Ayoko Nang Lumuhod

Counselling (Image via Pixabay)

Hapon na, pero wala pa rin akong sapat na kita. Binilang ko ang barya sa kanang bulsa ko. Sa aking pagtingala, sinalat ko isa-isa ang mga bilog na kumakalansing sa aking kamay. P150.00. Tsk! Ang tumal ng benta ko ngayon. Sapat lamang itong pambili ng pagkain. Ngunit naisip ko na paubos na rin pala ang gamot ni Nanay at malamang si Tatay ay wala pa sa aming bahay.

Kinse anyos pa lamang ako, ngunit pakiramdam ko, ako na ang may pinakamabigat na problema sa mundo. May tatay kang hindi maasahan, ang Nanay naman ay madaling magkasakit. Ang dalawang kapatid ko ay maliliit pa kaya ayaw ko munang pagtrabahuhin dito sa kalsada.

Image by amarpreet25 via Pixabay

Nais ko mang pumasok sa eskwelahan para makapag-aral, wala naman akong pambaon. Ibibigay ko na lamang kasi ang kita sa aking pamilya. Alam ko naman na napakahalagang mag-aral, ngunit sa sitwasyon ko, ano’ng magagawa ko?

Nais ko ring makapagtapos dahil alam ko na wala akong mararating kung hanggang ganito lang ang buhay ko. Ayaw ko namang magnakaw o manguha ng gamit ng iba upang makaraos. May takot pa naman ako sa Diyos kahit papaano.

Nagambala ang aking pag-iisip nang may dumating na bus. Buong liksi akong tumalon upang makasakay.

“Chicharon kayo diyan, ate, kuya. Malutong. Bagong-bago. May libreng Suka. Limang piso lang. Teh pampalipas oras habang trapik. Bili ka na, teh. Kuya, ikaw?

‘Yan ang araw-araw kong eksena dito sa kalsada. Kung hindi chicharon ay kendi naman ang bitbit ko. Mula umaga hanggang gabi ay ‘yan ang gawain ko. Nakakapagod. Masakit sa katawan. Higit sa lahat ay delikado dahil maaari kang mahagip ng ibang sasakyan o kaya’y mahulog sa bus lalo na kung kaskasero ‘yung drayber.

Higit pa dito, mas masakit sa ulo ‘yung mga mas matanda sa akin na nanlalamang dahil mas bata ako sa kanila. Hindi ko magawang patulan dahil pihado, ako rin naman ang kawawa.

Ang kinaiinggitan ko sa lahat ay ang mga estudyangteng papasok sa umaga. Mga bagong ligo, may dalang libro at ang mga bag nila ay siguradong puno ng mga notebook.

Minsan, naiisip ko na sana may kaya din kami upang hindi ko na ito nararanasan. May mga kabataan din akong nakikita na nagwawaldas lamang ng baon. Hindi ba nila naiisip kung gaano sila kasuwerte na may oportunidad silang mag-aral? Samantalang ako ay naghihikahos na, ngunit kulang pa. Sana ako na lang ang nasa kalagayan nila.

Gabi na pala. Hindi man lang nadagdagan ang aking benta. Dumaan muna ako sa botika at palengke upang bumili ng gamot at uulamin. P90.00 para sa gamot ni Nanay. P40.00 sa isang kilong bigas. P18.00 para sa tatlong Maggi. Yung P2.00, hulog ko na lang sa alkansiya. Sana hindi lumala ang sakit ni Nanay. Sana gumaling na siya dahil ayoko nang ulitin pa ang ginawa ko noon upang may maipangpagamot sa kanya. Ayoko nang lumuhod. Ayoko nang umiyak habang nakaluhod.

(Photo Credit: blumerlamotte.blogspot)

Pagdaaan ko sa kanto papasok sa aming lugar ay nakangising tinitingnan ako ng taong tumulong sa akin noon. Hindi ko siya pinansin, bagkus ay nagmadali akong naglakad pauwi. Sumigaw pa ito ng “Luluhod kang muli sa akin”, sabay tawa nang malakas. Parang demonyo sa aking pandinig ang halakhak niyang nagdadala ng kilabot sa aking katawan. Iwinaksi ko siya sa aking isip upang hindi ako panginigan ng laman.

Pagdating ko sa aming bahay, masaya akong sinalubong ng aking mga kapatid. Agad nilang niluto ang dala kong pagkain. Nilapitan ko si Nanay na noon ay nagpapahinga.

“Nay, naglaba ka na naman? Sabi ko naman sa iyo na magpahinga ka na lamang.”

Ngumiti lang aking Ina. Napansin ko na may kakaiba sa kanya. Nang siya ay nilapitan ko, nagulat ako dahil inaapoy na siya ng lagnat. Sa aking pagkataranta ay nagsisigaw ako ng tulong sa amin. Hindi ko malaman ang aking gagawin. Wala kaming perang pangpagamot, ngunit hindi ko maaaring pabayaan na lamang si Inay sa ganitong kalagayan. Pikitmata kong tinanggap ang katotohanan na kailangan ko ulit lumuhod upang maagapan ang sakit ni Nanay.

Nang gabing iyon, iniwan ko muna sa ospital si Nanay at mga kapatid ko.

Sa pulang pinto kung saan ako pinagtawanan ng demonyo, ako ay kumatok. Ayoko mang gawin ito, ngunit kinakailangan. Para kay Nanay. Sa pangatlong katok ay pinagbuksan ako ng lalaking nakangisi. Akala mo ako ay lalamunin. Mukha siyang uhaw at hayok na hayok sa aking laman.

Tumango ako bilang kompirmasyon sa tanong sa kanyang mga mata. Ngumisi siya nang mas malaki sabay tanong ng “Sino ang unang luluhod?”

Huminga ako nang malalim sabay tingala, kinapa ang barya sa aking bulsa. Isa. Dalawa. Dalawang Piso lang ang aking pera. Ganito siguro talaga kapag ikaw ay dukha. Lagi kang nakaluhod sa may kaya. Sa mas may kapangyarihan sa sitwasyon.

“Ako na lang muna,” ang naiiyak kong sambit habang lumuluhod sa harapan niya. Lalong lumapad ang ngisi niya, umabot sa kanyang mga mata. Kitang-kita ko ang pananabik sa kanyang mga mata. Maririnig ko na naman ang halinghing niya hanggang sa aking pagtulog.

Kasabay ng paglalaway niya ay ang pagpatak ng aking mga luha.

About PirmaAtPluma

Mahilig Sa Yellow, pero hindi kay Pnoy|| Madaldal|| A Fan of MSK, RAGubalane, Mike Portes, Kara David and akoposijayson || Fan ni Bob-Ong|| Proud Pinay|| Adik sa Clash of Clans