang ang aking dahilan, hindi ko gusto na habang nasasaktan ang isang boksingero, sa halip na maawa ang mga tao na panig sa kalaban ay nagdiriwang, pumapalakpak, tumitili at sumisigaw ang mga ito.  Halos mahulog na nga sa upuan dahil may kasama pa itong suntok sa hangin.

Halos madurog din ang puso ko, lalo na at nakikita ko ang dugong umaagos sa mukha ng mga boksingero, kahit na sabihin pang may batas, hindi ko makita na ito ay makatao at sibilisado.  Bumabalik tuloy sa aking isip ang pinag-aralan ko sa World History noong nasa Haiskul ako.  Noong panahon ng imperyong Romano, ang mga manlalaro noon na tinatawag na gladiators ay halos nagpapatayan sa arena, habang ang mga tao na nakapaligid ay sumisigaw sa tuwa, nagpupustahan, sa tingin marahil nila ay mga hayop ang naglalaban-laban at hindi mga tao.

Nakaririmarim din ang nababalitaan kong pagpupustahan kapag may boxing,l umalabas tuloy na parang nasa derby o sa sabungan ng manok. Halos hindi ko maubos maisip na bawat boksingero sa tuwing sila ay sasabak sa laban, nakalagay ang isang paa nila sa hukay, isang malakas na suntok lamang ay maaring ikasawi nila.

Hindi ko alam, masaya ako sa tuwing nananalo ang isa sa ating kababayan, ipinagmamalaki ko sila, talo man o panalo, dahil sa kanila nakilala tayo ng buong mundo.  Iwinawagayway ang ating bandila sa tuwing ang isa sa ating kababayan ay nagwawagi, pero hindi ko sinasang-ayunan ang ganitong sport.

Kailanman ayaw ko ng boxing.

About shallom

Simpleng tao,sana magustuhan n'yo at may mapulot kayo sa mga akda ko.Masaya na po ako kapag nakikita ang inyong mga komento. Salamat po.