Babae, may kakaibang paraan ng paglilinis sa paa ng manok

Image capture mula sa video ni Fria Joy Ladines | Facebook

Mahilig ka bang kumain ng iba’t ibang luto na may sangkap na paa ng manok?

Nariyan ang paborito ng madla na inihaw na paa ng manok o kadalasang tinatawag na “adidas.” Bukod sa kadalasan itong nakikita sa mga ihawan sa tabi ng kalsada ay mabibili rin ito sa mas murang halaga sa mga palengke.

Hindi naman mawawala ang patok na adobong paa ng manok. Maliban sa masarap itong iulam sa kanin ay the best pa itong pulutan.

Kaugnay dito, viral ngayon ang nakatutuwang video ng dalaga kung saan ipinagmalaki niya sa kaniyang Ama ang ginawang “paglilinis” ng paa ng manok.

Image capture mula sa video ni Fria Joy Ladines | Facebook

Sa video ni Fria Joy Ladines sa Facebook, makikita na hawak-hawak niya ang isang paa ng manok habang papalapit sa Ama.

“Pa, ano? Linisan ko iyong paa ng manok,” patanong na bungad ni Fria sa Ama. Kapansin-pansin rin na natatawa ito habang naglalakad.

“Ganito?” saka nito ipinakita ang hawak na paa ng manok.

Ikinagulat naman ng Papa ni Fria ang ipinakitang resulta ng paglilinis ng paa ng manok. Kapansin-pansin na naka-pedicure at may kulay ang mahaba nitong kuko.

“Ano pang gusto mong kulay? Hahaha,” pang-aasar pa ni Fria sa Ama.

I-click ang imahe para mapanood ang video

Marami ring netizens ang natawa sa ginawa ni Fria. Karamihan ay binanggit pa ang mga kakilala at kaibigan sa comments para mapanood rin ang video.

“Buti pa siya nakapagpa-pedicure na. Hahaha,” ayon kay JA.

“Love you po, ‘tay. Namiss ko lolo ko,” sabi naman ni KR sa comment section.

“Paa daw kasi Ate. Kuko naman nilinisan mo. Hahaha,” ani JME.

“Loko kang bata ka. Sabi nila linisan mo lang pero nilagyan mo ng nail polish. But in fairness, natawa ako. Hahaha,” komento naman ni AC sa wikang Ilokano.

Umabot naman sa higit 7,500 reactions at higit 9,000 shares ang video ni Fria sa Facebook. Patuloy rin itong umaani ng komento at nagpapasaya sa social media; patunay na marami talagang gusto ng mga “good vibes” lang na post.

Source :

Facebook