Huling pamamaalam: Aso sa campus dinala sa hinahanap niyang best friend professor

Image from Mark Christian Arceo and Sally David via Facebook

May kasabihan….pakainin mo ang aso nang ilang beses, ibibigay na niya sa iyo ang kanyang forever.

Isa sa mga patunay nito ay ang naging pagkakaibigan ng asong si Buboy at ng kanyang kaibigan na si Sir Carmelito Marcelo.

Image from Ma Kristina Paola Demafelix via Facebook

Umaantig sa puso ngayon ng mga netizens ang post tungkol sa kuwento ni Buboy at kung paano niya araw-araw na hinihintay ang hindi na darating na si Sir Marcelo.

Image from Ma Kristina Paola Demafelix via Facebook

Matatagpuan sa Pampanga ang asong si Buboy na pagala-gala lang sa Mabalacat City College kung saan nagtuturo si Sir Marcelo; hanggang sa ang dalawa ay naging malapit sa isa’t isa.

Ayon sa kuwento ni Ma. Kristina Paola Demafelix, kasamahan ni Marcelo sa Mabalacat City College, hindi raw mapaghihiwalay si Buboy at ang propesor nang ang huli ay nabubuhay pa.

Anak si Buboy ng isang aso sa campus. May nagmamay-ari umano kay Buboy ngunit mas pinipili ng aso na pumunta at manirahan sa campus.

Hindi man si Marcelo ang tunay na nagmamay-ari kay Buboy, siya naman daw ang nagpapakain at nag-aalaga sa aso. At upang makabawi ay lagi raw hinihintay ni Buboy ang propesor na si Marcelo sa labas ng faculty room.

Minsan pa nga raw ay nagbabantay si Buboy sa classroom kung saan nagtuturo si Marcelo o ‘di kaya ay tahimik na tumatabi mismo sa propesor habang ito ay nagtuturo sa klase.

Ayon pa sa kamag-anak ni Sir Marcelo, anak na raw ang turing ng propesor kay Buboy dahil wala raw itong asawa at anak. Tatlong taon na rin naman umano silang magkasama sa paaralan.

Nang ang guro ay hindi na pumapasok dahil sa malungkot na pangyayari, araw-araw pa rin daw itong hinihintay at inaabangan ni Buboy sa labas ng faculty room.

Sa mga araw na hindi nakita ni Buboy si Marcelo ay matinding stress daw ang naramdaman ng aso at lagi raw itong balisa.

Kaya naman napagdesisyunan na ni Demafelix na isama si Buboy sa bur0l ng namaalam na propesor nang makapagpaalam na ito sa kaniyang matalik na kaibigan.

Sa isang video na ibinahagi ni Demafelix, ipinakita si Buboy na sakay sa isang tricycle para dalhin sa simbahan kung saan nakahimlay ang mga labi ng propesor.

I-click ang imahe upang mapanood ang video ni Ma Kristina Paola Demafelix via Facebook

Makikita sa mga litrato at videos na ibinahagi sa Facebook kung paano tinignan ni Buboy ang kanyang kaibigang propesor at nagbantay pa ito sa tabi ng kanyang mahal na kaibigan.

Image from Ma Kristina Paola Demafelix via Facebook

Ibinahagi rin ng netizen na si Ann Baliga ang isang video habang pinapakita ang naghihintay na si Buboy sa labas ng faculty room. Ang caption pa sa video:

“Buboy pinaiyak mo kami kanina. Ilang araw niya na pong hinihintay lumabas si Sir Marcelo sa IBE faculty. A dog is a really a man’s best friend.”

I-click ang imahe upang mapanood ang video ni Ann Baliga via Facebook


Ipinangako naman ni Demafelix na kahit namaalam na raw si Sir Marcelo ay aalagaan pa rin daw nila si Buboy tulad ng pag-aalaga ng propesor sa kaniya. Mananatili pa rin daw si Buboy sa paaralan kung saan niya unang nakilala ang minamahal niyang propesor.

Dito makikita na hindi lamang ang mga tao ang tunay na nakararamdam ng emosyon. Maski ang mga hayop tulad ng aso na si Buboy ay nakararamdam din ng malalim na koneksyon sa mga tao.

Ang mga hayop ay nalulungkot din, at kung nakakaiyak nga lang sila, siguro’y nagawa na ito ni Buboy habang namamaalam sa matalik niyang kaibigan na si Sir Marcelo.

Nagbibigay naman ng update sa kaniyang Facebook account si Demafelix tungkol kay Buboy. Kamakailan ay pinaliguan ito at pinakain pa.

Image from Ma Kristina Paola Demafelix via Facebook

Nagpasalamat naman ang mga netizens kaugnay sa pagtulong at pag-aalaga kay Buboy ng mga malalapit kay Sir Marcelo.

Salamat sa mga updates mo. Sigurado masaya si sir ngayon dahil maraming nag aasikaso sa kanyang anak anakan na si buboy. Wag nyong pagsawaan alagaan sya hanggang sa pagtanda nya para na rin sa alaala ni sir, isa siyang magandang ehemplo.”

Update mo kami palagi kay buboy ha.

Sana’y makita kita buboy maraming salamat sa lahat nagmamahal kay buboy at sa inyo po nag aaruga sa kanya maraming salamat po saludo ako sa inyo.”

Dahil sa labis na atensyon na nakukuha ng kuwento ni Buboy at ni Sir Marcelo, ang aso ay binansagan nang “Hachiko of the Philippines” ng ilang netizens. #BuboyAngHachikoNgPinas