“Bagahe” (An OFW Story)

Isa po akong ofw dito sa Saudi Arabia.  Tawagin n’yo na lang po akong Roly, tubong Batangas, at kasulukuyang nagtatrabaho sa isang hospital bilang chef cook.

Dahil na rin sa kahirapan at isa na ring ulila sa ama, kaya napilitang makipagsapalaran dala ang pag-asang maiaahon ko sa hirap ang aking pamilya at upang maipagamot ko ang lumulubhang karamdaman ng aking pinakamamahal na ina.

Taong 2009, October, ang alis ko papuntang Saudi,

Isang gabi habang ako ay nag-iimpake ng gamit ko ay nilapitan ako ni inay at ang sabi niya, lagi raw akong mag-iingat at huwag kalilimutang magdasal. 

Isa lang ang sagot ko; na huwag siyang mag-alala dahil kaya ko na ang sarili ko.

Kinaumagahan, nang ako’y pasakay na papuntang airport ay bigla akong niyakap ni Inay at sabi sa akin, “anak mamimiss ka namin ng kapatid mo.”

Tinanong ko si inay kung ano’ng gusto niyang pasalubong at ang sagot niya ay gatas at jacket na brown, dahil nilalamig siya sa gabi; para daw kaht wala ako ay parang nayayakap niya ako, at sinabi ko naman na, lahat ng gusto mo, Nay, bibilhin ko, basta para sa ‘yo.

Noong paalis na ang sasakyan ay kumaway si Inay at ang sabi, Paalam, anak, alagaan mo ang sarili mo, mag-iingat ka doon, anak.  Pagdating mo doon ay tawagan mo agad kami.”

Sa aking pagsulyap ay tumulo ang luha ng aking inay, kaya hindi ko na rin napigilang maluha, dahil nakikita kong labis na masakit para sa aking inay ang mapalayo nang matagal sa kanila.  Dahil siguro iyon ang unang pagkakataong mawawalay ako nang matagal sa kanila.

old mother photo
Photo by sabinevanerp (Pixabay)

Naging maayos naman ang aking trabaho dito, at nagkaroon ng sapat na suweldo.   Pinadadalhan ko si Inay buwan-buwan para sa gastusin nila at sa gamot niya.

Lumipas ang isang taon at ako’y nakapag-ipon na.  Binalak kong magpabagahe ng sa ganoon ay maagang matikman ni inay ang gatas na pinabibili niya at nang maisuot na rin niya ang jacket na gusto niya.  Kalakip dito ang mga kuha kong litrato sa trabaho na may mga mensahe na nagsasabing;

“Kumusta na, Inay?  Miss ko na kayong lahat diyan.  Magpagaling ka, Nay, at magpalakas ka upang sa pag-uwi ko’y ipapasyal kita kahit saan mo gusto.”

Tinawagan ko si inay upang ipaalam na parating na ang bagahe.  Labis itong natuwa at panay ang pasasalamat.

Noong makumpleto na ang bagahe ko, pina-schedule ko na ito upang ito ay ma-pick up na.  Habang nasa duty ako at nagluluto ay biglang tumawag ang kapatid ko na ang sabi ay huwag raw akong mabibigla dahil pumanaw na ang aming inay.  Nasa hospital na raw siya noong huli kaming mag-usap.  Ayaw raw kasi ni inay na ipaalam dahil ayaw niya akong mag-alala pa.  Bago raw malagutan ng hininga ang inay ay sinabi pa nitong huwag raw akong malulungkot na kahit wala na siya, hindi man niya maabutan ang bagaheng padala ko, sapat na raw ang naiparamdam ko sa kanya kung gaano ko siya kamahal at iyon ay higit pa sa bagay na hinihiling niya.

Nang marinig ko’y nabitawan ko ang aking niluluto, iniwan ko ito at ako ay kumaripas ng takbo pauwi sa aking tinutuluyan.  Sa mga oras na iyon ay hindi ko alam kung ano ang aking gagawin.  Sumigaw ako at nagwawala, hanggang sa ako’y inawat ng mga kasamahan ko.

man crying photo
Photo by StockSnap (Pixabay)

Noong makita ko ang bagahe na pasalubong ko kay Inay, halos madurog ang puso ko habang hawak ang bagahe ko para sa kanya at hindi ko maiwasang tumulo ang aking luha dahil hindi man lang niya nahintay ang gatas na pinabibili niya na sana ay iinumin niya sa paggising niya sa umaga.

Hindi man lang niya nakita ang mga larawan ko na kuha pa sa trabaho ko pati ang mensaheng kalakip dito at ang kulay brown na paborito niyang jacket na susuotin niya sana tuwing gabi na nilalamig siya.  Hindi man lang nahintay ni Inay  ‘yung ipinangako ko sa kanya na pag-uwi ko ay ipapasyal ko siya kahit saan niya gusto at bibilhin ko lahat ng magpapaligaya sa kanya. Isang dahilan kaya ako nakipagsapalaran ay upang mapagaling ko siya sa sakit niya, subalit hindi rin pala siya tatagal.

Sa mga oras na iyon ay naiisip ko na kung alam ko lang sanang mawawala na siya, sana’y hindi na ako nag-abroad nang sa gayo’y naalagaan ko pa siya hanggang siya ay bawian ng buhay.

Sa lahat ng pangyayaring iyon,wala akong ibang kinapitan kundi ang Diyos.  Siya lamang ang naging karamay ko sa lahat at naging gabay upang ako ay tumibay.  Alam kong kung hindi dahil sa Diyos ay ‘di ko kakayanin iyon nang mag-isa.

Kaya para sa mga may magulang pa, mahalin n’yo sila habang nabubuhay pa.  Iparamdam sa kanila at ipakita ang ang pagmamahal n’yo sa kanila, at kung sila’y pumanaw man, wala na kayong pagsisisihan pa.  Huwag mawalan ng pag-asa anumang pagsubok ang dumating.  Lumapit ka sa Diyos at siya ay gagawa ng paraan, mga paraang hindi mo nakikita na sa tingin mo’y walang nang lunas, nariyan lagi ang Diyos, lumapit ka lang.

– – – –

Kung kayo po ay may mga testimony o karanasan patungkol sa kadakilaan ng Diyos,maaari n’yo pong ibahagi ito sa aming facebook page.

Ask and Bible Will Answer”. – https://m.facebook.com/AskAndBibleWillAnswer?refid=13…

 

‘BAGAHE”, OFW, Life testimony ”  Shared by R. Cheng

About Mommyjoyce

Isang simpleng nanay na adik magbasa, adik magsulat at adik sa anak! Idol ko si Mother Theresa, kaboses ako dati ni Ate Shawie Cuneta (joke); maawain sa mga madudungis, siga sa mga taong nang-aapi, at lifecoach sa mga kabataan at mga magulang na walang ibang makausap, Ang simpleng motto ko in life: Cherish everyday (not just because it could be my last); kundi kasi, bukas iba na naman ang flavor ng buhay! Kaya namnaming maigi!