Asunto o Areglo? (The Public Atorni Story)

Photo credit: http://ashevascoimagebox.multiply.com

“Asunto o Areglo?” Ang pinakatanyag na linya pagdating sa mga hearing o mediation na napapanood ko sa isang palabas na tumatalakay sa mga nangyayaring sigalot sa legal na pamamaraan: ang Public Atorni.

Madalas kong mapanood ito dati tuwing Huwebes ng gabi sa isang TV network. Ang pinakauna ay noong estudyante pa ako at nakatambay sa bahay ng kaklase ko bago ako umuwi. Pero dahil nakita ko na isa ito sa mga tila magagandang de-kalidad na palatuntunan sa panahon ngayon, ayos ito para sa akin. Bagamat lately ay ilang episodes na lamang yata ang nirereplay nila at maraming binago sa mga portion ng pagsasalaysay ng mga kinabibilangan na partido.

Tila pamilyar sa isang talakserye sa channel na ding iyun ang naturang palabas. May dalawang partido sa ngalan ng nagrereklamo at inirereklamo. May mga problema o gulo na tinatalakay. At laging may resolusyon sa bandang dulo o pagtatapos ng kada mediation. May panahon na nakakaimbyerna sa bigat ng drama, at mayroon ding nakaloloka lang. Ang pinagkaiba nga lang ay mas sibilisado ang mga partidong lumalahok dito. At sa totoo lang, walang taga-awat na bouncer o namamagitan na iba pa kundi ang ikatlong partido lamang na kinabibilangan ng Public Attorney Office (PAO) Chief Atty. Persida R. Acosta.

Siya din ang nagsisilbing tagahatol ng mga kaso base sa mga salaysay na binibitawan ng mga partido na nagrereklamo at inirereklamo. Maliban dito, nangangaral siya kung ano ba ang dapat gawin ng bawat isa na maging responsableng mamamayan sa mata ng batas. Dahil ika nga niya, “pagdating sa batas, lahat ay patas.”

Maganda na may mga programang tulad ng Public Atorni na umeere sa telebisyon ngayon, dahil kahit papaano ay nadaragdagan ng kaalaman ang mga tao pagdating sa mga usaping may kinalaman sa batas. Na ang mga karapatan natin  at anupaman ang gagawin natin ay may kaakibat na responsibilidad o pananagutan lalo na kung ikapapahamak ng ating kapwa tao. Ang simpleng away na posible pang mauwi sa mas malalang senaryo ay madaling naireresolba, kaso man o kasunduan ang magiging kahihinatnan.

Hindi man ito nagbibigay ng prangkahang pamamaraan ng aliw na usong-uso pa naman sa panahon ngayon, pero ito ay nagbibigay kaalaman sa sinuman. Madali lang itong naipapaliwanag ni Atty. Acosta sa tinatawag na layman’s term o mga salita na angkop sa karamihan, lalo na ang mga pangkaraniwan o ordinaryong tao lamang. Sa ganitong pamamaraan, naiiwasan ang pagiging ignorante ng tao pagdating sa legal na usapin, o sabihin na natin ay mga alintuntunin sa lipunan.

Sa ngayon, kahit ilang beses nang paulit-ulit ang mga nahuling episodes nito kung ipalabas sa TV (sabagay, ilang mga magkakatulad na kaso na rin kasi ang naitalakay sa programang ito e), ay ito pa rin para sa akin ang isa sa mga tipo ng palatuntunan sa telebisyon na sana ay lumalaganap sa panahon ngayon.

My Take: 7.5 stars out of 10. Hindi man ganun kaappealing para sa aking ang teknikal na parte ng programang Public Atorni, mas tumitingin naman ako sa mga nilalaman nito, yung mga bagay na may makukuha akong aral, bagay na napatunayan ng nsasabing TV program para sa akin.

Author: slickmaster

Date: 10/16/2012

Time: 11:04 a.m.

© 2012 september twenty-eight productions

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.