Bagong Hain ni “Inday Luwag”

May mga panahon talagang “hindi maganda ang araw natin”, lalo na pag hindi makita si Haring araw k’se umuulan. At sa pag-uwi mo galing trabaho, pagod at gutom ka pa masyado, k’se sa walong oras na pagbanat ng buto, hindi ka man lang nag snacks, dahil nga “naghihigpit ng sinturon”, tapos heto pagbukas mo ng kaldero, wala pang laman. Ano ba ‘yan tiyan mo’y kumakalam, tingin mo, makukuha mo pang maging masaya? Kaya pag ganitong mood – yung wala sa tono, sintunado, hindi ko alam kung mapapangiti pa ako o baka naman mamaya mahampas ko pa sarili ko ng “luwag”(sandok) sa konsumisyon! Haha. Pero sa tingin ko, hindi naman kailangan ikaw ay masampolan ng bukol. Dugong Noypi kaya tayo. Masayahin. Maangas. Masayahing maangas na ewan, hindi mo minsan maintindihan, pero pipilitin mong intindihin, dahil sa bandang huli, doon pa rin tayo sa positibo papanig para sa ikabubuti ng ating mga sarili.

Kaya ‘eto uli ako, sa ikatlong pagkakataon esi-share ko naman sa inyo ang sandosenang hampas ng katatawanan galing kay #indayluwag.

• “Naniniwala na akong BULAG ang pag-ibig.” “Bakit???” “K’se ayaw na kitang MAKITA!!!”

• Minsan ako’y tinanong. “Masakit bang ma-REHABMEDICS?” “Masakit…MASAKIT SA BULSA!” Haha.

• Sa dyip: “Dong, lugar lang.” Driver dedma…! “DONG, LUGAR LANG!!!” Lapas na duha ka eskina. “Hala Dong, lahos ta’g impiyerno panulay man kaha kang daco!!!” Haha.

• Sabi ng LTO, mapupunta daw ang 190M penalty ng UBER sa National Treasury. Wow. Part of National Treasury na pala ang bulsa ng mga kurarot? Wow… That’s UBER!

• Wala na raw “the one” or “meant to be”. Pinalitan na ng “ITINAKDA”.

• “Saging ka ba?” “Bakit???” “Masyado ka k’seng PEELING!” Haha.

• Pinagtatalunan lagi kung kanino kamukha ai Jake Zyrus: Babalu, Berting Labra, Psy of Gangnam Style or Miyo of La Luna Sangre. Kung ako ang tatanungin, mas kamukha niya si Hetty – Hetty of Jollibee. Hehe. (Peace!)

• Noon, ang mga tamad nasa ilalim ng puno, natutulog. Ngayon, ayun nasa piso-net, naghuhulog! (Dota pa more)

• “Ang mga gitokhang adik sa SHABU…Ako naman adik SHAYU!”

• RA 10913 or the Anti- Distracted Driving Act – bakit driver lang? How about the passenger at the back of the driver? Na halos walang preno, as in NONSTOP din ang “chikahan” sa Viber? Ayun HB as in “highblood”na si Mamang Driver. Mukhang papunta na kaming nowhere! (LTO pls pki-review po sabi ko po hehe)

•  “Ayaw mong manuod ng sine. Ayaw mong kumain sa Jollibee. Ayaw mong maglakad tayo dyan sa tabi-tabi. Lahat na lang inaayawan mo!” “Tama. Lahat, maliban sa’yo! Di mo pa rin ma-gets? Ayaw kong manuod ng sine. Ayaw kong kumain sa Jollibee. At higit sa lahat ayaw kong maglakad tayo dyan sa tabi-tabi. Dahil ang GUSTO ko’y ikaw, ako, tayo, dito (sabay turo sa puso), habambuhay, MAGKATABI. ” (Cheesy!)

And lastly, #nakitakorin…

• Lahat siguro nakapanood na ng #kitakita. Ako na lang ‘ata ang katatapos lang. Bilang #indayluwag, hindi puwedengwala akong bibilangin man lang.  Sampung minuto akong nag-isip bago nakapagdesisyon manood ng Kita Kita. Siyam na puting labahin ang lalabhan ko sana kaso bumuhos ang malakas na ulan. Walong piraso ng cookies ang nilantakan ko habang nanonood at pitong beses akong dinistorbo ng TM text Advisory. Saglit ko munang hininto ang pinapanood ko dahil sa anim na magkasunod na katok sa pintuan. Limang makukulit na bata ang bumulaga. Nangangapit-bahay.  Apat na beses kung iniyakan ang kwento. Siguro dahil tatlo na lang kami naiwan sa bahay – ako at ang dalawa kung alagang bao (turtle). Pero wala naman silang naiintidihan. Hindi nila maiintindihan kumbakit sa dami ng binilang mo, ‘eto ka pa rin, nag-iisa. Makalagok nga ng Coke Zero

Marunong pa lang umiyak si #indayluwag? Hmmm…umuulan k’se. Alam niyo na, I got carried away. Pero hindi lahat ng ulan galing sa langit. Kadalasan  galing  sa ating mga mata kung saan natitikman natin ang alat, lasang dagat ng mga luhang tumutulo galing dito. Minsan akala mo malulunod ka na. Hindi ka na k’se makahinga k’se yung uhog sa ilong mo sumasabay din sa pagtulo. Maya’t maya, bumabara.  Pero hindi mo naman kailangang malunod kung puwede mo namang sagipin ang iyong sarili, kahit hindi ka pa marunong lumangoy. Kumuha ng panyo. O kung wala, tuwalya. Kung wala pa rin, hubarin mo t-shirt mo. Pahirin ang mga luha at uhog, isa-isa, hanggang sa makahinga ka na. Hingang may espasyo. Maluwag.

Tapos kunin mo na ‘yung kalderong walang laman.

Magsaing ka na.

Minsan k’se gutom lang ‘yan. Haha.

Kain tayo, mga ka-DF! 🙂

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.