
Sa bawat takip-silim at ang tulog ay magiging mahimbing
Isang impit na palahaw at palihim na daing
Aking sasapitin sa kanyang piling
Tititigan ang katawan ko; mata niya’y ‘di maibaling.
Bibig ko’y impit sa bawat malaswang tingin
Mula dibdib hanggang binti ko’y hinahalikan niya sa hangin
Gusto ko mang sumigaw na huwag akong lapastanganin
Ngunit tingin sa aki’y katatawanang dapat lang lisanin.
Awa sa sarili ang tangi kong nararamdaman
Dapat ba akong ituring na katatawanan?
Ako’y mataba, baboy sa tingin ng madla
Bastusin man nila ako’y wala rin daw silang mapapala.
Sinong maniniwala kapag ako’y nagsuplong?
Sabi nila katawan ko’y balyena; sino ang magtatangka?
Pagkababae ko’y nababoy ngunit ako’y pinagtawanan lamang
Wala raw magnanasa kaya ito’y akin lamang sapantaha.

Sapagkat ako’y pangit at mataba, wala raw magtatatangkang mambastos
Kaya kapag ako’ hinayop, walang maniniwala pagka’t ako’y busabos.
Wala nga bang karapatan na ang luha ng tulad ko’y umagos
Dahil ako’y binastos at tinuring na busabos?
Mundong mapanglait, kailan ka makikinig?
Tatahimik na lamang ba ako sa gilid?
Wala nga ba akong karapatan dahil sa hitsura kong ala saguiguilid?
Isa nga lang ba akong katatawanang isinuka ng langit?
Ayan muli ang malalaswang tingin
Sana’y tangayin na ako ng hangin
Palapit siyang unti-unti sa akin
Ano mang oras handa akong dakmain.
Kita ko sa mata niya ang matinding pagnanais
Unti-unti, ramdam ko ang kanyang pagmamalabis.
Sa dapit hapon ako’y lumuha nang tahimik
Pagsaksak ng punyal, mata niya ay tumirik.
Leave a Reply