Babae, Hindi Ka Nga Ba Puwedeng Magdesisyon?

(Photocredit:kottke.org)
(Photocredit:kottke.org)
(Photocredit:kottke.org)

Women’s Month, kinikilala ang kahalagahan ng mga babae at ang karapatan nila. Ngunit malaya nga ba talaga ang iba sa ating mga kababaihan o sadyang hindi pa rin sila nakakaalpas sa tanikala na nagbibigkis sa kanila, na dapat ang babae ay masunurin sa asawa.

Hanggang saan nga ba ang hangganan nang pagiging masunurin natin sa asawa?

Alam ko na nasabi sa bibliya na ang babae ay dapat magpailalim sa gusto ng kanyang asawa ngunit bakit kaya binigyan tayo nang sariling isip kung hindi naman pala tayo puwede sumuway kung alam nating dapat at tama naman ang ating gagawin.

Naisip ko lang ito dahil sa isang kasamahan ko sa trabaho. Sampung taon na siyang contractual at kanina lang nabigyan siya nang offer para sa permanenteng posisyon ngunit kailangang mangibang bayan.

Hindi naman sa labas ng Pilipinas ngunit sa ibang distrito lang naman nang aming probinsya. Habang pauwi, positibo naman ang kanyang desisyon na tatanggapin niya na. Iyon na lang naman ang pinakamadaling paraan para maging permanente sa trabaho. Para sa isang kawani ng Gobyerno kahit saan ka itapon kung iyon ay makakabuti at naayon naman sa trabaho ay mas maganda na kesa wala o nasa dating sitwasyon.

 Tanggap niya naman dahil wala pa naman silang anak ng kanyang asawa. Inisip niya naman na iyon na ang pinakamagandang solusyon sa paghihirap na nararanasan. Masaya siyang umuwi.

Makalipas ang isang oras, bumalik siya sa amin na walang imik. Kinuha ang papeles at umalis din na walang imik.

Resulta, hindi raw pumayag ang asawa niya na madestino siya sa ibang lugar. Pride na rin siguro dahil oo nga naman sampung taon na siyang naninilbihan sa isang lugar ngunit kailangan pa siyang itapon sa mas malayo sa kanilang bahay.

Nakapanghihinayang. Wala namang trabaho ang lalaki, at ang babae lang ang nakapagtapos sa kolehiyo at siyang may trabaho. Hindi man stable ngunit ang pagkakataon na binibigay ay sapat na para sila ay makaahon.

Namumugto ang mata nang aking katrabaho. Alam naming nag-away na naman silang mag-asawa. Kahit gusto rin naming sabihin na sige na tanggapin mo na, isama mo na lang sa destino mo ang iyong asawa, hindi pa rin kami puwedeng manghimasok sa usaping mag-asawa.

 Ang isang permanenteng trabaho na marami ang naghahangad kailangang bitawan para lang masunod ang asawang wala namang magandang puwedeng ibigay.

Ilan kaya sa ating mga kababaihan ang ganito? O sadyang mahal lang talaga nila ang kanilang asawa para huwag umimik sa desisyong kanilang ginawa kahit alam nilang may kabutihan naman itong idudulot sa kinabukasan nila.

Alin ba ang tama? Pag tayo ba ay sumuway sa kanilang kagustuhan tayo ay magkakasala?

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.