Ate Na Si Kuya

Photo by RyanMcGuire via Pixabay

Dalawa lang kaming magkapatid ni Kuya Berto. Apat na taon din ang tanda niya sa akin pero nasanay na kaming magturingan nang halos magkaedad lamang.

Simula kasi pagkabata ko, siya na ang nakamulatan kong kalaro at kasama sa kung saan-saan. Siguro’y ginagawa niya lang din ang tungkulin ng isang kuya sa kanyang nakababatang kapatid.

Bukod pa sa damayan namin bilang mag-utol, mas nangingibabaw sa amin iyong pagiging magbarkada, kaya kapag may nambu-bully sa akin, lagi siyang nakahandang magtanggol. Superhero ko siya. Wala siyang ibang inisip kundi ang kapakanan ko, ayaw na ayaw niya akong napapahamak lalo’t higit ang inaapi.

Noon ay lagi niya akong tinuturuang lumaban at maging matapang; na pumalag din paminsan-minsan para matutunan kong ipagtanggol ang aking sarili, subalit ibig ko lang laging manahimik. Kailanman ay hindi ko nagawang lumaban noon. Nasanay na akong hinahanap-hanap ang anyo ni Kuya sa tuwing ako’y kinakabahan sa pag-iisa.

Minsan na rin akong umuwing duguan at putok ang nguso, pinagkaisahan kasi ako ng mga kaklase kong sanay mang-api nang walang dahilan. Bakla raw ako dahil duwag. Nagalit si Kuya. Pinilit niya akong magsalita para ituro ang mga kapwa ko batang hindi nangiming gumamit ng dahas laban sa akin, lumabas siya’t sinundan ko naman. Hinanap niya ang mga kaklase kong tagasaamin lang din, at nang makita niya ang tatlong batang maingay na nagpapayabangan sa tabi ng kalsada ay pinakawalan niya ng tig-iisang suntok sa mukha ang mga ito, kasabay ng pagsasabing: hindi kabaklaan ang kaduwagan at lalong hindi kaduwagan ang kabaklaan.

Hindi sila nakaganti kay Kuya, alam nilang matangkad si Kuya at hindi nila ito kaya, at para sa akin ay gagawin niya ang lahat huwag lang akong masaktan at mapahiya. Simula noon ay mas naging protektado na ako, nawala na ang mga nang-aapi sa akin dahil takot sila sa siga kong kuya.

Photo by moshehar via Pixabay

Noong nag-high school siya, naiwan ako sa elementarya, doon na nagsimulang dumalang ang pagsasama naming dalawa. Nag-iba na ang mga hilig niya sa buhay, nagkaroon na rin siya ng ibang barkada. Ako rin, may mga bagong kaibigan na rin ako na nakasasalamuha. Nabawasan na rin ang oras ng paglalaro namin, nagbibinata na rin kasi siya noon kaya hindi ko na siya mahatak sa paglalaro. Naalaala kong may pinupormahan na nga pala siyang babae noon, kaya kahit gabi, napakadalang ko na rin siyang makaharap, naroon siya lagi sa bahay ng kanyang nililigawan.

Ngunit isang gabi, ginimbal kami sa bahay ng isang balita: itinigil na raw ni Kuya ang panliligaw kay Jhona na kaklase niya. Hindi raw naman niya talaga ito gusto, ang panliligaw niya ay isa lamang palang tugon sa udyok ng kanyang mga kabarkada na noon ay naghihinala na sa kanyang pagkalalaki. Ako naman ay wala ring alam tungkol doon, subalit nang sabihin niya sa akin, sa harap din nina Nanay at Tatay na bakla siya, nagulat ako. Gulat na gulat.

Nahiya ako noon para sa kanya, ang alam ko kasi, pinagtatawanan at pinandidirihan ng maraming tao ang mga uring tulad niya, pero sina Nanay at Tatay, niyakap nila si Kuya, tinanggap nila si Kuya nang buong-buo. Ako rin, tinanggap ko rin si Kuya gaya ng pagtanggap sa kanya ng mga magulang namin. Hindi ko maipaliwanag ang gabing iyon, napakasaya naming apat pagkatapos ng mahaba-habang iyakan. Mas naging malapit pa kami sa isa’t isa.

Maaliwalas ang sikat ng araw kinabukasan, inihatid ako ni Kuya sa school. Tila ibinalik ng kanyang pag-amin ang dati naming samahan. Ang pakiramdam ko nga ay para kaming naglalaro habang naglalakad, sa ibang paraan na nga lang: tinutukso niya ako kay Samatha na kras ko, tinutukso ko naman siya kay Joseph na kras niya. Tawa kami nang tawa. Isa iyong tagpong ayaw ko na sanang matapos pa dahil lalo ko pa siyang nakilala, at napatunayan ko ang kabutihan niya.

Sa pagkokolehiyo niya, tuluyan na niyang inilantad ang kanyang buong sarili, niyakap niya ang mundong ang sabi niya ay nagbubuo sa kanyang pagkatao. Nagsimula na siyang kumendeng nang pakonti-konti, bahagyang kumukulot na rin ang kanyang pagsasalita. Ang dating malagom niyang boses ay iniipit na niya para magtunog babae. Ang mga pantalon at salawal na isinusuot niya ay mga hapit na at maiikli, at ang malalaking sandong paborito niya dati ay napalitan na ng spagheti blouse. Ang kanyang mga kukong dati ay linggo-linggong bagong gupit ay lagi nang mahaba at makulay, at ang barkong sapatos na regalo noon ni Tatay sa kanya ay napalitan na ng sandals na may mataas na takong. Mahabang kulot na rin ang kanyang dating manipis na tabas ng buhok; ang bigotilyo at balbasin niyang mukha ay makinis na; may make-up na at marami pang koloreteng pampaganda.

Unti-unti, nagkakalaman na rin ang kanyang dibdib dahil sa mga iniinom niyang gamot; payat na rin ang dati niyang malaking katawan, 28 na ang sukat ng kanyang baywang. Higit sa lahat: ang dati kong kuya na kilala sa tawag na Bertong Siga sa aming barangay ay mas kilala na ngayon sa alyas na Brigette sa buong bayan.

Gay (Photo Credit: asiaphotostock.)

At dahil hindi naman siya kagandahang bakla, mas malimit siyang tudyuin kaysa kaibiganin. Malimit din, ang bago niyang anyong babae ang rason ng kanyang mga pasa sa katawan. Tampulan na siya ng tukso doon sa amin. Nilalait. Pinagtatawanan. Pinandidirihan. Sinasaktan. Itinatakwil. Parang ang salitang “bakla” ay naging mas masama pa kaysa mura, krimen at iba pa. maraming ulit na rin siyang niloko ng mga lalaki, pinaaasa siyang mahal din ng mga ito, ngunit peperahan lang naman.

Sa kanyang pagbabagong-bihis ay nag-iba na rin ang tingin ng marami sa kanya, nawalan na siya ng buti sa mga ito. Ngunit kung tutuusin ay ang mga asal na ipinakikita sa kanya ng mga tao ang tunay na masama, at ang paulit-ulit niyang pananahimik at hindi pagpatol sa mga ito ang tunay na mabuti.

Noong nasa kolehiyo na ako, may parlor na si Kuya, kumikita na kahit papaano. Subalit sa bahay, gabi-gabi kong naririnig ang hikbi niya sa kabilang kuwarto. Isang gabing siya ay pinagsasaktan ng katawan at kalooban ay sinadya ko siya sa kanyang silid, doon ay namasdan ko nga ang mga pasang nakalatay sa kanyang braso at hita, may maliit na sugat din sa gilid ng kanyang labi, higit sa lahat ay nadama ko ang kirot sa kanyang puso.

Sinasaktan siya ng lalaking kanyang iniibig nang totoo sa tuwing wala siyang naibibigay ritong pera, sinasaktan pa rin maski kulang lang ng ilang barya. Sinabi ko sa kanyang parang hayop naman ang taong iyon, bakit hindi siya magtrabaho’t patunayan niya ang kanyang pagiging lalaki? Sinabi ko ring iwanan na niya ang taong iyon at maghanap na lamang siya ng iba, ngunit napaluha ako nang yumakap siya sa akin nang mahigpit; kasing higpit ng yakap ko sa kanya sa tuwing kakailanganin ko ang saklolo niya, kaya hindi man niya sa akin sabihin ay nadarama ko ang kanyang pamimighati.

Noon ay napagtanto kong ate na nga si Kuya. Na totoong nagmamahal ng kapwa niya. Hindi na lamang ang panlabas na anyo ang babae sa kanya, maging ang kanyang puso ay lumambot na rin magmula nang matutong umibig.

Nagalit ako noon, bigla akong nasabik sa dati kong kuya na palaban at walang inuurungan. Wala na siya, napalitan na ng ateng mapagpasensiya, mapagtiis at mapagpatawad, subalit laging naroon pa rin ang kuyang mapagtanggol sa akin. Na minamahal ako’t inaalagaan.

Ang bilin niya: huwag daw akong paaapi kahit kanino. Tama na! Siya na lang. Ilang ulit na raw niya akong ipinagtanggol noong ako ay bata pa, kaya dapat ay alam ko na kung ano ang pakiramdam ng inaapi. Dapat ko na raw matutunang magsalita at lumaban kapag nasa katuwiran, at iyon nga ang pinakaaral kong natanggap mula sa kanya. Ngayon, ang kapalit ng turo niya ay para rin naman sa kanya. Siya naman ang ipagtatanggol ko sa abot ng aking makakaya.

Photo by maioanh1 via Pixabay

Nasaksihan ko kung paano unti-unting nag-iiba ang hitsura ni Kuya, kung paano siya nagiging kawangis ng isang babae, pero alam kong siya pa rin iyon, walang duda. At bukod sa anyong iyon na hindi naman nakakapaminsala ng kapwa, wala naman siyang ibang hinangad kundi ang maging masaya. Na kung minsan, kagaya rin naman ng marami na sa pagiging totoo sa sarili nakatatagpo ng tunay na ligaya, pagmamahal at pagtanggap. Respeto na rin sana.

Wakas!

3 Comments

  1. ‘teh, bgo mhlin ang lalaki, mahalin mo muna ang sarili mo, ang pinaka mahirap n sitwasyon s mundong ‘to ay ang matandang bakla n wlang salapi! Mg ipon habang bata at sariwa! Learning to love yourself is the greatest love of all. 🙂

Leave a Reply

Your email address will not be published.