Babae Din Naman Kami

(Photo Credit: thesociallyawkwarddonut.tumblr)

 

(Photo Credit:   thesociallyawkwarddonut.tumblr)
(Photo Credit: thesociallyawkwarddonut.tumblr)d

Lagi kong naririnig ang mga katagang ito, ” ramdam ko at napatunayan ko na ako’y isang ganap na babae.”

Sa tuwing nagbubuntis o nanganganak na ang mga ito.
Sa tuwing may yumayakap na anak at nagpapahiwatig dito nang buong pagmamahal.
Sa panahong akay-akay na ang mga apo at may nagmamano sa kanila..
Lalong ramdam nila ang pagiging babae sa Buwan nang Mayo, kung saan ipinagdiriwa ang Araw ng mga Ina.

Teka, teka!
Kami bang wala pang mga anak ay hindi ba kami babae?

May ipinagmamalaki din naman kaming malulusog na dibdib. ( wala nga lang gatas at hindi pa kami nagpatahan nang sanggol na gutom.)

Katulad nyo din kaming may dalaw buwan-buwan. ( umaasang huminto nang siyam na buwan)

May mga bahbata din naman kami. ( hindi nga lang gumagana) 🙁

Minsan nasasabi kong masyadong hindi patas ang mundo, kung bakit ang mga ayaw magkaanak ay siyang nabibigyan.
* Mga estudyanteng nagpalabas nang init ng kanilang katawan sa likod nang punong mangga, hayun! Pagkalipas nang dalawang buwan, nanginginig sa takot si babae dahil hindi na dinatnan..tago naman si lalaki-iwas responsibilidad.. Ang resulta, nabalitaang may mga patak nang dugong natagpuan sa may puno nang mangga. Si baby nalaglag na nang walang pusong ina.

* Mga magdalenang ayaw masira ang kanilang mga pigurang pinagparausan nang ibat-ibang parokyano. Batang nabuo sa isang madilim na kwarto, makikitang palutang-lutang sa kubeta dahil tuliro ang ina at hindi nito malaman kung sino ang ama.

* Mga neneng nagagahasa nang mga walang modong tao na gusto lang magparaos. Ang ending buntis si ineng, hindi alam ang gagawin kaya hayun si baby kahit kulang pa nang parts ang body ay sa kahon na nang sapatos inilagak at sa basurahan itinabi.

* Mga biktima nang incest, si Tatay; ginagapang si ate gabi-gabi dahil si Nanay ay nasa Gitnang Silangan nagpapaalila, pinagbantaang papatayin kung ito’y magsusumbong sa kanyang kahayukan. Si ateng takot na patayin siya at idamay ang mga maliliit na kapatid, tikom ang bibig at pikit-matang tinatanggap at dinaranas na kabulastugan nang ama. Ang resulta ang ate lumayas at ang bunga nang init ng katawan ni ama sa basurahan napunta.

* Mayroon pang mga inang napaka-produktibo, mahakbangan lang daw ni mister buntis agad ito, madalas mangyari ito sa mga liblib na nayon at mga eskwater. Ayaw nila nang mga kontraseptibo dahil magagalit daw dito si Cardinal Tagle at iba pang myembro ng katolisismo, itinatabi lang ang mga condom at pilduras na libreng bigay ng Health Center..kahit magsiksikan pa sa isang barong-barong o dampa ang mga anak, magdildil nang asin at lugaw laging laman nang tyan, basta si tatay ay mailabas lang ang init na nararamdaman.. Walang pakialamanan!

Alam nyo bang naiisip ko at naitatanong sa aking sariling,” bakit ang mga ganitong kaso ang bata kay daling mabuo.” kayo din diba napaisip tuloy..at sasabihin sa sariling ” Oo nga ano?”

Hindi nga ba patas ang Mundo?

* May mga mag-asawang halos lumuha na nang dugo para mabiyayaan nang supling, ngunit kahit pa sigurong butil-butil pa nito ay wala pa ring nangyayari..

* Ang ibang mag-asawa, lahat na yata nang mga hospital ay napatsek-apan na, subalit zero balance pa rin sila.

* Sina Kuya at Ate, nagsayaw na sa Obando kay Santa Clara, pero hanggang ngayon sila ay patuloy na umaasa.

* Mayroon pang ibang, halos naubos na ang mga bitaminang pampalusog daw ng mga spermy ni mister at mga cells ni misis na si Doktor ang nagrekomenda ngunit tila yatang naging semento na lamang ito sa loob nang mga bituka nila.

* Nabisita na ang mga sikat na Ginekolohista at Obstetrisyan sa mundo, mag-asawa laglag balikat pa rin sa panlulumo..

* May ibang nagpaalaga na sa hilot at uminom na pagkadami-daming ugat nang mga halaman sa paniniwalang makatutulong ito, ngunit tila yata bingi ang mundo.

* Ang halamang malunggay ni Aleng Nena, halos maubusan na nang dahon at bunga dahil sa sabi-sabing marami daw itong bitamina na magpapalakas sa spermy ni Kuya.

* Nag-iba na yata ang posisyon nang bahay-bata ni Ate sa kahihilot ni tanda, dahil kailangan daw ito sapagkat matris daw nito ay mababa..

Hay! Ewan ko nga ba bakit ganito at lalo tuloy akong natutuliro dahil:

Anim na taon na kaming kasal ng aking Jowadik, anim na taong balisa, inaamin kong walang katahimikan ang pag-iisip pagdating sa usaping itetch! Naka-I-stressed talaga.

Opps! Sa anim na taon na yun, tatlong taon lang kaming nagsama sa araw at gabi, sa mga taon na iyon hindi kami sinuwerte.  taon din naman ay kasalukuyan kong ginugugol dito sa Saudi. ( para klaro)

Bakit? Sino bang hindi mape-pressure dito.

* Kapag nakikita ang mga old friends na may mga anak na..hindi lang isa kundi aabot pa sa tatlo hanggang lima.

* Kapag nagpupunta sa mga gatherings tulad nang mga reunion, mga kaarawan nang mga kamag-anak; dati padisplehan nang mga syota, tapos naging asawa, ngayon padamihan na nang mga anak. Hindi ka ba maluluka na kahit isa wala kang maipresenta? Pwede bang dederitso na kami sa kusina at kakain agad, tapos uuwi, para hindi na marinig na kayo ang pinag-uusapan at iiwas na lamang na masaktan ang damdamin..?

* Kapag nasa trabaho tapos may nagtatanong, ” may asawa ka na ba? ” opo, ” ay bakit wala pa kayong anak?” Sinong may diperensya?” Tsk! tsk!Kung pwede nga lang sapakin ay ginawa ko na kaso nasa Saudi ako baka kapag napatulan ko pa, eh! Lalo akong ‘di makauuwi at talagang mawawalan na nang pag-asa. Magkikibit-balikat na lang si aketch, kaya ko pa.

* Ito ang mas nakakapressured, mas bata pa sa iyo nang halos sampung taon, tapos mababalitaan mong nabuntis nang Jowa? Buti pa siya.

* May mga tao pa talagang tila ginagatungan ang pressure na nadarama kasi kung ano ang ayaw mong pag-usapan, iyon ang gustong laging topic nang istorya. Kung malapit lang eh,sinipa ko na nang konti.. Nakaasar!

Kahit pa ano ang pampalubag loob sa akin ng aking asawa, napapaisip pa rin ako at may mga pag-aalinlangan at aaminin kong awa din sa sarili…ibinabaling ko na lang sa ibang bagay o aktibidades para hindi ako maluka sa kaiisip..

Malaki pa rin ang aming paniniwala at pag-asang magtatagpo din ang kanyang malusog na spermy at aking seksing eggy..at magsasama silang papasok sa aking sinapupunan at ito’y pagyayamanin ko sa aking bahay-bata.. ^__^
May awa ang Panginoon…

PS..Sana nakabubuntis ang SKYPE..:D:D:D

2 Comments

  1. I like your humor here kabayan 🙂 well my wife an I read it and we did laugh (for your humor) pero we related sa kwento mo. We have been married for three years now and wala pa din kaming supling but not like you we never got separated para sa tatlong taon na iyun sapagkat home based lang ang aming hanap buhay. Anyways… magpatuloy lang tayo na gumawa ng mga tamang bagay ay maglingkod sa ating mga kapwa and I am sure that we will be happy and will make this world a little better because we are around.

    Ingat ka jan sa ibang bayan!

Leave a Reply

Your email address will not be published.