Aso na sumasakay ng bus mag-isa araw-araw upang pumunta sa park, kinagigiliwan

Image from Associated Press via YouTube

Ayon sa pananaliksik, mas maiksi ang memorya ng mga aso kumpara sa mga tao — 70 seconds lang ay maaari na nilang makalimutan na binigyan mo na sila ng pagkain!

Ngunit lumabas din sa pag-aaral na mayroong associative memory ang mga aso. Ang memoryang ito ay nakakonekta sa tunog, amoy, o nakikita ng aso.

Halimbawa, ang pagtunog ng susi ay nagpapahiwatig sa iyong aso na ikaw ay lalabas ng bahay. Kapag narinig naman nila ang tunog ng pagbukas ng plastik ay nagpapahiwatig ito sa kanila na sila ay bibigyan mo ng pagkain.

Kaya naman ang paulit-ulit na gawain ay nakakasanayan na rin ng mga aso, at ito ay tumatatak sa kanilang mga memorya.

Tulad na lamang ng asong si Eclipse, isang labrador at mastiff mix na nakatira sa Seattle. Kilala at sikat si Eclipse sa mga commuters at regular na pasahero na ito ng Seattle D Line bus.

Image from Associated Press via YouTube

Araw-araw ay sumasakay mag-isa si Eclipse sa D Line bus, at alam din niya ang eksaktong lugar kung saan siya bababa, sa Belltown dog park.

Dahil sa kaniyang nakatutuwang gawain at nakamamanghang disiplina, naging tanyag si Eclipse at panalo sa puso ng mga pasahero ng D Line bus.

Image from Associated Press via YouTube

Nagsimula ang bus adventure ni Eclipse matapos niyang maiwan ang kaniyang amo na si Jeff Young na natagalang makarating sa bus stop.

Pagkadating ng bus na lagi nilang sinasakyan ni Jeff, sumakay si Eclipse na hindi kasama ang kaniyang amo. Siya rin ay bumaba sa Belltown dog park kung saan sila ay laging pumupunta.

Simula noong maiwan ni Eclipse si Jeff sa bus stop, nakasanayan na ng aso ang mag-isang sumakay ng bus at sa may park na lang sila nagkikita ng kaniyang amo.

Sa King County, Seattle, pinapayagan ang mga aso sa loob ng bus hangga’t may pahintulot ng driver. Lagi namang tinatanggap si Eclipse sa kahit anong bus na kaniyang nasasakyan dahil na rin sa kaniyang labis na disiplina at pagiging maamo.

Image from Associated Press via YouTube (click image to watch the full video)

Ayon sa mga pasahero na nakakasabay ni Eclipse, mabait daw ang aso at walang idinudulot na pinsala o kapamahakan sa iba. Magiliw siyang tinatanggap ng mga bus driver dahil na rin sa tuwang naibibigay niya sa mga pasahero.

Dahil sa kaniyang kasikatan, naitampok na rin si Eclipse sa iba’t ibang news channel sa buong bansa.

She makes everybody happy. How can you not love this face?” sabi sa interview ng isang pasahero na nakasabay ni Eclipse sa bus.

Image from Associated Press via YouTube

Itinuturing na blessing si Eclipse sa mga bus na kaniyang nasasakyan, at dahil diyan, itinuturing na rin siya bilang celebrity dog ng mga pasahero.


Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.